Chapter 17: Cappuccino and Arroz Caldo

32 9 50
                                    

Pagdating namin ni Tatay sa parking lot ng SDC kung saan nakaparada ang aming jeep, natuod ako sa aking kinatatayuan nang makita kong tumtakbong papalapit sa amin si Emrys. Kanina, bahagyang nawala ang sama ng loob ko sa kanya nang malaman ko kay Mo na kaya siya wala ay dahil naghahanap siya ng maisusuot kong mga damit bukas para sa pageant pero ngayong nakita ko na siya parang mas gusto kong magtampo. Mukha siyang galing sa isang formal event dahil naka-long sleeves siyang puti, dark gray na slacks, leather shoes at naka-gel ang kanyang itim na itim na buhok. Kung normal ang araw na ito baka kinilig na ako sa kaguwapuhan niya ngayon.

Titig na titig siya sa mukha ko at parang sinusuri ang emosyon ko. Ang mga mata niya ay puno nang pag-aalala. Iniwas ko ang tingin sa kanya dahil bigla para akong maiiyak sa tingin niyang iyon.

"Mano po, Tatay," pagbati niya sa aking ama sabay kuha niya sa kamay nito at idinikit sa kanyang noo. "Sorry po ngayon lang ako nakarating."

Sumikip ang dibdib ko sa paghingi niya ng tawad kay Tatay. Hindi ba dapat ay sa akin siya humihingi ng tawad dahil hindi naman ako tanga para hindi maintindihan na ang mga babaeng naghahabol sa kanya ang may gawa ng lahat ito sa akin.

Nang makitang kong nagtiimbagang ang aking ama sa harap ni Emrys, mas lalong sumikip ang aking dibdib lalo na nang magsimulang sumibol dito ang kaba. Tinitigan niya ang lalaki sa aming harapan na para bang kinokontrol ang sarili na magalit. Sa sakit ng dibdib ko ay hindi ko napigilang maiyak na mabilis kong pinunas ngunit hindi nakaligtas sa paningin ni Emrys, lalapitan sana niya ako ngunit napahinto siya nang marinig ang boses ni Tatay.

"Gusto kitang makausap pero hindi rito," seryosong saad ni Tatay bago ako nilingon. "Sakay sa jeep, Caela!"

Mabilis akong umakyat sa passenger seat sa harap ng hindi nililingon si Emrys.

"'Tay, magpapakita po muna ako sa Dean of Discipline para maibigay ang side ko. Pangako po susunod ako sa bahay pagkatapos nito," magalang na sabi ni Emrys.

Parang walang narinig si Tatay at umakyat na rin ito sa driver's seat at saka binuhay ang makina ng jeep. Kung kanina ay puno na nang pag-aalala ang mukha ni Emrys, nakita kong gumuhit ang takot sa kanyang mga mata. Humakbang siya sa gilid nang magsimulang paatrasin ni Tatay ang jeep. Sa pamamagitan ng mahabang rearview mirror, nakita kong hinintay pa ni Emrys na makalabas kami ng gate ng SDC bago tuluyang naglakad patungo sa Administrative Building.

Tahimik ang naging biyahe namin ni Tatay papauwi sa bahay. Nakasalubong namin ang mga estudyante mula sa dati kong eskwelahan. Siguro kung hindi ako lumipat ng private school ay hindi ko ito mararansanan. Nang iparada niya ang jeep, tahimik din siyang bumaba kaya sumunod na lamang ako. Sinalubong kami ni Nanay na halatang kanina pa nag-aalala. Hindi ko napigilan ang sarili kong yakapin at umiyak ng tahimik sa kanyang balikat.

"Anong nangyari?" tanong ni Nanay habang pilit niyang tinitingnan ang nakasubsob kong mukha sa kanyang balikat at saka nilingon si Tatay.

"Sa loob tayo mag-usap," mahina ngunit madiing sagot ni Tatay.

Pakiramdam ko ay nakaramdam ako nang panghihina at hindi ko magawang bumitiw sa pagkakayakap sa aking ina. Inakay ako ni Nanay sa loob habang patuloy na hinahaplos ang aking likod. Pumasok si Tatay sa kanilang silid at iginiya ako roon ng aking ina.

Nang makaupo kami sa kanilang kama. Nagsimulang ikinwento ni Tatay ang nangyari sa SDC. Hindi ko naman napigilang umiyak muli.

"Sorry po," nasabi ko sa pagitan ng aking paghikbi. Mula nang magkamuwang ako ngayon ko lang nakitang sobrang aburido ang mga magulang ko at ako pa ang dahilan nito.

Hinawi ni Nanay ang buhok kong tumakip sa aking mukha at inilagay sa likod ng aking tainga, doon ko lamang nakita na basang-basa rin sa luha ang mga pisngi ng aking ina. "Bakit ka nagso-sorry sa amin, anak?"

Two Steps Behind YouWhere stories live. Discover now