Chapter 15: Competition

34 8 45
                                    

Papatawid na ako sa tapat ng gate ng SDC nang may biglang tumawag sa akin.

"Tingson!"

Nang lingunin ko ay nakita kong maluwag ang pagkakangiti ni Jake sa akin. Binilisan niya ang paglalakad papalapit sa kinatatayuan ko kaya hinintay ko na siya para sabay na kami tumawid. Maaga pa naman at wala kaming klase dahil nagsimula na noong Lunes ang Foundation Week kaya puro contest, sportsfest at booths.

Tinanguan ko si Jake paglapit sa akin, kinailangan ko pang tumingala dahil kahit matangkad ako ay matangkad pa ring malayo si Jake sa akin. Siguro ay six feet siya. Napaka brusko niya kumilos sa loob ng school at marami ang ilag sa kanya dahil sanay ito makipagbasag-ulo kaya nagulat ako na pumwesto siya sa danger side at inalalayan ako sa pagtawid. Gentleman naman pala siya.

Akala ko pagtawid namin ay iiwan na niya ako, pero sinabayan niya pa rin ako maglakad patungo sa building namin.

"Sigurado ako na ikaw ang Ms. Talent," pagbasag ni Jake sa katahimikan sa pagitan namin.

Napakibit ako ng balikat nang hindi siya tinitingnan. "Magaling din si Arianna at 'yung taga HUMMS na Grade 11."

"Wala namang espesyal sa mga ginawa nila. Ballet at spray paint? Common na lahat ng iyon!" komento ni Jake habang naglalakad patalikod para makausap ako.

Bahagya akong nag-alala na baka magkamali siya ng paghakban sa ginagawa niya. "Jake, umayos ka nang paglalakad."

Mabilis naman siyang umikot para tumabi muli sa akin. "Nakatatakot ba yung ginawa ko? Huwag ka mag-alala, sanay na ako."

"Kahit na sanay ka, hindi mo nakikita ang dinaraanan mo. Baka madulas ko o matisod, disgrasya pa ang aabutin mo," pangangatwiran ko sa kanya. Pakiramdam ko may kasama akong bata, hindi akma sa height niya na pang- basketball player.

Biglang huminto sa paglalakad si Jake. Napalingon ako sa kanya at nakita ko siyang tila tulala at hawak ang kanyang dibdib.

Kumunot ang noo ko. "O, bakit?"

"Isang Tingson nag-aalala sa akin. Para akong maha-heart attack!" sagot nito habang ikinunot pa ang kanyang noo at pinahaba ang nguso na akala mo ay totoong maha-heart attack.

Hindi ko naiwasan ang humagalpak sa tawa. "Ang laki-laki mong tao pero ang OA mo."

Umiiling ako na natatawa at nagpatuloy sa paglalakad.

Mabilis naman humabol si Jake. "Ayaw mo ba nang mga ganung banat?"

Umiling ako at saka ngumiti. Dati naaasiwa ako kay Jake, hindi ako komportable sa kanya. Sa pagdaan ng ilang buwan, nasanay na lang ako sa kakulitan niya.

Ilang estudyante mula sa ibang strand ang nakangiting sumalubong sa amin.

"Tingson, ang galing mo kahapon!"

"Tingson, sure na ang panalo mo!"

"Thank you," sagot ko at saka sila nginitian.

"O, diba tama ako? Pareho kami nung isang babae nang sinabi," maluwag ang ngiting sabi ni Jake.

Ngumiti lamang ako kay Jake. Mula kagabi ay napakaraming shares ng performance namin nina Kristine at Mo. Idagdag mo pa ang pagmamalaki ng SDC Dance Club na miyembro nila kaming tatlo.

"Mas magaling pa rin si Arianna. Mag-isa lang siya sa stage habang iyang si Tingson ay may back-up dancers," narinig kong usap-usapan ng ilang ABM students pagdaan namin ni Jake sa corridor.

"Dinala lang ba ng back-up dancers?" saad pa ng isa na sinabayan nila ng tawa.

Napahinto si Jake maglakad. "Abah!"

Two Steps Behind YouWhere stories live. Discover now