KABANATA 29: NARITO LAMANG AKO

1.5K 75 0
                                    



"NARIYAN DAW ang ina natin," sabi ni Moymoy kay Alangkaw isang hapon habang naglalakad sila sa kagupatan ng Malasimbo.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Alangkaw.

"Sabi nila, hindi mawawala ang tunay na ina natin na si Diyosang Liliw sa mga halaman at punongkahoy. Nariyan daw ang kanyang kaluluwa."

Tumingin sa paligid si Alangkaw. "Siya nga ang ina natin kung gayon. Nagsakripisyo siya dahil gusto lang niya tayong makita. Pero bakit..." Hindi niya nagawang ituloy ang sinasabi.

"Bakit, Alangkaw?"

"Bakit nga ba may diwani ka? Ako wala. Hindi ako pinagkaloob ng diwani n gating ina."

Napaisip si Moymoy; hindi naman niya alam kung papaano sasagutin ang tanong ng kapatid.

Huminto sila sa paglalakad at umupo sila sa lilim ng isang punongkahoy.

"Alangkaw."

"Ano 'yon?"

"Sana'y tuluyan nang magkasundo ang Malasimbo at ang Daumdum. Nasa iyong desisyon 'yan. Ikaw lang ang hinihintay ni Wayan."

Hindi sinagot ni Alangkaw ang tanong ni Moymoy. "Sana'y may diwani rin ako, gaya mo. Oo, kinaiinggitan ko ang pagkakaroon mo ng diwani. Gusto ko rin na maging kagaya mo na tinitingala at hinahangaan ng mga tibaro." Sana maging kagaya mo 'ko. Hindi niya itinuloy ang huling gustong sabihin pero nasa isip niya iyon.

"Sana 'wag mong isipin na nakakahigit ako sa iyo. Magkapatid tayo, Alangkaw. Dapat magmahalan tayong dalawa."

Ngumiti ng mapait si Alangkaw, isinandal ang ulo sa katawan ng puno at tumingin sa malayo. Si Moymoy ay ganoon din, isinandal ang katawan sa puno, tumingin sa gumagalawgalaw na mga dahon at pinakiramdaman ang simoy ng hangin at pagkatapos ay pumikit.

"Moymoy..."

Narinig ni Moymoy ang pagtawag na iyon sa kanyang pagpikit. Tiningnan niya ang paligid. Nagmasid na mabuti sa bawat galaw ng mga halaman at mga punongkahoy. Tiningnan ang inuupuan ni Alangkaw pero wala na siya roon.

Napahingal si Moymoy. Muling isinandal ang likod nito sa puno at pumikit.

"Moymoy..."

Hinayaan niya ang bumubulong na iyon sa hangin.

"Narito ako... ang iyong ina..."

Muli niyang binuksan ang kanyang mga mata at nilinga ang tingin. Nakita niya ang paggalaw ng mga dahon, ang mga bulaklak, ang mga sanga ng punongkahoy.

"Nasaan ka, Ina?"

Isang malamig na boses ang sumunod niyang narinig na kapag pinakinggang mabuti ay tinig ito ni Liliw. "Moymoy... narito lamang ako... Hindi ko kayo iiwan ni Alangkaw... Narito lamang ako... Balang araw babalik ako.... Babalik ako... Ipinapangako ko..."

Sa di-kalayuan, nakita niya ang mga dahon ng mga halaman at punongkahoy na nagtipon-tipon na parang nagiging imahe ng isang babae. Si Ina?

Nawala ang nabuong pigura ng babae na nabuo sa mga dahon pero may naramdaman siyang hangin mula sa mga halaman na parang bumalot sa kanyang katawan. Naiibang hangin iyon na noon lamang niya naramdaman. Hangin na nagbibigay tuwa at kasiyahan. Hangin na nagpapalimot sa ano mang gumugulo sa kanyang isipan.

"Ina...," Hindi namalayan ni Moymoy na malaya niyang naibulong iyon.

1

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now