PROLOGUE

11.6K 259 20
                                    

Pagkatapos ng gabi ng dugon...

MAY ISANG KULISAP na umaali-aligid sa lupa. Lumapit ito sa mga lasog-lasog na buto. Mayamaya pa'y nagpalit ng anyo ang kulisap-naging itim na ibon. Napaisip ang ibon, bigla siyang lumipad na parang napaso sa lasog-lasog na buto. Sumiyap pa na para bang natatakot sa paligid.

Sa di kalayuan, sa lupa, isang bilog na animo'y maliit na bola na kulay pula ang saglit na gumalaw. Para itong laman ng tao. Umikot-ikot at gumalaw pa-gumapang sa lupa, papalapit sa mga lasog-lasog na buto, parang kumakapit sa mga ito pero kapag walang mangyayari ay hihinto saglit at parang may isip na gugulong muli at pupunta sa iba pang lasog-lasog na buto. Muli pa itong gumulong, tumibok-tibok na parang may buhay.

Bigla'y natigilan ang itim na ibon, pinagmasdan ang bolang kulay pula. Sinundan ng tingin ang paggulong nito sa lupa-na para bang naglalakad na humihingi ng saklolo.

Bertud, isip ng itim na ibon.

Patuloy pang gumulong ang pulang bola. Nagsumiksik sa puno ng malaking belete. Tumibok ito. Bumilis nang bumilis.

Sa takot, lumipad ang itim na ibon, pero nanatiling nakatingin sa bolang pula, hindi maiwan iyon. Pinagmsdan niya itong pilit na nagsusumiksik sa mga ugat ng puno ng balete. Nakita niya ang dalawang mga matang nakapikit. Pamilyar sa kanya ang dalawang matang iyon! Si Buhawan!Ang bertud ni Buhawan! Biglang nagpalit ng anyo ang itim na ibon-sa kanyang tunay na anyo! Si Pontoho!

Luminga-linga sa paligid sa Pontoho, sinisigurong walang nakakakita sa paligid. Hindi na niya alintana ang mga lasog-lasog na buto na nakapaligid sa malawak na lupaing iyon. Bigla siyang nagtungo malapit sa bertud. Akmang dadamputin ito nang biglang may puwersang tumulak sa kanya, kasabay noo'y biglang kumidlat at tumama sa kanyang palad. Nagliyab ang kanyang palad. Napasigaw si Pontotho sa sakit pero biglang tinakpan ang bibig nang mamalayang baka may makakarinig sa kanya. Napatingin siya sa paligid. Sinulyapan pa niyang muli ang bertud, hindi inalintana ang sunod-sunod na pagkidlat at pagkulog. Ang biglang pag-ulan ay hindi na rin niya napansin dahil nakatuon ang tingin sa bertud ni Buhawan.

Muli na namang lumapit si Pontotho sa bertud. Pero nang nalapit na malapit na siya'y may malakas na puwersang tumulak sa kanya. Mapilit si Pontoho. Sinunggaban ang bertud at mabilis niya iyong nilunok. Pagkalunok niya rito'y bigla siyang nakaramdam ng matinding sakit sa kanyang lalamunan. "Ahhhh!!!" Hindi niya maiwasan ang hindi mapasigaw sa hindi maintindihang hapdi. Napahawak siya sa lalamunan. Walang boses na lumalabas sa kanya dahil sa sakit. Biglang lumabas ang bertud sa kanyang bibig. Nagliliyab! Tuluyan itong tumilapon sa lupa. Ang bibig ni Pontoho ay nasunog din! Ininganga niya ang kanyang bibig, tumingala para mabasa sa ulan.

Tinapunan muli ni Pontoho ng tingin ang bertud at pinilit na kausapin. Pero dahil napaso ang kanyang bibig at lalamunan ay nawalan na siya ng boses. Babalikan kita! Babalikan kita, Buhawan!

At tuluyan nang lumayo si Pontotho, hanggang sa lamunin siya ng dilim. Nanatiling nasa lupa ang bertud. Namatay ang liyab ng apoy nito sa lakas ng ulan.

SA HIMPABULAN...

Nakatayong nag-uusap ang mga Apo.

"Tahimik ang buong Gabun sa ngayon, pero walang makapagsasabi kung hanggang kailan," marahang sabi ni Amihan.

"Si Amang Bathala lang ang nakakaalam," wika ni Ilawi.

"Patuloy pa rin ang pagbabantay natin sa kalikasan, mga kapatid na Apo," may autoridad na sabi ni Marino.

"Oo, pero nananatili pa ring banta sa buong Gabun si Buhawan. Alam nating ang buhay ng isang tibaro ay nasa kanyang bertud-na kahit naglaho na ang katawan nito, baka muli siyang mabuhay kung buhay pa ang kanyang bertud," pagilinaw ni Liliw.

Nagtinginan ang mga Apo sa gitna ng bulwagang iyon.

ISANG PANAUHIN ang hindi inaasahan ni Montar ang dumating sa kanyang tirahan. Napayuko ito, nagbigay galang sa pagdating na iyon ni Liliw.

"Ipagpaumanhin ninyo Mahal kong Diyosa. Bihira sa Apo ang magtungo sa ganitong klaseng tirahan."

Napangiti si Liliw. Saglit na pinagmasdan ang tirahang iyon ni Montar. Isang maliit na pintuan ang bukasn ng animoy maliit na palasyo sa isang bahagi ng Sibol. Nagniningning ang buong kabahayan ni Montar pero di hamak na napakaliit nito kung ikukumpara sa palasyo ng mga Apo.

"Ikaw ang sadya ko Montar. At hindi ang tirahan mo," malumanay na sabi ni Liliw.

"Diyosang Liliw." Marahang humarap si Montar kay Liliw. "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?"

Hinawakan ni Liliw sa balikat si Montar. "Montar, may gusto akong sabihin sa iyo. Tandaan mo ito at iparating sa kapwa mo mga tibaro." pag-uutos ni Liliw.

"Ano 'yon, mahal kong diyosa?"

"Ang mapa sa dibdib ni Moymoy. At ang mapa ni Alangkaw." May pag-aalala ang tinig ni Liliw.

Mataman na nakinig si Montar sa diyosa. Bihira ang ganitong pagkakataon na sadyain siya ng isang Apo sa kanyang munting kastilyo.

"Ang mapa sa dibdib ng dalawa kong anak na sina Moymoy at Alangkaw ay mananatiling makabuluhan sa inyong lahat. May malahagang papel ito sa buong Gabun at Amalao. Sa bawat naisin nitong mag-iba ay mangyayari ayon sa nagaganap. Kung dati, ang mapa ng pinto ng Panalturan ang naroon sa mapa, ngayon ay maiiba na."

"Hindi ko maintindihan, mahal na diyosa." Pinilit pang magtanong ni Montar dahil hindi niya lubos na maintindihan si Liliw.

"Patuloy na maghahasik ng kadiliman ang mga rebelde ng Gabun. Maraming gustong maangkin ang mga Ginto ng Buhay. At ang lahat ng kampon ni Buhawan ay muling babalik para lusubin ang Gabun. Hahanapin nila ang bertud ni Buhawan." Tiyak ang mga salitang iyon ni Liliw.

"Buhay si Buhawan?" nag-aalalang tanong ni Montar.

"Buhay o hindi. Nananatili siyang banta. Iyan ang pakaisipin mo, Montar."

Napalunok si Montar, napayuko-hindi lubos maisip na buhay pa si Buhawan.

"Ang kapangyarihan ng dibdib ng aking mga anak ay pagtuklas sa lahat ng naisin ng sino man na gustong makaangkin sa mga ginto. Hahanapin nila ang bertud ni Buhawan-at ang kinaroronan ng bertud ay nasa dibdib ng mga anak ko. Pakatandaan mo 'yan, Montar"

Napanganga si Montar sa kanyang narinig. Hindi niya nakuhang magsalita. At hindi niya namalayang marahang lumitaw ang pakpak ni Liliw, lumipad patungo sa direksiyon ng palasyo ng Sibol.

NAGDAAN ANG TATLONG araw at tatlong gabi, nanatiling nakasiksik ang bertud ni Buhawan sa mga ugat ng balete. Tatlong araw na walang tigil ang ulan. Tatlong gabi ring walang tigil ang pagkidlat at pagkulog. Isang naiibang mga sandali iyon sa buong komunidad ng mga tibaro. Mayamaya ay gumalaw ang bertud ni Buhawan na parang nagising sa mahabang pagkahimbing. Gumugulong-gulong iyon sa lupa. At biglang huminto iyon sa isang paa. Dinampot ng nagma-may-ari ng paa. Nakita ng nagmamay-ari ng paa ang mga mata ni Buhawan na nakapikit at nagulat ito nang biglang nagbukas-na tulad ng dati-nanlilisik ang mga ito. Si Buhawan. Ang kanyang bertud!

Inilapat niya sa kanyang sa kanyang dibdib ang bertud-tiniyak niyang nasa kanya! Tiniyak na walang nakakakita sa kanya; tumingin siya sa paligid-tiniyak na walang sumusunod sa kanya!

At inilayo niya sa lugar na iyon ang bertud...

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Onde histórias criam vida. Descubra agora