Chapter Twenty-Four

103K 4.7K 3.8K
                                    

Mabigat ang kalooban ko nang umuwi ako. Hindi ko na nagawang magpaalam kay Ashteroh... wala na rin naman akong lakas ng loob gawin 'yon.

Parang malakas na sampal sa mukha ko ang mga sinabi n'ya... Hindi na talaga n'ya 'ko mahal. Ano pa ba ang aasahan ko? Imposibleng mahalin n'ya pa rin ako matapos ng ginawa ko sa kanya.

“Ma'am... nandito na po tayo.”

Napapitlag na lang ako nang kulbitin na ako nang tricycle driver. Doon ko lang napagtanto na nandito na ako sa tapat ng apartment ko. Ni hindi ko man lang napansin sa sobrang lalim ng iniisip ko. Buti na lang mabait ang driver na 'to.

“S-Salamat po, ito po ang bayad,” sabi ko na lang saka inabot ang bayad ko.

Agad akong bumaba ng tricycle at pumasok sa apartment. Napabuga na lang ako ng hangin at napahilot sa sentido ko. Medyo okay na ako kanina pero parang bumabalik na naman yata ang sakit ng ulo ko.

Pumasok na ako sa bahay. Inaasahan ko na si Gina lang ang bubungad sa akin ngunit natigilan ako nang makitang may kasama siya... Sina Chinu.

“Naths! Tingnan mo kung sino ang nandito! Sina Chinu, Kuyu, at Ken!” tuwang tuwa na sabi ni Gina saka agad na lumapit sa 'kin.

Ngumiti sa akin sina Chinu. Hindi ako nagsalita o kumibo. Nanatili akong nakatingin sa kanila. Ang dami ng tumatakbo sa isip ko ngayon at ayokong madamay sila sa nararamdaman kong bigat ngayon... pero naiinis ako. Sobrang naiinis ako.

Nawala ang ngiti sa labi nila nang makita ang reaksyon ko. Nanatili akong nakatingin nang malamig sa kanila. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon... Dapat masaya ako dahil matagal na akong nag-aalala sa kanila. Pero wala akong maramdaman na tuwa.

“M-Mukhang ayos na ayos kayo, ah. Mukha kayong walang problema. M-Mukha kayong masaya,” usal ko habang nakatitig pa rin sa kanila.

Naramdaman ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ko, nanlalabo na ang paningin ko dahil sa mga luha. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at natawa nang mapakla.

“Nathalie...” nasabi na lang ni Chinu, tila hindi alam ang sasabihin.

Maliliit ang hakbang na lumapit ako sa kanila. Hinampas ko si Chinu gamit ang bag ko. Hindi naman siya gumalaw para salagin o ilagan 'yon. Muli ko siyang hinampas, mas malakas kaysa kanina. Natahimik silang apat habang nakatingin lang sa akin. Tuluyan ng umalpas ang mga luha mula sa mga mata ko.

“Matalino kang tao, Chinu! K-Kung sana lang ginamit mo pa 'yang talinong 'yan noon! S-Sana hindi ko kinailangang lokohin ang taong mahal ko! S-Sana ako 'yung mahal n'ya ngayon at hindi ibang babae! Kung sana lang hinintay n'yo 'kong gumawa ng paraan at hindi n'yo ko inipit! Mukha kayong masaya ngayon! Mukha kayong okay samantalang ito ako! Miserable pa rin! Tangina n'yong lahat!” sigaw ko saka tuluyang sinampal si Chinu.

Alam kong hindi ko naman dapat sila sinisisi dahil pinili ko pa rin ang nakawan si Ashteroh... pero kailangan ko lang talaga mailabas ang lahat ng 'to... ang lahat ng kinikimkim ko ng ilang taon. Gusto ko ng ilabas para kahit papa'no maging okay na ako pagkatapos nito. Kahit ngayon lang, gusto kong isisi sa kanila ang lahat at hindi sa sarili ko... kahit ngayon lang gusto kong maging makasarili.

Hindi kumibo si Chinu at hinayaan lang na paghahampasin ko siya. Naramdaman kong humawak si Gina sa braso ko, tila pinipigilan ako. Agad ko namang inalis ang pagkakahawak n'ya sa akin.

“Bitiwan mo 'ko! Lahat kayo! P-Parehas lang kayo na inipit ako! Hirap na hirap na 'kong kimkimin lahat sa sarili ko! Bakit ako lang yung nagdurusa?! Bakit okay lang kayong lahat?! B-Bakit ako lang 'yung nahihirapan?! Pagod na pagod na 'kong iligtas kayo nang paulit-ulit! Pagod na pagod na 'ko sa pagiging makasarili n'yo! Gusto ko sarili ko naman! Gusto ko rin naman maging okay! G-Gusto ko rin namang sumaya! B-Bakit ako lang? Bakit ako lang 'yung hirap na hirap na?”

Caught and Conquered (SERIE FEROCI 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon