Chapter 14: Pre-pageant

28 9 21
                                    

Panakaw akong sumilip sa audience mula sa makapal na kurtina ng backstage. Puno ang buong AV Hall. Nakita ko sina Tatay at Nanay sa kanang bahagi ng mga audience, sa taas nila ay nakaupo sina JD, Mia at Bradley habang katabi ni Tatay si Emrys. Bahagyang kumunot ang noo ko, bakit doon nakaupo si Emrys? Hindi ba niya susuportahan si Arianna na siyang kandidata ng kanilang Strand at Grade level?

"Caela, sabi ko sa iyo huwag kang sumilip. Lalo kang kakabahan," pagsaway sa akin ni Kristine sabay hila sa akin palayo at ibinalik ako sa aking upuan. "Maupo ka lang diyan."

"Wala pa naman, sinilip ko lang sila Tatay," katwiran ko sabay ngiti kay Kristine na pinanlakihan lamang ako ng mga mata. Humagikgik naman si Mo habang tuwang-tuwa yata sa pagsusungit ni Kristine sa akin.

Napangiti sa akin si Dorothy at saka nito dinampot ang liquid eyeliner. "Dagdagan natin 'yung eyeliner mo, hindi ako kuntento."

Siya ang napili ni Bradley na mag-aayos sa akin para ngayong pre-pageant at sa Biyernes, ang mismong pageant night. Bading siya pero sa ganda niya ay aakalain mong babae talaga siya. Pinatingin niya ako sa itaas at saka kumumpas ng mabilis sa ilalim ng aking mga mata.

"Tingnan mo ako, ganda," malambing ngunit pautos na sabi ni Dorothy kaya sinunod ko lamang siya.

"Relax! Mamaya mapapanood mo sa Facebook lahat ng performances ng mga kandidata. For now, i-reserve mo ang energy mo. Kakailanganin mo 'yan mamaya sa pagsayaw," anito na parang nakatatandang kapatid na nagbibilin sa akin.

Tumango pa sina Mo at Kristine na bihis na bihis na rin. Pareho kami ng suot na tatlo. Ang kalahati ay mukhang JLo habang ang kalahati ay Michael Jackson. Mukha kaming kakanta ng doble kara. Ang tanging pinagkaiba namin, sila ay pulos itim ang suot habang ako ay puti at itim.

Walo lahat ang kandidata para sa Ms. SDC Senior High School at hindi ko alam kung swerte o malas bang matatawag na ang nabunot kong numero ay number eight. Swerte kasi hindi ako ang unang tatawagin para sa mga performances pero malas dahil pagod na ang mga audience sa kakapalakpak ay doon pa lamang ako tatawagin.

Nang magsimula ang programa, nagsimula na ring tumambol ang puso ko. Sa tuwing may lalabas sa entablado na kandidata ay inaabangan ko ang paghiyaw at pagpalakpak ng mga manonood. Kaya ko ito, kaya ko ito.

Nang tinawag si Arianna sa stage bilang number five candidate, hindi magkamayaw ang ingay ng crowd. Isa siya sa mga paborito at mahigpit kong kalaban sa reacts sa social media. Interpretative dance ang kanyang gagawin na may halong ballet, ballerina kasi siya. Nang nagsimulang pumailanglang ang musika, tahimik ang crowd sa panonood na minsan ay sinasabayan ng pag-wow ng audience. Nang maghiyawan ang audience, nagsimula na ring i-chant ng Grade 12 ABM ang pangalan ni Arianna.

Napatingin ako kay Kristine. Nginitian niya ako at hinawakan ang magkabilang balikat ko. "Magsasayaw tayo ngayon hindi para lumaban, kung hindi para ipakita sa kanila kung gaano natin kamahal ang pagsasayaw."

Napangiti ako. Mahal naming tatlo ang pagsasayaw. Iyon ang isang bagay na pinagkakasunduan naming tatlo.

"Let's sway and swerve?" Nakangiting komento ni Mo sabay taas ng kanyang kamay.

Tumango kami ni Kristine. "Let's sway and swerve!"

At saka namin hinampas ang nakataas na kamay ni Mo bilang pakikipag-high five sa lalaki.

Nang tawagin kami sa stage, ang kaninang pagtatambol ng puso ko ay nawala. Lalo na nang magsimulang tumugtog ang medley ng dance number namin, tanging ang musika na lamang ang naririnig ko. Gumalaw ako nang naaayon sa choreography ni Mo.

Naka- V formation kami at ako ang nasa harap. Opening steps namin ang kantang Bad ni Michael Jackson kaya ang kanang bahagi namin na nakasuot ng Michael Jackson outfit ang nakikita ng audience. Naghiyawan ang mga tao nang magawa namin nang maayos ang cane dance na sinamahan ng woosh movement ng aming balikat sa dulo bago namin sabay-sabay na pinalipad ang suot naming itim na fedora hat. Nang magpalit ang kanta, kaliwang side na namin ang nakita ng audience kung saan ay nakasuot kami ng JLo costume sa kantang Love Don't Cause a Thing. Muling naghiyawan ang crowd nang magawa namin ang booty signature dance move ni JLo. Nagpalakpakan na ang audience, hindi ko naiwasan ang mapangiti. Ngunit natahimik ang crowd ng pumailanglang ang kanta ni Ricky Martin na Maria at hilahin namin sabay-sabay ang nakapatong na costume na ala-Michael Jackson para lumabas ang buong costume namin.

Two Steps Behind YouWhere stories live. Discover now