KABANATA 30: MGA BINALIKAN

3K 104 20
                                    



TUMAHIMIK BIGLA ang mga kaklase ni Moymoy nang pumasok siya sa kanilang classroom. Napansin niya kaagad na kakaiba ang tingin sa kanya. Sa harapan, nakita niyang bakante ang upuan ni Luigi. Naisip niyang hindi na siguro siya papasok at maaaring sa Salikot na ito mamalagi kasama si Carla at ang kanyang Mommy. Pero nagulat siya nang makita niyang pumasok ito, bitbit ang bag at dumiretso sa kanyang upuan. Nakita niyang nagtinginan ang mga kaklase at nagbulungan.

Sa pinakadulong bahagi, sa likuran, naroon ang tatlong bullies na sina Diego, Gordon, at Onyok. Bigla silang tumigil sa pagbubulungan nang makita siyang napatingin sa kanila.

Wala pa ang kanilang teacher at tahimik ang klase. Hindi ito ang normal na nangyayari sa kanilang klase. Kapag wala ang teacher, daldalan silang lahat.

Ilang araw na nawala si Moymoy sa kanilang klase, naisip niyang sa mga araw na iyon, marami ang nangyari. Nalalaman niyang nabalitaan nga ng kanyang mga kaklase ang nasaksihan sa TV, sa social media, sa diyaryo, at sa radyo ang nangyari sa bahay ni Buhawan at sa bayan ng Sapang.

Sa sulok ng kanyang mata, napansin ni Moymoy na kanina pa siya tinitingnan ng kanyang seatmate sa desk. Kilala niyang tahimik si Ella. Tinutukso siya ng lahat na napapanis ang laway dahil kung hindi siya tatawagin ng teacher para sumagot sa mga discussion ay hindi ito nagsasalita. Pero ngayon, napansin niyang naiiba ang tingin nito sa kanya na parang may gustong itanong.

Bumaling nang tuluyan si Moymoy kay Ella. "Ella, bakit?"

Hindi umiwas ng tingin sa kanya si Ella. Nakita niya sa mga mata nito na may gusto itong sabihin sa kanya. "Bakit, Ella? Bakit ganyan ka kung makatingin?"

Pabulong na sumagot si Ella sa kanya. "Moymoy, totoo ba yung bali-balita?"

Napaisip saglit si Moymoy bago siya nakapagsalita. "Ano 'yon?"

Pabulong pa ring nagsalita si Ella. "Kamukha mo raw iyong batang lumilipad-lipad na nagpapalit ng anyo."

Umiwas ng tingin si Moymoy kay Ella at tumingin kay Luigi na abala sa pagbabasa ng libro pero patuloy na nakinig sa katabi.

"Aswang ka raw. Nag-iiba-iba ka raw ng anyo," pagpapatuloy ni Ella.

Napasulyap si Moymoy sa kanyang likuran, sa kinaroronan nina Diego.

Sumagot si Moymoy kay Ella, pero na nanatiling hindi siya nakatingin rito. "Paa- paano sila nakakasiguro na ako nga 'yon?"

Nagkibit balikat si Ella. "Ewan ko. Iyon ang usap-usapan dito. Nakita ka na raw ng ibang kaklase natin na nag-iiba-iba ng anyo. Totoo? Kung totoo, paano mo ginagawa iyon?"

Hindi nakasagot si Moymoy. Pinili niyang balikan ang nangyari—sa Gabun at maging sa Amalao. Naisip niya, ngayon ay nalalantad na ang tungkol sa mga tibaro at tungkol sa Gabun. Naisip niya— kailangan din ba niyang ilantad kung sino siya? Ang tingin kasi ng mga buntawi sa kanila, ibang nilalang sila—na pangit at nakakatakot ang mga aswang, ang mga manananggal, mga nuno, mga tikbalang, kapre, at kung ano-ano pang tibaro. Kapag ipinagtapat niya na may lahi siyang aswang, baka tatawagin siyang lamang-lupa o di kaya'y isang maligno.

Ganoon pa man, saglit siyang napangiti nang maalala niyang nabawi niya ang isa sa mga Ginto ng Buhay. Na ang ibig sabihin, may pag-asang mabawi niya ang sumpa para bumalik sa Sibol Encantada ang mga tibaro at manumbalik ang dati nilang magagandang anyo.

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon