Chapter 10: Pageant Heels

21 8 36
                                    

"Chin up!"

Pagsigaw ni Direk Gary mula sa gitna para ipaalala sa amin na hindi kami dapat yumuko habang rumarampa sa stage.

"Gayahin ninyo si Arianna!" sigaw muli ng direktor. "At huwag ninyong tigasan ang paglalakad, hindi kayo kawayan!"

Mag-iisang oras na kaming lakad nang lakad sa stage ng mga kasama kong kandidata dito sa AV Hall. Sa taas ng suot kong heels pakiramdam ko ay magkaka-muscles na ang binti ko. Masakit na talaga. Hindi ko naiwasan na sumimangot.

"Bawal sumimangot! Smile! Kahit masakit na ang mga paa ninyo, tiis-ganda!"

Hindi niya binanggit ang numero ko pero alam kong ako ang sinasabihan ng bading. Pilit kong itinago ang nararamdaman kong sakit sa legs. Pangatlong araw na naming ginagawa ito at kung hindi lang para sa mga kaklase ko ay gusto ko na talagang mag-back out.

Nang marinig ko ang pagpapahinto ni Direk Gary sa amin sa paglalakad at matapos niyang sabihin na may practice ulit bukas, bumaba na ako ng stage para magpalit ng sapatos. Mabilis kong hinubad ang suot kong 4 inches stiletto T-trap sandals na binili namin ni Nanay noong weekend sa palengke at saka iniapak sa carpeted floor ng AV Hall ang aking mga paa. Napangiti ako nang maramdaman ang malambot na carpet na parang nire-relax ang mga pagod kong paa.

Napanguso ako nang mapansin ko ang pamumula ng mga daliri ng paa ko dahil sa strap. Minasahe ko sandali ang mga paa ko para mabawasan ang sakit.

Nang maginhawaan ay nagpasya akong itago na sa dala kong canvass tote bag ang heels. Isusuot ko na sana ang school shoes ko nang may humintong dalawang pares ng sapatos ng lalaki sa harap ko. Nang tingalain ko ito ay nakita ko ang tila aburidong mukha ni Bradley.

Yumuko siya at may inilapag na isang pares ng pink faux slippers sa harap ng mga paa ko. "Pagod na ang mga paa mo, heto ang isuot mo tuwing pagkatapos ng practice."

Nanlaki ang mga mata ko. Binalikan ko ng tingin si Bradley. "Bakit nag-abala ka na naman?"

Tahimik siyang umupo para lumebel sa akin. Nagulat ako nang hawakan niya ang aking paa at isa-isang isinuot ang tsinelas sa bawat paa ko. Pagkatapos ay dinampot niya ang school shoes at bag ko. "Halika na, uwi na tayo."

Wala akong nagawa kung hindi sumunod na lamang sa kaibigan ko. Mula noong Lunes na nagsimula ang practice namin, araw-araw akong hinahatid ni Bradley sa bahay. Minsan sa bahay na siya pinaghahapunan nila Nanay lalo na sa tuwing naglalambing sa kanya si Clarence at nagpapatulong sa kanyang assignment. Magkasundo talaga silang dalawa.

"Tara sa gym, panoorin natin ang practice ng Basketball Team natin!" Pagyaya ni Mia sa amin nila Kristine. Wala kasi kaming mga teachers ngayong hapon dahil may emergency meeting sila.

"Gusto mo lang ng makakasamang manood kay JD," mapang-asar na sagot ni Kristine na sinabayan niya ng nakalolokong ngiti.

Humaba ang nguso ni Mia. "Nandoon din naman si Bradley. Ayaw niyo ba siyang suportahan?"

Tinamaan ako ng konsensiya. Lagi akong hinihintay ni Bradley tuwing uwian at inihahatid sa bahay. Tama si Mia, kailangan naming suportahan si Bradley. Tumayo ako at isinukbit ang aking backpack sa aking balikat. "Tara!"

Napangiti si Mia na mabilis na tumayo, tahimik na sumunod sina Kristine at Mo.

"Sana laging wala tayong teachers," nakangiting sabi ni Mo habang nakasunod sa aming tatlo.

Huminto sa gitna ng hagdan si Kristine at saka nilingon ang lalaki. "Gusto pa naming mag-aral, Alfred."

Humalakhak naman ang lalaki. "Kunwari ka pa, Tin."

Umikot ang mga mata ni Kristine dahilan upang sumali na kami ni Mia sa pagtawa. Kahit talaga kailan parang aso't pusa ang dalawang ito sa pamimikon sa bawat isa. Napapailing kami ni Mia na pumasok sa gym.

Two Steps Behind YouUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum