KARL’S POV
Pilit kong hinaharangan ang dalawang lalaki para hindi nila makuha ang katawan ng asawa ko. Hindi ako naniniwalang patay na ang asawa ko kasi hindi ako iiwan ng asawa ko.
“Sir, nagmamadali po talaga kami. Kailangan na po naming kuhanin ang bangkay, sir. May pupuntahan pa po kasi kami,” sabi naman ng isang lalaki.
“Eh ’di umalis na kayo! ’Wag n’yong kuhanin ang asawa ko!” sigaw ko sa kanila.
Nakita ko si Nicole na pinagmamasdan ang mukha ni Jane ’tapos lumapit kay Mommy para kausapin ito. Tiningnan din niya si Lenny. Halatang naiinis siya sa pinag-uusapan nila ni Mommy.
Biglang pumasok ang Tita ko na OB-GYN ni Jane. “What the hell! Ano’ng nangyayari dito?” gulat na tanong niya.
“Karl, ano’ng nangyari?” nagtataka niyang tanong nang makita ang duguang mga kamay ko.
“Uhm . . . Tita, babayaran po ’yan ni Mommy mamaya. ’Di ba, Mommy?” sabat ni Nicole habang pinandidilatan si Mommy.
“Huh? Bakit ako? Wala akong dalang pera. Si Karl kaya ang bumasag niyan. Anak, ikaw ang magbabayad, ’di ba?” nagpa-panic na depensa ni Mommy.
“Ako na ang magbabayad. Pasensiya ka na, ‘Insan. Nagwala kasi itong anak ko dahil hindi niya matanggap ang nangyari sa asawa niya,” malungkot na sabi ni Daddy.
Halatang nasasaktan din siya sa nangyari. Hindi rin naman lingid sa kaalaman ko na napamahal na si Jane sa kanila lalo na noong magkakaanak na sana kami.
“Hindi pa patay ang asawa ko, Dad!” mariing sabi ko.
“Sino’ng nagsabi sa ’yong patay na ang asawa mo?” hindi makapaniwalang tanong ni Tita.
Napakunot ang noo ko pero bigla akong nabuhayan ng loob. “Huh? Ano po ang ibig mong sabihin, Tita?”
“Dinala nila siya kanina dito para magpa-checkup. Napansin kong mukhang stress ang asawa mo. Ang sabi niya, hindi pa raw siya nakakatulog ng halos dalawang araw na. Kaya pinainom ko muna siya ng sleeping pills para makapagpahinga naman,” paliwanag ni Tita.
“Saan mo naman nakuha ang ideyang patay na siya? Oh my God naman, Karl! Umayos ka nga! Tingnan mo ang ginawa mo! Ang mamahal ng gamit na pinagbabasag mo,” sermon niya sa akin.
Napatingin ako sa pinto kung saan nakatayo kanina si Mommy. Nakita kong wala na sina Mommy, Lenny, at Nicole sa kwarto. Ipinikit ko ang mga mata ko para pilit na pakalmahin ang sarili.
“Oh, kayo, ano’ng ginagawa n’yo rito?” galit na tanong ni tita sa dalawang taga-Porras Funeral Homes.
“Ma’am, kukuhanin lang po sana namin ang bangkay ni Ms. Rosalinda Flores. Nakasalubong po namin kanina si Ma’am na kamag-anak daw po. Ang sabi po niya, dito raw po ang room. Teka, nasaan na ba siya? Nandito lang ’yon kanina, ah,” nalilitong sagot ng lalaki.
Siguro hinahanap niya si Mommy. Siguro noong nakita kong lumabas si Mommy, saktong nakasalubong niya ang mga ito kaya siya ang napagtanungan.
“Lumabas na kayo! Mali ang kwartong pinasukan n’yo!” pagtataboy ni Daddy.
Dali-daling tiningnan ni Tita si Jane. Una niyang tiningnan ang pulso at ang heartbeat ni Jane. “Oh, my gosh! Karl, sino ang gumawa nito sa asawa mo? Mukhang patay!”
Pinagmasdan ko nang maigi ang asawa ko. Naiyak ako nang makitang humihinga siya. Buhay si Jane, buhay ang asawa ko! Ang saya ko!
“Akala ko, wala ka na. Akala ko, iniwan na n’yo na ako,” sabi ko at hinalikan siya sa lips.
Nagmamadaling pumasok uli ng kwarto si Nicole. Nakita kong tumuntong siya sa silya at may inaabot sa ibabaw ng cabinet.
“Nicole, ano ’yan?” tanong ko.
Nanlaki ang mga mata niyang napatingin sa akin.
“Ah, wala po Kuya,” patay-malisyang sagot nito habang may itinatago niya sa likod niya.
“Sh*t! Nicole, akin na ’yan!” sigaw ko sa kanya.
Nataranta siya kaya nakita kong camera ang kinuha niya. Takte naman! Ini-record pa talaga ni Mommy ang nangyari?
Lumapit ako sa kanya pero dali-dali siyang tumakbo sa pinto. Sakto namang bumukas ito at pumasok si Lenny.
Napatili naman si Nicole nang makita si Lenny. “Ate Lenny, bakit bumalik ka pa? Takbo na!”
Kumaripas na ito nang pagtakbo palabas.
“Huh? Teka lang, Nicole. ’Yong tsinelas ko! ’Ayan na siya!” sigaw ni Lenny nang palapit na ako sa kanya. Siguro dahil sa pagmamadali kanina, naiwan niya ang tsinelas niya.
“Mapapatay ko talaga ang matandang ’yon!” galit na bulong ni Daddy dahil nabiktima rin siya nina Mommy.
Bakit ba kasi nakalimutan ko na sina Mommy at Lenny ang kasama ni Jane sa pagpunta dito sa ospital? Eh, si Mommy pa na triple pa ang kalokohan kaysa kay Nicole.
Pumalatak si Tita. “Hanggang ngayon, magaling pa ring makeup artist ang mommy mo. Linisin mo na ang mukha ng asawa mo at i-che-check ko sila nang maigi,” sabi ni Tita. Magkaklase rin kasi sila ni Mommy at pareho silang member ng drama club noon.
Agad akong pumunta sa CR para basain ang panyo ko. Pupunasan ko na sana ang mukha ni Jane nang magising ito.
“Karl? Nandito ka, hon?” nagtatakang tanong niya.
Niyakap ko siya habang naiiyak. “Jane, gising ka na. I love you!”
“Karl, akala ko hindi na kita makikita.” Tiningnan niya pa ako nang maigi para makasigurong ako nga ito. “Karl? Hon . . . ikaw nga. Natakot ako kasi akala ko hindi mo na ako babalikan,” todo iyak na sabi niya.
“Tama na, hon. Nandito na ako. ’Wag ka nang umiyak dahil bawal sa inyo ni baby ’yan.”
“Karl, umuwi na tayo, please. Ayoko na dito kasi mas magkakasakit kami ni baby kapag nanatili pa kami rito,” pakiusap niya. Sinasabi ko na nga ba na kapag bagising ’to, magyaya talagang umuwi, eh.
“Hon, punasan muna natin ’yang mukha mo, ha.” Ipupunas ko na sana ang basang panyo para matanggal ang makeup pero pinigilan niya ako. Tiyak magagalit ’to kapag nakita niya ang sarili.
“Mamaya na lang sa bahay. Ayaw ko na rito sa hospital,” sabi niya at tumayo na.
Nakaupo lang sina Daddy at Tita. Halatang pinipigilan ni Tita na matawa.
“Hon, mas mabuti kung maayos muna natin ’yang mukha mo para maganda kayo ni baby paglabas.”
“Sabing ayaw ko, eh! Ano ba, Karl? Ikinakahiya mo ba ako? Iuwi mo ako ngayon din!” galit na sigaw niya sa akin.
“Ha? Sige, hon. Tara na,” pagpayag ko para hindi na kami mag-away.
Hindi man lang niya napansin ang mga sirang gamit nang tumayo siya. Siguro medyo nahihilo o pagod pa siya.
Hindi na rin kami pinigilan ni Tita dahil sigurado siyang okay naman ang mag-ina ko.
Paglabas namin ng kwarto, pinagtitingnan kami ng mga tao. Nagulat pa ang iba nang makita siya. Mukha kasi talaga siyang bangkay dahil sa sobrang puti ng mukha niya at medyo maitim na labi.
“Hala! Nabuhay ang patay?” bulong ng isang babae habang naglalakad kami ni Jane.
Napakunot ang noo ni Jane sa narinig. Halatang nagtataka rin siya kung bakit kami pinagtitinginan.
Mabilis naman kaming nakauwi. Pagdating sa bahay, agad siyang dumiretso sa kwarto.
Naupo niya sa dresser para magsusuklay ng buhok. Napatili siya nang makita niya ang mukha niya.
“Karl, ano’ng ginawa mo? Bakit ganito ang mukha ko? Hindi ka na talaga makaka-bang bang sa akin kahit i-request pa ni baby!” tili niya.

YOU ARE READING
Accidentally Married to Mr.Famous (published under Psicom)
HumorPara sa short film lang naman ang pinunta ni Jane sa simbahan kaya siya naka-wedding gown pero hindi niya akalain na sa lahat ng babae, siya pa ang aksidenteng pinakasalan ni Karl Montenegro. Sikat, mayaman at higit sa lahat ay may-ari ng Westbridge...