Chapter 1: Ang Reyna at Hari

80 14 25
                                    

Ipinarada ni Tatay ang jeep sa harap ng aming bahay. Hinintay ko ang pag-alog ng makina, bilang tanda na tuluyan nang namatay ang makina.

"Caela, ikaw na ang magluto ng almusal at magbubukas pa ako ng tindahan," bilin ni Nanay habang nakatingin sa akin gamit ang mahabang rearview mirror ng jeep ni Tatay.

"Opo, 'Nay," maikli kong sagot at isa-isang dinampot ang mga supot na aming pinamili kanina sa palengke. Pababa na ako ng estribo ng makita kong paparating si Kapitan Jesusa sakay ng tricycle na service ng barangay.

"Clara!"

Napakunot ang noo ko sa tila sabik at nagmamadaling pagtawag ng matandang babae sa aking ina. Abot hanggang tainga ang mga ngiti nito na ngayon ay mabilis na tumatawid mula sa kabilang panig ng kalsada patungo sa kinatatayuan namin.

"Magandang umaga po Kapitana!" Magalang na pagbati ni nanay na sinabayan ko naman ng isang ngiti.

"Magandang umaga rin. Naparito ako dahil nais ko kayong makausap na mag-asawa," nakangiti pa ring sagot ng matanda.

Nang marinig ko na usapang pang matanda ang sadya ni Kapitana, nagdesisyon akong kuhanin kay nanay ang buhat nitong ecobag na naglalaman ng mga gulay. Sa himig ni Kapitana ay mahaba-haba ang kanilang pag-uusapan. "'Nay, sisimulan ko na po iligpit ang pinamalengke natin."

Ngumiti lamang si Nanay sa akin at saka muling ibinalik ang atensyon kay Kapitana.

"Eh 'di pumasok na lamang po muna tayo sa loob ng bahay, Kapitana." Rinig ko pang pagyaya ng aking ama.

Sa pinto sa likod ng bahay ako pumasok at inilapag sa lababo sa kusina ang aming mga ipinamalengke. Pagkuwan ay pumasok ako sa banyo at doon naghugas ng aking mga binti, paa, braso at mga kamay. Hindi sa maarte ako, pero nalalansahan kasi ako sa amoy ng palengke kaya agad akong naglilinis ng katawan sa tuwing manggagaling kami roon.

Paglabas ko ng banyo ay inabutan ko si Tatay na naghuhugas ng kanyang mga kamay sa lababo. Nilingon niya ako at nginitian. "Anak, igawa mo naman kami nila Kapitana ng masarap na kape mo."

Napangiti ako sa paglalambing ng aking ama. "Igagawa ko naman kayo, 'Tay. Kahit hindi niyo po ako bolahin."

Tumawa ng malakas si Tatay. "Masarap naman talaga ang kape mo."

Umiiling ako na kumuha ng tatlong tasa sa cabinet.

"Tungkol saan po ba iyon, Kapitana?" Tanong ni Nanay sa matandang babae na nasa edad 65 na. Maliksi pa rin ito kumilos at maraming nagagawang proyekto sa barangay.

"Hindi ba't tapos na ang klase ng mga bata?" narinig kong panimula ni Kapitana.

Binuhat ko ang tray na naglalaman ng tatlong tasa ng kape. Sinamahan ko na rin ng anim na mainit na pandesal.

"May klase pa po sina Clarence at Cloyd," sagot ni Nanay.

Dahan- dahan akong naglakad at inilapag sa center table namin na gawa sa kawayan ang tray. Nilingon ako ni Kapitan at nginitian. Sinuklian ko naman ito ng ngiti. "Mag-almusal po muna kayo"

"Ay salamat, iha!" Nakangiti nitong sagot sa akin at saka muling nilingon si Nanay. "Si Caela may klase pa ba?"

Nagkatinginan kami ni Nanay. Nang mailapag ko ang mga laman ng tray ay tumayo ako ng tuwid. "Examination na po namin next week at pagkatapos noon ay practice na lamang para sa moving-up ceremony."

Napa-palakpak ng bahagya si Kapitana. "Ay mabuti kung ganun!"

Nagkatinginan ang aking mga magulang. Nahihiwagaan na kami sa kung ano ang pakay ni Kapitana.

"Tulad kasi ng nakagawian tuwing Mayo ay may Santacruzan sa ating Bayan. Hihilingin ko sana sa inyong mag-asawa na si Caela ang maging Reyna Elena ng Barangay San Roque," halos wala nang mata sa pagkakangiting sabi ni Kapitana.

Two Steps Behind YouUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum