KABANATA 27: ANG PAGSAULI

1.5K 73 2
                                    



LUMULUTANG-LUTANG ang Ginto ng Buhay sa gitna ng Himpabulan. Nakatayo ang lahat ng mga Apo malapit sa ginto, iniwan ang mga trono. Sa pabilog, sa dulong bahagi ng bulwagan sa harapan ng mga Apo ay nakatayo sina Moymoy, Alangkaw, at sina Montar, Ibalong Saryo, Wayan, at si Tracy na nasa likuran nila, sa di kalayuan.

"Ito'y isang makasaysayang pangyayari, hindi lamang sa mga tibaro kundi na rin sa mga Apo." May autoridad at may kapangyarihan ang tinig ni Marino.

Napapatingin si Moymoy sa paligid. Sa isip niya, ngayon lamang siya nakarating rito—naninibago siya sa presensiya ng mga Apo. Si Alangkaw ay naroon pa rin ang dating tikas habang nakatingin sa ginto at miminsang nagmamasid sa paligid.

Hindi maialis ni Moymoy ang tingin sa Ginto ng Buhay na banayad na lulutang-lutang sa gitna ng malaking bulwagan ng Himpabulan. Pero kahit na ganoon, hindi niya rin maiwasan ang sulyap-sulyapan ang paligid—ang napakalaking bulwagan. Manghang-mangha siya sa napakalawak at gara ng lugar.

Parang muli niyang narinig ang sinabing iyon ni Marino sa kanyang isipan—"Isang makasaysayang pangyayari ito, hindi lamang sa mga tibaro kundi na rin sa mga Apo."

Naisip ni Moymoy, mababawi ba niya ang lahat ng ginto?

Kanina, nang salubungin ni Moymoy si Tracy nang makarating siya sa Gabun, bigla siyang nangulila sa buhay niya kasama ang kinalakhang ina.

"Moymoy!" sigaw ni Tracy pagkakita kay Moymoy nang salubingin siya nito paglabas ng tore ni Wayan.

Niyakap siya ni Tracy at pumikit na ginantihan ang mga yakap na iyon. Kung noon, umiiwas siya kay Tracy, ngayon ay bigla siyang nakaramdam ng kasabikan na makasama ang kinalakhang ina.

"Bakit ka nagpunta rito?" tanong niya.

"Nag-aalala ako, Moymoy. Nakita ng mga tao sa bayan ng Sapang ang nangyari sa inyo. May mga nakasagupa ka raw na mga halimaw na nakakatakot. Nag-aalala ako sa 'yo. Kahit na ba may kapangyarihan ka, baka kung ano nang nangyari sa iyo, anak."

"Okay naman po ako, Ma. Iniligtas kami ng tunay kong nanay. Kami ni Alangkaw."

Sa may malaking pintuan ng kastilyo ni Wayan, nakita ni Tracy si Alangkaw na nakatayo.

"Nakuha po namin ang isang Ginto ng Buhay. Kay Maura," sabi ni Moymoy kay Tracy.

"Talaga? Ang galing-galing talaga ng anak ko!" Malugod na niyakap ni Tracy si Moymoy.

Masayang pumasok si Tracy sa kastilyo ni Wayan kasama si Moymoy at si Alangkaw. Kinuwentuhan ni Moymoy ang ina-inahan sa mga nangyari habang wala ito sa Gabun. Namangha at humanga si Tracy nang malaman niyang sinagip sila ni Liliw. Nalungkot siya nang sabihing naglaho ito sa kalawakan.

Lumunok saglit si Wayan habang nakatitig sa Ginto ng Buhay. Sinulyapan ang mga Apo. Nilakasan niya ang loob. Ang makatungtong sa Sibol at makipag-usap sa mga Apo ay bihirang mangyari. Pero nang mabatid niyang, nagawa nilang bawiin kahit na ang isa lamang sa mga Ginto ng Buhay na sinamsam ni Buhawan, naisip niyang malaking bagay na rin ito at may pag-asa ngang mabawi ang sumpa. "Sisikapin namin, mga mahal na diyos at diyosa na isauli sa inyo ang lahat ng gintong ninakaw ni Buhawan sa inyo.

"Kaya lamang," ani Amihan, "nalulungkot ako sa nangyari sa kapatid naming si Liliw."

"Paano na kaya ang kagupatan ngayong wala na si Liliw?" tanong ni Ilawi na tumingin kay Marino.

Naghari ang katahimikan.

"Kapatid na Ilawi, walang diyos na namamatay," may kompiyansang sabi ni Marino.

Natigilan si Moymoy, gayon din si Alangkaw.

"Buhay pa siya?" tanong ni Moymoy. "Buhay pa ang tunay naming ina?"

"Oo, Moymoy," sagot ni Marino. "Buhay si Liliw."

"Kung gayon ay nasaan siya?" tanong ni Alangkaw.

Nagtinginan ang lahat ng mga Apo.

Si Marino ang sumagot. "Pakatandaan ninyo, walang diyos na namamatay. Maaaring mag-iba ng anyo ang isang diyos o di kaya'y may pinuntahang ibang lugar."

Lumapit si Amihan kina Moymoy at Alangkaw. "Malalaman niyo rin kung saan nagtungo si Liliw."

Hindi pa rin lubusan na maintindihan ni Moymoy at pati si Alangkaw ang kanilang naririnig tungkol sa kanilang ina. Pareho silang may tanong ang mga mukha.

"Mga mahal kong Apo, puwede bang magtanong?"

Natigilan ang lahat sa tinig ni Montar.

"Ang pagkakaalam ko, gaya ng likas na pangyayari—ang nangyari kay Diyosang Liliw at sa kanyang mga anak ay kabaligtaran. Ang pagkakaalam ko, ito ay nakasaad sa Liya—na kung magkikita sila, maghahawakan, at magtitinginan, mamamatay ang mga supling ni Diyosang Liliw. Bakit si Diyosang Liliw ay naglaho nang ganito at ang mga anak niya—narito pa rin sila at buhay?"

Napatiimbagang si Marino. Hindi kayang sagutin ng mga Apo ang tanong na iyon ni Montar.

"Nalalaman ko kung bakit?"

Napatingin ang lahat kay Tracy na siyang nagsalita.

"Baka kasi, siya ang nagsakripisyo," sabi ni Tracy.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Marino. "Isa kang buntawi, may nalalaman ka ba sa patutunguhan naming mga Apo?"

"Pero kaht na papaano, ina rin kasi ako. Hindi ko maipaliwanag e," napailing na sabi ni Tracy at napaisip. Hindi siya makaapuhap ng salita para makapagpaliwanag. "Isang ina si Liliw. Gaya ko na ina rin, kung ako kaya kong ibigay ang buhay ko bilang ina ni Moymoy, siya pa na tunay niyang ina. Ibig sabihin, siya ang nagsakripisyo para sa mga anak niya. Gets niyo? Ah- e ang ibig kong sabihin, nakuha niyo ba? Iba ang ina e. Baka umiral ang pagiging nanay niya." Napakamot si Tracy. Hindi niya alam kung naiintindihan ng lahat ang ibig niyang sabihin.

Nagtinginan ang lahat pagkatapos magsalita ni Tracy. Napaisip sila pero hindi lubusang naintindihan ang kanyang sinabi.

Pagkaraan ng ilang saglit, natuon ang kanilang tingin sa lulutang-lutang na Ginto ng Buhay.

"Kailangang ibalik ang Ginto ng Buhay sa Panalturan," sabi ni Marino.

BzS&

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now