Chapter 4: The Dance Club

35 8 14
                                    

"Caela!"

Iniangat ko ang tingin mula sa librong aking binabasa, nakita ko sina Kristine at Mo na tumatakbo papalapit sa akin. Napatayo pa ako nang biglang matalisod si Mo at kamuntik nang bumagsak sa sahig. Mabuti na lamang at napahawak siya sa hamba ng pinto ng classroom kaya naibalik niya ang balanse niya.

Nang malapit na sila sa akin, bigla na lamang siyang hinampas ni Kristine sa braso. "Sana nadapa ka na lang. Bakit ka ba nakikipag-unahan sa akin sa pagtakbo?"

Nanlalaki ang mga mata ni Mo na hinarap si Kristine. "Siyempre tumakbo ka, eh 'di tumakbo rin ako. Malay ko ba naman na mabagal ka at mauunahan pa kita!"

Isang malakas ulit na hampas ang pinawalan ni Kristine. "Epal ka na ba ngayon sa buhay ko?"

Hindi ko alam kung matatawa ako sa kanilang dalawa, alanganin kasi ako na baka nag-aaway na sila.

Isang nakalolokong ngiti ang pinawalan ni Mo. "Ikaw ang buhay ko!"

"Nakakadiri ka, Alfred! Ulitin mo pa yang banat mo, makakatikim ka sa akin," inis na sabi ni Kristine sabay amba ng suntok sa lalaki.

Tuluyan na akong natawa sa dalawa. Madalas napagkakamalang tomboy si Kristine dahil sa pagiging siga nito pero kapag si Emrys na ang nakikita niya o pinag-uusapan, wagas naman ito kung kiligin.

Napansin ko ang paghaba ng nguso ni Mo, kaya bago pa lumala at mapunta sa away, sinaway ko na sila. "Tama na nga kayong dalawa. Bakit ba kasi kayo tumatakbo?"

Hinila ni Kristine ang buhok ni Mo. "Heto kasing kumag na ito, muntik ko na tuloy malimutan."

"Aray ko, Tin!" Lukot ang mukhang sabi ni Mo.

Binitawan naman siya ni Kristine at saka hinila ang kamay ko. "Tara, dali!"

Napilitan ako humakbang. "Saan ba tayo pupunta?"

"Malalaman mo rin," nakangiting sabi ni Mo sabay kindat sa akin.

Umakyat kami sa taas kung nasaan ang gym. Sa labas pa lang ng pinto ay rinig na namin ang dance music. Napalingon ako kina Kristine at Mo na kapwa maluwag ang pagkakangiti sa akin. Pagpasok namin sa loob ay napakaraming estudyante ang naroon. Hinila ako ng dalawa sa left side ng gym.

"Nandito na kami!" Sigaw ni Kristine sa isang grupo na magkahalong lalaki at babae sa harap.

Tumango ang lalaking nasa gitna at saka sinenyasan ang isang miyembro. May pinidot ito sa laptop at nagsimulang tumugtog ang remix ng dance music na Deep in love nila Tom Boxer & Morena.

Nagulat ako nang bigla humakbang sina Mo at Kristine at biglang sumayaw. Napangiti ako ng maluwag nang makitang synchronous ang bawat galaw ng dalawa. Nanatili akong nakatayo habang pinapanood sila sa gitna. Umikot ang dalawa sabay ngiti sa akin at saka kinuha ako sa aking kinatatayuan at isinama sa kanilang pagsayaw. Naintindihan kong nais nila akong sumayaw kung kaya't sinabayan ko na rin sila. Dahil dati naman akong miyembro ng Dance Troupe sa dati kong eskwelahan at ilang ulit na rin naman naming nasayaw ang naturang dance music, hindi ako nahirapan na sabayan sina Mo at Kristine. Nang mga panahong iyon, pakiramdam ko ay nanahimik ang buong gym at tanging ang musika na lamang ang naririnig ko. Siguro dahil pagsasayaw talaga ang hilig ko. Nang matapos ang tugtog, nag pose pa kaming tatlo at nagulat na lamang kami nang magpalakpakan ang mga tao.

Lumapit sa akin ang leader nila. "You're good! You're in!"

Nanlaki ang aking mga mata. "Naghahanap ba kayo ng bagong member?"

Napatingin ito kina Mo at Kristine. "Hindi ba nila sinabi sa iyo na kasalukuyan kaming nagpapa-audition ngayon?"

Napailing ako at saka ako napalingon kay Kristine na humahagikgik ngayon sa aking tabi.

Two Steps Behind YouWhere stories live. Discover now