Chapter 13: Respect

28 9 6
                                    

Mula noong bata ako, sanay na akong lumaban sa mga contest tulad ng quiz bee at debate. Kakabahan man ako sa simula pero ginagawa ko ang best ko para maipanalo ang anumang sinalihan kong laban. Alam kong sa bandang huli kahit hindi pa ako ang mag-uwi ng first prize sigurado akong panalo pa rin ang pakiramdam ko dahil lumaban ako ng patas.

Pero ngayong nakipagtalo ako kay Bradley, hindi ko magawang maging masaya. Pakiramdam ko natalo ako ng sampung beses sa contest. Tingin ko naapektuhan nito ang samahan naming magkakaibigan. Hindi ako palakaibigan mula noon at kung sino lamang ang nariyan ay tinatanggap ko kaya siguro wala akong naging barkada noong elementary hanggang junior high. Kaya ngayong ramdam ko ang pader sa pagitan namin ni Bradley at ang pananahimik ng buong barkada, parang pinipiga sa sakit ang puso ko.

Alam kong nasaktan ko si Bradley pero sana irespeto niya ang prinsipyo ko na huwag muna magpaligaw. Wala akong planong iwasan siya o hindi na siya kausapin, pero sadyang ayaw ko ng anumang makasisira sa determinasyon kong unahin ang aking pag-aaral.

Ang masakit pa hindi rin ako kinakausap ni Clarence. Hindi niya maintindihan kung bakit pinahinto ko si Bradley sa paghahatid sa akin tuwing hapon at lalong ayaw niyang tanggapin ang paliwanag ko na kaibigan lamang ang tingin ko sa lalaki. Masyado na siyang close kay Bradley at sarado ang kanyang isipan sa kahit na anong paliwanag ko.

"After ng exam natin mamaya sa Precal, uwian na. Kain naman tayo sa labas!" basag ni Mia sa katahimikan na halatang sinusubukang gawing masigla ang tono ng kanyang pananalita.

Narito kami sa canteen dahil recess at hindi tulad ng dati, tahimik ang buong grupo. Walang sumang-ayon sa kanya.

Napabuntong hininga ako. Nilingon ko siya at pilit na nginitian. "K-kung ayaw nila akong kasama puwede naman akong hindi sumama."

Umuwang ang mga labi ni Mo sa sinabi ko. Napasinghap naman si Kristine habang kunot ang noo nina Mia at JD. Nilingon ko si Bradley na nakaupo sa tabi ni Mo, yumuko siya at nanigas ang panga.

Nangilid ang luha ko. Ipinikit ko ang aking mga mata para pigilan ang pagbagsak nito.

Naramdaman ko ang isang kamay sa ibabaw ng kamay ko. Nang tingnan ko kung kanino iyon, nakita ko si Kristine na tipid ang pagkakangiti sa akin. Malamlam din ang kanyang mga mata. "Sinong may sabi sa iyo na ayaw ka namin kasama?"

Umiling ako. "Naninibago ako. Importante sa akin si Bradley pero sana maintindihan ninyo na edukasyon lang ang maipapamana sa akin ng mga magulang ko."

Naramdaman kong nagtinginan sila. Napayuko ako para punasan ang tumakas na luha sa gilid ng mata ko. Ika-apat na araw na silang tahimik at hindi ako halos kinakausap.

"Caela, naiintindihan ka namin. Pero hindi rin namin magawang magsaya dahil nasaktan si Brad," mahinahong paliwanag ni Mo.

Nagsimulang maglingunan ang mga estudyante sa mesa namin at saka nagbulung-bulungan. Mabilis na tumayo si Bradley at umikot patungo sa tabi ko. Hinawakan niya ang aking palapulsuan at saka hinila paalis sa lugar na iyon. Napalingon ako sa mga kaibigan ko pero nanatili silang nakaupo roon at nakatingin lamang sa amin.

Nakarating kami ni Bradley sa science garden. Wala pang sampu ang mga estudyanteng naroon. Pagdating namin sa isang bench sa ilalim ng isang puno, naupo siya at saka tinapik ang tabi niya. Tahimik akong naupo.

"I'm sorry, Cae," simula ni Bradley. Narinig ko ang malalim na pagbuntong hininga niya. "Nalaman ko kay Clarence na sinundo ka ni Munoz sa bahay ninyo. Kumalat din sa buong campus na sakay ka ng SUV niya na dumating at bitbit niya ang bag at damit mo para sa photoshoot."

Napalingon ako sa kanya. Minabuti kong makinig na muna.

Hinawakan niya ang kamay ko. "Alam kong wala akong karapatan pero nagselos at natakot ako."

Two Steps Behind YouWhere stories live. Discover now