KABANATA 26: INA NG MGA ANAK

1.6K 77 0
                                    



SA SIBOL, hangos na binuksan ni Liliw ang pinto at lumabas. Sa mahabang pasilyo, halos tumatakbo itong nagtungo sa hagdanan paitaas sa palasyo. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman. Basta ang nalalaman niya, sa lahat ng hapding naramdaman niya sa kanyang dibdib, ito ang pinakamasakit.

Nang makarating siya sa pinakatuktok ng tore, pinagmasdan ang kinaroronan ng Malasimbo. "Mga anak..."

Sa kalayuan, kahit na madilim at ang sinag ng buwan lamang ang naroon, nakikita niya ang mga aninong galaw nang galawa sa kalawakan. Nalalaman niyang may labanang nangyayari sa Malasimbo.

Pinagmasdan ni Liliw ang kalangitan. Payapa ito. Naroon ang buwan. Maliwanag at walang nagbabantang gabi ng dugon. Pinagmasdan ang nagkikislapang mga tala.

"Nasa panganib ang dalawa kong anak..." Nasambit niya ang mga salitang iyon. Nalalaman niya ang dahilan ng pagkirot ng kanyang dibdib.

"Ama...? Tulungan mo 'ko..."

Inangat ni Liliw ang kanyang mukha, pinagmasdang mabuti ang kalangitan. Ang buwan... Ang mga tala... Ang mga talang nagkikislapan...

"Ama... "

Sa kalangitan, nakita niya ang mga ulap sa langit na gumagalaw. Nagkakaroon iyon ng liwanag. At doon ay nakita niya ang mukhang kakilala niya. Ang pinakamaamong mukha na kilala niya—ang May Likha ng Lahat.

Dahan-dahan ay lumulinaw ang mukha hanggang sa ito'y nabuo at unti-unting bumababa na waring sumasama sa hangin papalapit sa kanya. Hanggang sa ito'y nakita niyang mabuo at nakitang nakatayo sa kanyang harapan.

"Anak...," sabi ni Amang Bathala sa malamig na boses.

"Panahon na."

"Nasa iyo pa rin ang pasya..."

"Sinasabi ng dibdib ko na, kailangan ko silang tulungan at makita. Mahawakan."

"Nilikha kitang may sariling kapasyahan..."

Napahawak sa dibdib si Liliw. "Nasa panganib sila, nararamdaman ko, Ama. Nasa panganib sila..."

SA KALAWAKAN, makikita ang matinding labanan; si Alangkaw ay nilalabanan ang lumusob na sina Buhawan, Pontotho, at Maura. Si Moymoy ay walang humpay sa paghampas sa mga wakwak; naroong gamitin niya ang maso, ang espada, palakol, at kung ano-ano pang sandata. Sari-saring ingay ang naririnig; mga atungal at halinghing ng mga wakwak; pagaspas ng mga pakpak, at ang paghampas ni Moymoy sa sari-saring sandatang nililikha sa kanyang kamay. At sa bawat paghampas nito sa mga wakwak, nagmimistulang nagiging kulay pula ang kalawakan sa pagbulwak at pagtilamsik ng dugo.

Natigilan si Moymoy nang makita niyang hapong-hapo na si Alangkaw sa pakikipagsagupa. Kahit wala itong diwani, mabilis din naman itong magpalit ng anyo. Naroong pinaghahampas, pinagkakalmot, pinagsisipa niya ang mga kalaban. Miminsan pinagmamasdan ni Moymoy ang kapatid habang pareho silang nakikipaglaban. Sa sulok ng kanyang mga mata ay nakita niyang lumipad pabalik si Pontoho sa burol. Naiwan sina Buhawan na sa anyong buwaya pa rin na may pakpak at ang damugong na sakay si Maura na patuloy ang pag-atake kay Alangkaw.

Sa ilang sandali, bumalik si Pontoho sa tunay na anyo pero may itim na pakpak. May dala itong sibat. "Buhawan!" Biglang hinagis ang sibat at mabilis na sinalo ni Buhawan. Bumalik ang tunay na ulo ni Buhawan pero nanatili ang katawang buwaya. Nakita ni Moymoy na biglang nadagit ni Buhawan si Alangkaw, kasunod nito'y biglang iniumang ang sibat na dala ni Pontoho—"Papatayin ko si Alangkaw!"

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now