KABANATA 3: MGA TIBARO SA AMALAO

4.4K 138 3
                                    

HATINGGABI, nakanganga pang natutulog si Moymoy. Gaya nang dati, nagising na naman siya sa kumikislap at nagliliwanag na dibdib. Datirati, pagmamasdan lamang niyo ito sandali at pagkatapos ay pipikit na siya para matulog. Pero nang gabing iyon, may kakaiba siyang naramdaman-tumagal nang bahagya ang umiilaw na dibdib na ipinagtaka niya.

"Moymoy..."

Isang pamilyar na boses ang narinig niya.

"Moymoy..."

Pangalawang beses na pabulong ang boses na narinig niya.

"Moymoy...?"

Napakunotnoo siya. Pumungapungas na umupo sa kanyang kama at tumayo. Humakbang siya sa may bintana. "Montar?"

Sa di-kalayuan sa may likod-bahay, sa solar ay nakita niya si Montar na nakatayo sa lilim ng puno ng mangga.

Hangos na nagtungo si Moymoy para puntahan si Montar.

"Moymoy!"

Natigilan si Moymoy sa boses ni Tracy. "Bakit, saan ka magpupunta ha?" Tumayo itong iniwan ang pinapanood sa TV.

Hindi nakapagsasalita si Moymoy para sa naisip na idadahilan.

Itinuloy ni Tracy ang pagsasalita. "Hoy, matulog ka ha. Kaya hindi ka lumalaki e. May klase ka pa bukas. Nagi-games ka na naman? No more games a." Nakapamaywang na hinarap siya ni Tracy.

Nag-isip ng idadahilan si Moymoy. "Ma, punta lang ako sa..." Kunwaring inaantok-antok, nagpupungas-pungas. "Sa banyo."

"Sige, matutulog na rin ako. Hindi ko na tatapusin itong Koreanobela na 'to. Maga na ang mata ko sa kakaiyak. Baka hindi ako makatulog." Muling bumalik si Tracy sa kanyang kama. "Tulog ka na, Moymoy!" pahabol pa niyang sabi.

"Opo."

Dahan-dahan na naglakad si Moymoy. Hindi alam ni Tracy na tahimik itong lumabas, nagtungo sa may likuran ng bahay. Dagling pinuntahan ni Moymoy si Montar na nakatayo sa lilim ng makapal na puno ng mangga.

Biglang niyakap ni Moymoy si Montar. "Montar..."

At sinuklian naman nito ang kanyang yakap. "Moymoy, kailangan kang magtungo sa Gabun."

"Ano'ng nangyari? Ano'ng nangyari sa Gabun?"

"Kailangan ka pa rin ng mga tibaro." May lungkot ang boses ni Montar. "Hindi pa matanggap ng kapatid mong si Alangkaw na sakop na siya ni Wayan. Sa una'y pumayag siyang pag-isahin ang Malasimbo at ang Dalumdum pero sa kalaunan, hindi niya matanggap na si Wayan ang mamuno sa dalawang isla."

Napayuko si Moymoy-nalungkot sa kanyang narinig.

"Moymoy, kailangang magkaisa sina Wayan at si Alangkaw. Kailangang magkaisa ang Dalumdum at ang Malasimbo. Kung hindi'y hindi mababawi ang sumpa. Kung hindi sila magtutulungan hindi makikita ang mga Ginto ng Buhay."

Hindi malaman ni Moymoy ang kanyang isasagot.

"Si Hasmin? Palagay ko, nagpupunta siya rito. Nakita ko siya, ginaya niya ang anyo ng namatay kong pusa."

"Siya nga 'yon, Moymoy, gusto ka nga niyang kausapin. Gusto niya, siya ang magpunta rito para sabihin sa 'yo na magpunta ka sa Gabun. Pinagbawalan ko si Hasmin na huwag nang pumunta rito sa Amalao."

Marahang lumapit si Montar sa kanya. "Kausapin mo ang kapatid mo."

"Pupunta ako sa Gabun?"

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now