Simula

394 18 3
                                    

Disyembre 2, 1899

Hindi pa man sumisikat ang araw ay gising na si Inang Katarina. Ginigising siya ng kaniyang kutob at ng masamang pangitain. Nanaginip siya na hindi magiging maganda ang kalalabasan ng labang ito. Nagdadalawang-isip siya kung lalapit ba siya at sasabihin ito kay Heneral Del Pilar o hindi. Alam niyang determinado ang heneral na manalo at kalabanin ang mga dayuhan ngunit hindi niya ito kayang tiisin at hayaang mamatay sa labanan. Sa huli ay nagpasya siyang lumapit sa heneral.

Nagtungo siya sa kubo kung saan naroroon ang heneral at ang mga sundalo nito. Naabutan niya itong nagpupulong at nag-iisip ng magandang diskarte. Napansin siya ni Julian, kapatid ni Gregorio.

"Inang Katarina? Maaga pa, ika'y matulog pa. Mamaya ay importante ang iyong papel na gagampanan. Ikaw ang aming magiging manggagamot," nakangiting bati ni Julian.

"Maaari niyo ba muna kaming iwanan ng heneral?" Walang panahon si Katarina sa pakikipagkuwentuhan. Diniretso niya na ang lahat. Nagkatinginan sina Vicente at Julian. Samantalang ang heneral ay nakatitig na sa matanda.

"Iwanan niyo muna kami," seryosong saad ni Heneral Goyo. Sumunod naman agad ang mga sundalo. Napansin ni Inang Katarina ang lamesa, at naroon ang mga plano nila para sa araw na ito.

"Heneral," panimula ng matanda at bumuntong-hininga. "Hindi maganda ang kalalabasan ng laban. Matatalo tayo at marami ang masasawi. Kasama ka."

Nanlaki ang mga mata ni Heneral Goyo sa sinabi ni Inang Katarina. Kilala niya ang manghuhula at alam niya na totoo ang mga sinasabi nito at nangyayari ang mga bagay na kaniyang ibinabahagi, gustuhin man nila o hindi.

"Kaya naman ay kung mahal mo pa ang iyong buhay at mayroon kang pakialam sa mga taong nagmamahal sa iyo, huwag mo nang ituloy ang laban," seryoso at nag-aalalang sabi ni Inang.

Umiling si Goyo at tumayo mula sa kaniyang kinauupuan. Nagtungo siya sa may bintana at sinilip ang mga sundalong naghahanda para sa labanan mamaya.

"Matagal na naming pinaghandaan ito, Inang. Nakikita mo ba ang mga sundalong iyan? Sila'y desidido na lumaban para sa ating bayan. Ayaw na nilang muling maranasan ang mapait na kahapon na idinulot ng mga Kastila."

"Ngunit Goyong, paano ka naman? Hindi pa naman nagsisimula ang laban kung kaya't maaari ka pang umatras," pangungumbinsi ni Inang. Hindi niya akalain na magiging matigas dito si Goyo. Kilala niya ang batang heneral na sumusunod sa mga utos. Sa unang pagkakataon ay sumuway ito, at sa hindi magandang paraan pa dahil buhay niya ang maisasakripisyo.

"Ang mga tao ko'y lumalaban at hindi sumusuko. Bakit ako aatras, Inang? Ano pa't heneral ako? Anuman ang mangyayari sa akin ay tanggap ko na. Gaya nga ng sabi nila, kapag ika'y naging sundalo, ang isang paa mo'y nakabaon na sa lupa. Ngayong ako'y isang heneral na, tanggap ko nang anumang oras ay maaari akong--"

"Goyong! Iyong naririnig ba ang mga sinasabi mo? Paano si Remedios?" Nakakunot-noong tanong ni Inang.

Malungkot na ngumiti si Goyo. Palihim niyang pinunasan ang luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Hindi pa opisyal na nagsisimula ang kwentong pag-ibig nila ni Remedios ngunit mukhang matatapos na agad ito. Kaniyang pinanghahawakan ang sulat ni Remedios at umaasa siyang sa kaniyang pagbalik ay magiging sila na ni Remedios.

Ngunit tila ay hindi na iyon mangyayari.

Sa rami ng binibining kaniyang inibig at umibig sa kaniya, si Remedios ang pinakapinanghihinayangan niya. Kay Remedios niya rin nakikita ang kaniyang kinabukasan ngunit mukhang wala na siyang hinaharap dahil hanggang dito na lang ang kaniyang buhay.

Humarap siya kay Inang. Napansin niyang lumuluha na rin ang matandang manghuhula at manggagamot. Nginitian niya ito at lumapit siya rito. Binigyan niya ito ng mahigpit na yakap. Ang matandang ito ay parang ina niya na rin. Si Inang Katarina ang manggagamot nila sa tuwing sila'y nakikipaglaban sa mga Amerikano. Kahit na matanda na ito ay kayang-kaya pa niyang manggamot.

Susi Of Tirad PassTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon