Chapter 33

23 0 0
                                    

LUMAPIT ako sa kinaroroonan ni papa, sa labas ng sala. Paboritong pagmuni-munihan ni papa ang spot na ito sa bahay. Dito siya nakakapag-isip nang tahimik at malaya habang nakatingin sa langit, binibilang niya palagi ang mga bituin.

Hinila ko ang upuan sa tabi niya at naupo. “May problema ba, papa?”

Ipinilig niya ang ulo paharap sa akin. Kumunot pa nang kaunti ang noo niya at ibinalik ang tingin sa langit. “Problema? Wala naman. . .” Bumuntonghininga siyang nagpatuloy, “Marami lang ginagawa sa kompanya. Balak ko na ring mag-retiro at maging shareholder na lang.”

Halata ngang busy si papa nitong nakaraang buwan. Hindi rin naman niya ako makausap tungkol sa negosyo dahil hindi ko forte iyon. Wala tuloy akong maitutulong sa kaniya kundi ang makinig lang sa problema sa family business nila papa.

“Napagalitan daw si Rahel kanina sa school?”

Tumango ako. Itinaas ang paa ko sa upuan. “Pinagbintangan daw kasi siyang kinuha niya iyong baunan noong kaklase niya, pero na-misplace lang pala. Nagkaayos naman na iyong dalawang bata, saka nag-sorry rin iyong teacher sa ginawa niya.” Niyakap ko ang tuhod ko at saka ipinatong ko ang baba.

Inalam ko kaagad ang nangyari kanina at hinanap ko kung saan iyong baunan na sinasabing ninakaw ng anak ko. Nandoon, nakita ko sa silong ng lalagyan ng mga walis, sa pinakailalim. May galit yata iyong batang gumawa n'on sa anak ko pero imbes na pagalitan din ay mahinahon kong binigyan ng leksyon. Kapag uulitin pa niya, pagagalitan ko rin nang maramdaman niya rin kung paano pagalitan.

Hindi naman kasi iiyak si Rahel nang ganoon katindi kapag ginawa niya. First time lang mangyari iyon sa kaniya at kapag naulit pa, hindi ako magdadalawang-isip na ilipat sa ibang school ang anak ko.

“Inuna ang magalit bago hanapin ang baunan. Kawawa naman ang apo ko. Napagbintangan ng hindi niya ginawa,” naaawang sabi ni papa. Nailing pa siya sabay buga nang mahinang hangin.

Uminom ulit siya. Huni ng insekto ang umalingangaw sa halamanan sa harap ng mesang kinauupuan namin. Kumakanta iyong insekto na wala sa tono kaya masakit sa tainga.

“How's the process of your NCLEX-RN exam?”

“Hindi pa nila natatanggap iyong documents na ipinadala namin. Siguro by the end of the month matatanggap na nila, saka ire-review. Maghihintay kami ng lima o anim na buwan,” sagot ko habang hinahampas-hampas nang may kalakasan ang paa ko para bugawin ang mga dumadapong lamok.

“May ibibigay akong reviewer sa 'yo bukas. Iyong isang employee kasi sa kompanya, may anak ding magte-take ng NCLEX-RN kaya nagpa-photocopy ako ng reviewer noong anak niya,” sabi ni papa dahilan pandilatan ko siya ng tingin pagkalingon ko.

Umukit ang nakagagaan sa pakiramdan na ngiti ni papa. “Remember that I am not pressuring you to ace the exam, Janelle. I only want to help you pass the exam,” paglilinaw ni papa.

Tumango-tango akong ibinalik ang ngiting nasa labi niya. “Thank you, papa.”

Wala na talaga akong hihilingin pa kundi ang magkaroon pa ng mahabang buhay si papa. Hinding-hindi ko siya iiwan hanggang sa pagtanda niya dahil siya ang kasama ko.

“Jazz came here a while ago. Hinahanap ka niya,” imporma niya bilang paglihis sa ibang usapan.

Salubong ang kilay ko. Binanggit niya kaya kay papa iyong nangyari kahapon? Umawang nang kaunti ang labi ko.

“Bakit daw, papa?”

Ipinaling niya ang ulo sa kanan. “Wala naman siyang nabanggit. Gusto ka lang yatang kausapin.” Tumango siya nang maalalang iyon ang sinabi sa kaniya ni Jazz sabay balik sa akin ng paningin.

My Yearning HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon