Epilogue: Zeriel (Unedited)

3.2K 124 7
                                    

"Totoo bang interesado ka kay Doña Elis?"

"Hindi" Agad na sagot ni Zeriel.

Iyon ang unang kasinungalingan na sinabi ni Zeriel sa pagbabalik niya sa kapital.

Hindi malinaw para sa kaniya kung ano ang nararamdaman niya pero hindi niya mapigilang mapagawi ang mga mata niya sa direksyon ng babae.

Hindi siya sigurado kung nag-guilty lang siya dahil sa nagawa niya kay Doña Elis o totoong interesado siya dito pero wala na iyong saysay dahil bukod sa kasal na ito kay Asher at mukang maganda ang relasyon nila, hindi na niya kaya pang harapin ang doña.

Iyon ay dahil bukod sa inalisan na siya ng mahika at titolo bilang maharlika, ipinagbawal na ulit siyang bumalik sa kapital.

Napabuntong hininga si Zeriel habang nakatingala sa langit. Malamig ang simoy ng hangin na siyang sumusuklay sa mahaba na niyang buhok. Kapansin pansin din na kulay kayumanggi na ang dating makinis at maputi niyang balat noong isa pa siyang maharlika.

"Zeriel!"

Napabaling ang tingin ni Zeriel kay Nowel na siyang kumakaway sa kaniya sa malayo.

"Pwede mo ba akong tulungan sa pagpipintura ng bubong?"

Agad na ngumiti si Zeriel bago tumayo at naglakad papalapit kay Nowel. Mapapansin din sa likuran ng kaibigan niya ang isang malaking mansyon na kasalukuyang ginagawa.

Ilang taon na ang nakakalipas mula noong ipinatapon siya mula sa kapital.

Ipinabitay ang bawat miyembro ng pamilya niya dahil sa salang paga-alsa laban sa royale at ang tanging natitirang Delsaro nalang ay siya.

Sa normal na pagkakataon, matinding lungkot ang mararamdaman ng isang tao sa sitwasyon niya pero dahil hindi ganoon kaganda ang relasyon ni Zeriel sa pamilya niya ay di kalauna'y nagpasya siyang magpatuloy at huwag nang problemahin pa ang nakaraan.

Dahil mag-isa na at wala nang ari-arian, kasalukuyang nagtatrabaho bilang karpentero si Zeriel sa pinakadulong kanluran ng kaharian.

Sapat lang ang kinikita niya para sa mga pangangailangan niya at maganda ang pakikitungo ng mga kasama niya sa kaniya.

Tahimik at payapa na ang buhay niya ngayon kumpara noong isa siyang Delsaro pero may lihim na kagustuhan si Zeriel.

Bago siya ipatapon mula sa kapital, gusto niya sanang makausap ang Doña ng Caddel para magpasalamat at humingi ng tawad sa lahat ng nagawa niya dito.

Sa kasamaang palad ay nawalan ng malay ang Doña. Idagdag mo pa ang katotohanang hindi na siya nakalabas pa ng bilangguan pagkatapos ng labanan. Kung tumakas man siya sa kulunga'y alam niyang walang hesitasyon siyang papatayin ni Asher sa sandaling mahuli siya.

Iyon ang dahilan kaya hindi na muling nakausap ni nakita ni Zeriel ang babaeng pinapapinagpapasalamatan niya.

Alam niyang mas magandang kalimutan nalang niya ang tungkol sa bagay na iyon pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay patagal nang patagal ay mas lumalaki ang kagustuhan niyang makausap si Doña Elis.

Kaya hindi niya napigilan ang sarili na pumayag noong nalaman niyang meron silang proyekto sa lupain ng Caddel.

Nabalitaan niya na mayroong mansyon na aayusin sa lupain ng Caddel kaya agad siyang nagparehistro para sa mga karpenterong sasama doon.

Pinagbabawal na si Zeriel na bumalik ng kapital pero hindi sa iba pang lupain tulad ng Caddel.

Hindi niya alam kung ano ang gagawin o sasabihin niya pagnakita na niya muli ang Doña pero namalayan nalang niya ang sarili na nasa tapat ng kastilyo ng Caddel.

Oras ng pahinga nila ngayon mula sa pagtatrabaho sa mansyon na ginagawa nila pero imbes na kumain o magpahinga ay dinala si Zeriel ng mga paa niya sa tapat ng kastilyo.

Alam niyang hindi siya basta basta makakapasok kaya hindi na siya nagtangka pa at nanatili lang sa labas ng mataas na pader.

Gayunman, ito na ang ika-apat na araw na naghihintay siya sa labas ng palasyo at nagbabakasakaling makikita niya ang Dona ng Caddel.

Nababaliw na ako...

Bulong niya sa sarili bago sana maglalakad na papalayo nang bigla niyang marinig ang pagbukas ng malaking gate ng kastilyo.

Agad siyang napatigil at napatulala nang makita ang pamilyar na ginintuang buhok. Nagulat lang siya nang may makitang bata na kamukang kamuka ng Doña.

"Ma! Saan tayo pupunta?" nagtatatalon na tanong ni Sabrina kay Epione habang naglalakad sila papunta sa karwaheng naghahantay sa tapat ng kastilyo.

Magkahawak ang kamay ng mag-ina. Magkamukang magkamuka sila pero ang hugis ng mata ni Sabrina ay katulad ng kay Asher kaya sa unang tingin ay alam mo agad kung sino ang magulang ng bata.

Nakaramdam ng kirot si Zeriel sa nakita niya. Napahawak siya sa poste sa tabi niya bago natatawang napahawak sa nuo niya.

Agad siyang tumalikod para maglakad na papalayo pero laking gulat niya nang magtama ang paningin nila ni Asher.

"Ang lakas ng loob mong magpakita dito" Seryosong saad ni Asher.

Napaatras si Zeriel hanggang sa tumama sa pader ang likod niya.

"Hinayaan lang kitang makapasok sa teritoryong ito para magtrabaho pero balak mo bang ubusin ang pasensya ko?"

"Hindi ko alam kung ano ang ibig mong sabihin, Ashe-"

Hindi na antuloy ni Zeriel ang sinasabi niya nang itutok ni Asher sa leeg niya ang isang patalim.

"Sa susunod na makita pa kita didiretso na sa leeg mo ito" banta ni Asher bago naglakad pabalik sa direksyon ng kastilyo.

Ilang sandaling napatulala si Zeriel bago bumigay ang mga tuhod.

"Bakit ngayon ka lang? Saan ka galing?"

Hindi man lumilingon, rinig ni Zeriel ang boses ng Doña ng Caddel. Sa pagkakataong iyon ay simanggi sa isip ni Zeriel ang isang di pamilyar na ala-ala.

***

"Bakit ngayon ka lang? Saan ka galing, Zeriel?" Tanong ng isang batang babae na madalas makalaro ni Zeriel dati.

Napakunot ang nuo ni Zeriel. Pinagtatawanan siya ng mga batang maharlika sa tuwing nakikita nila siyang kausap yung babae dahil isa itong ulila na kinupkop ng mga katulong nila Zeriel.

"Wag mo akong kausapin" saad niya bago iniwan ang maluha-luhang bata..

Iyon ang huling beses na nakausap ni Zeriel ang batang mas bata sa kaniya ng isang taon. Akala niya'y pinalayas na ito sa mansyon nila pero ilang taon ang lumipas ay nakatanggap siya ng balita tungkol dito.

Hindi na siya ang dating bata na nakilala niya. Isa na siyang tanyag na babae sa kaharian.

Siya si Epione ang pinakamakapangyarihang sandata ng kaharian.

Natawa ang kasalukuyang si Zeriel. Hindi niya maintindihan kung saan nanggaling ang memoryang iyon pero nakakatawa lang na mula noon hanggang ngayon ay hindi siya naging mabuti sa kaisa-isang babaeng hinangaan niya.

The Villain's Fairytale (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon