Chapter 22: Nightmare

34 6 10
                                    

Nakahiga ako sa aking kama habang nakaharap sa dingding. Kanina ko pa tinititigan ang mumunting mga uka sa hollow blocks na para bang may kasagutan akong makukuha sa tanong ko na saan ko ba nakuha ang tumubong tumor sa aking paa. Wala kasi akong maalala na ibang pangyayari na natapilok o nasaktan ang aking bukong-bukong maliban sa nangyari sa akin sa pageant.

Narinig kong bumukas ang pinto ng aking silid. Ipinikit ko ang aking mga mata at nagpanggap na tulog.

"Anak, gusto mo na ba maligo?" Boses ni Nanay ngunit hindi ko magawang sumagot. Pakiramdam ko kapag hinarap ko siya ay hindi ko mapipigilang maiyak muli.

Mula sa ospital hanggang sa makauwi kami rito sa bahay ay walang tigil sa pagbagsak ang mga luha ko. Masakit na ang aking mga mata at ulo dahil sa maghapong pag-iyak. Parang wala na ring lalabas na boses sa aking bibig at wala akong ganang gumalaw.

Mas gugustuhin kong mapag-isa.

Naramdaman kong naupo si Nanay sa gilid ng aking kama. Hinaplos niya ang aking buhok. "Hahanap tayo ng magaling na Oncologist..." Tumahimik siya sandali nang bahagyang gumaralgal ang kanyang boses. "Gagaling ka, anak."

Gagaling pa nga ba ako?

Nagsimulang manubig ang aking mga mata ngunit minabuti kong panindigan na tulog ako. Nang walang makuhang sagot sa akin si Nanay ay tumayo na siya at isinara ang pinto ng aking silid. Hindi ko na rin napigilang bumagsak muli ang mga luha mula sa namumugto ko nang mga mata.

Ano bang ginawa kong mali para bigyan ng sakit na ganito? Masunurin naman akong anak, nag-aaral akong mabuti. Hindi ako pala kaibigan ngunit hindi rin ako pala away. Mabait naman ako sa aking mga kaibigan. Nagsisimba rin ako kada linggo. Hindi kami mayaman at hindi ko alam paano ako ipagagamot ng aking mga magulang. Bakit ako?

Nag-vibrate ang phone ko ngunit tinatamad akong alamin kung mensahe ba iyon o notification. Pinunasan ko ang basang mga pisngi at saka inilapat ang aking likod sa kama. Muli kong tinitigan ang kisame kahit pa wala naman akong makukuhang sagot sa aking mga katanungan. Muling nagvibrate ang phone ko, ngayon ay wala na itong patid kaya sigurado akong may tumatawag. Napilitan akong silipin kung sino ito at nakita ko ang pangalan ni Bradley sa screen ng aking phone. Sinabi kaya sa kanya ni Clarence na itinakbo ako kaninang madaling araw sa ospital? Huminto ang pag-vibrate ng phone ko at doon ko lamang napansin ang chat head ng gc naming magkakaibigan, may 30 messages doon pero wala akong ganang alamin kung ano ang kanilang pinag-uusapan.

Ibinalik ko ang aking atensyon sa kisame. Nagbabakbak na ang pintura nito at marumi na rin itong tingnan dahil mahigit sampung taon na yata mula nang huli itong mapinturahan.

Pangarap kong maging Aeronautical Engineer dahil gusto kong magdisenyo ng mga eroplano at maisakay sa eroplanong iyon ang buo naming pamilya para maipasyal sa ibang bansa. Gusto kong maipaayos ang bahay namin at tulungan sina Tatay sa pagpapaaral sa aking mga kapatid. Gusto kong maiparamdam ang karangyaan sa aking pamilya. Ngunit ngayong may tumor na tumubo sa paa ko, magagawa ko pa kaya ang lahat ng pangarap ko?

Bumigat ang pakiramdam ko na para bang lulubog ako sa aking kama anumang oras o mas makabubuti siguro na lumubog na lamang ako dito at muling lumitaw kapag may sagot na sa aking mga katanungan.

Nakita kong bumukas ang pinto ng aking silid at pumasok ang isang napakaguwapong lalaki. Nakasuot siya ng dark blue shirt na eksakto lamang sa kanyang katamtamang katawan na sa unang tingin pa lamang ay tila nagpaparating na ng kalungkutang kanyang nararamdaman. Pinilit pa niyang ngumiti nang tipid sa akin ngunit hindi niya maitatago ang lungkot sa kanyang mga mata.

"Hi, Caela!"

Pinigilan ko ang aking sarili nang maramdamang kukunot ang aking noo sa pagtawag niya sa akin. Parang pilit ang pagbigkas ng mga salita. Humugo't ako nang malalim na hininga. Sigurado akong sinabi na nina Tatay sa lalaki ang tungkol sa sakit ko at hindi na ako magugulat kung sasabihin niya ngayon sa akin na hindi na niya itutuloy ang pangako niyang hihintayin akong makatapos sa pag-aaral para manligaw. Sana hindi na siya nag-aksayang magpunta pa rito, maiintindihan ko naman.

Sinubukan kong salubungin ang mga titig ni Emrys sa akin ngunit pakiramdam ko ay tumagos sa aking puso ang lungkot na kanyang nadarama dahilan upang magsimulang manikip ang dibdib ko. Mula sa kanya ay ibinaling ko ang aking paningin sa dingding. Mas madali pala titigan ang mga ukang ito kaysa sa malungkot niyang mga mata.

Napabuntong hininga ako nang marinig ko ang paglapat ng pinto. Lumabas na siguro ng kuwarto ko ang lalaki. Ngunit bahagyang tumigil ang aking paghinga nang maramdaman ko na may umupo sa gilid ng aking kama. Hindi nagtagal ay naramdaman ko ang marahang paghagod ng likod ng palad ni Emrys sa aking pisngi ngunit pinilit kong huwag lumingon. "Masakit pa ba ang paa mo?"

Umiiling ako nang hindi siya nililingon.

Hinawakan ni Emrys ang aking panga at marahang inilingon sa kanya ang aking mukha. "Look at me, baby."

May kung anong init ang humaplos sa puso ko nang marinig ko ang tawag niya sa akin. Nakagat ko ang gilid ng pang-ibaba kong labi. Wala akong nagawa nang kusang sumunod ang aking mukha na humarap sa kanya. Isang mapait na ngiti ang pinawalan niya. "Bakit ayaw mo akong tingnan?"

Ibinaba ko ang aking tingin at saka pinawalan ang malalim na buntong-hinga. "Ang pangit-pangit ko ngayon dahil sa kakaiyak."

Hinaplos niya ang aking ulo dahilan upang maibalik ko ang aking paningin sa kanyang mukha na ngayon ay mas malapit na sa akin. Sinalubong niya ang aking tingin. Samu't saring emosyon ang nabasa ko sa kanyang berde na malagintong mga mata. Nakita ko ang lungkot at takot, ngunit mas nangibabawa ang isinisigaw na pagmamahal nang kanyang mga titig.

Naramdaman ko ang hinlalaki ni Emrys sa aking pisngi habang pinupunas ang tumakas na luha sa aking mata.

"Cry if you want to, baby. Iiyak mo lang, hindi ako mapapagod na punasan ang mga luha mo," buong pagmamahal niyang sabi.

Dahil sa narinig ko ay napaupo ako sa pagkakahiga at saka ako napayakap sa kanya. Naramdaman ko ang mahigpit at mainit niyang yakap na parang ayaw niya akong pakawalan. Isiniksik ko ang aking ulo sa kanyang leeg. Hindi ko na napigilang umiyak. Lahat ng bigat sa aking dibdib ay dahan-dahang gumaan na kahit hindi ko alam kung matutupad ko pa ang aking mga pangarap ay ayaw ko munang isipin ang mga iyon. Wala rin akong pakialam kung ano ang sasabihin nila Tatay sakaling makita nila kami. Dito lang muna ako sa mga bisig ni Emrys kung saan para akong hinehele at kumakalma ang magulo kong isipan.

"Hug me tight, baby. Pull yourself up from this nightmare. I'll be with you no matter what. I am here, baby. Don't be scared," bulong ni Emrys sa aking tainga dahilan upang lalo ko pang higpitan ang aking pagkakayakap sa kanyang beywang.

-----

Very short update but I hope you enjoyed reading it.

Lots of love,

Lian ❤️

Two Steps Behind YouOnde histórias criam vida. Descubra agora