KABANATA 21: MAY BALITA ANG BALA

1.8K 81 0
                                    


NAKABANTAY AT NAKAMASID si Wayan habang nilalapatan ng lunas ng dalawang manggagamot na nuno na sina Monang at Epang ang natamong sugat ni Hasmin.

Nakapikit si Hasmin, napapakagat-labi sa hapding nararamdaman. Pinagpapawisan siya sa sakit.

Kanina, pagdating na pagdating nila sa Gabun dumiretso at nagtungo sila sa pinakaibabang bahagi ng kastilyo ni Wayan—isang malaking bulwagan na nasa ilalim na ng lupa. Walang mga bintana at pintuan. May mga katreng nakahilera na natatakpan ng kulay abuhing tela. Dito sa bahaging ito ginagamot ang mga may karamdaman.

Sa palibot ng bulwagan ng pagamutan ay mayroong sari-saring mga dahon at yerba ang makikita—kundi man nakasabit ay nakasalansan at nakapatong sa mga shelves na nakadikit sa apat na mahahabang dingding. Kapansin-pansin din ang mga garapon na nakapatong sa mga shelves. May laman din ang mga ito ng iba't ibang klaseng yerba, mga sari-saring dahon, bunga ng mga halaman na nakababad sa kung anong likido. Ang iba'y may iba't ibang klaseng buto mula sa mga halaman. Ang iba naman ay may mga nakababad na mga patay na hayop, kulisap, at kung ano-ano pa. Ang iba'y hindi matukoy kung ano at saan nanggaling ang laman ng mga garapon.

Kanina, pagkahiga ni Hasmin sa katre ay lumapit kaagad si Moymoy sa kanya at ginamit ang diwani para gumaling ang kanyang sugat. Laking pagtataka niya nang walang epekto ang kanyang diwani. Kaagad ay pinatawag ni Wayan ang dalawang manggagamot.

Dala nang pagkagulat, nanlaki ang mga mata ng magkapatid na manggagamot na sina Monang at Epang pagkakita kay ni Hasmin.

"Bakit?" tanong ni Moymoy.

"Bala!" Halos sabay na napabulalas ang dalawang manggagamot pagkakita sa sugat ni Hasmin.

"Bala ang kahinaan ng sino mang tibaro, Moymoy. Kapag tumama sa katawan ng sino mang tibaro ang tanso, puwede niya itong ikamatay. Humihina ang lakas ng isang tibaro kapag tinatamaan ng bala na yari sa tanso. Maging ang diwani mo ay hindi magagawang pagalingin ang sugat na natamo sa balang tanso," sagot ni Montar.

Nanlumo, nalungkot si Moymoy sa kanyang narinig. Napapikit siya habang nakikitang dumadaing si Hasmin sa sakit na dulot ng sugat.

"Ito ang sugat na pinakamahirap gamutin," sagot ni Monang sa maliit nitong boses.

"Magagamot ba siya?" nag-aalalang tanong ni Moymoy.

"Kakayanin." May pagmamayabang ang sinabing iyon ni Epang sa maliit din niyang boses.

Sa pag-alala ni Moymoy halos hindi niya napansin ang hitsura ng magkapatid na mangagagmot. Pareho silang may tatlong dipa lamang ang taas. Ang mga buhok nila ay mahahaba at ang ilong nila'y matatangos. Pawang kulubot na nga ang kanilang mga balat pero makikinis ito at walang pekas. Ang kanilang mga tainga ay matutulis. Pero ang hindi nakatakas na mapansin ni Moymoy ay ang malalaki nilang mga mata. Ganoon pa man, dahil sa mga ngiti ng mga ito, hindi gaanong nakadama ng takot si Moymoy.

"Moymoy, magkapatid sina Monang at Epang.Sila ang pinakamahusay na manggagamot dito sa Gabun," pagpapakilala ni Wayan.

Nginitian ng dalawang manggagamot si Moymoy at bumalik ang mga ito sa ginagawa.

Napansin ni Moymoy na sa mga kilos ng magkapatid na manggagamot na sina Monang at Epang ay sanay na sanay sila sa kanilang ginagawang panggagamot. Hindi man lang sila nag-uusap pero automatiko ang kanilang bawat galaw. Si Monang ang naghanap ng mga dahon na kakailanganin. Si Epang naman ay kumuha ng kung ano-ano sa maraming garapon at pagkatapos ay sabay silang nagdikdik sa malaking bato. May sinunog sa apoy. May niluto. May pinaypayan. Pero habang ginagawa nila ang mga ito, panay ang bulong nila na walang tigil.

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now