Chapter 4

670 25 1
                                    

Chapter 4

From: Partner Alek Conrado

Good morning, partner! :D

Hindi ko tinitingnan ang cellphone ko sa tuwing bagong gising ako. Pero sa nakalipas na isang buwan magmula nang maging mag-thesis partner kami at ngayon ay magkaibigan na, palagi nang bungad ng umaga ko ay ang text message ni Alek.

Nanatili akong nakahiga at nangingiti habang nakatitig sa text niya. Hindi pa 'ko nagre-reply dahil parang sa nakalipas na isang buwan, gusto ko nang hayaan ang sarili kong matuwa na ganito siya ka-consistent.

Pagkatapos ng unang Monday breakfast namin, parang naging komportable naman na 'ko sa kanya. Hindi kami laging nabibigyan ng tsansa na magkausap sa campus kung hindi lang period ni Miss L.

Lagi kaming magkasama at magkatabi ni Caly sa ibang subjects. Si Alek naman, laging kasama ang barkada niya rin. Nagkakasalubong lang kami ng tingin minsan at ngingiti siya na may kasama pang kaway. Ngingiti at kakaway rin ako pabalik. Ganoon ang madalas naming interaksyon sa campus basta't hindi tungkol sa thesis ang subject.

Pero kahit hindi kami masyadong nakakapag-usap, nagte-text naman si Alek sa 'kin araw-araw ng "Good morning" at "Good night". Sa loob din ng isang buwan, tumatawag siya sa phone para magtanong tungkol sa thesis. Tapos ay nauuwi kami sa biruan o kung ano-ano lang na mapag-usapan tungkol sa mga blockmates o professors namin.

Kaya siguro nang sumunod ang tatlong Lunes na magkasabay kaming mag-agahan, hindi ko na matanggi sa sarili kong nasasabik ako na makasama si Alek na kaming dalawa lang.

Pumikit ako at nilagay sa dibdib ko ang phone. Pagkatapos din nang maikling pag-uusap nila ni Gichelle, wala nang babae sa campus ang nakikitang kasama o sinasamahan ni Aleksander Conrado.

Kahit si Caly, malapit nang ma-impress na kayang magtagal ng isang buwan ni Alek na walang "nilalandi". That's Caly's term.

Good morning, Aleksander. :) Simpleng reply ko nang magawa ko nang bumangon sa kama. Wala kaming morning subjects ngayon dahil may general meeting ang mga professors for the coming prelims. Kaya mamayang hapon pa ang pasok namin.

"Anak," narinig kong katok ni Itay sa pinto ng kuwarto ko. "Gising na. Umalis na ang Inay mo papunta sa mansyon pero may agahan ka rito."

Tumunog ang cellphone ko pero hindi ko muna pinansin. Tumayo ako at binuksan ang pinto.

"Magandang umaga, Itay. Aalis na rin po kayo?"

Binubutones ni Itay ang puting polo na uniporme niya. "Oo at madami yatang aasikasuhin ngayon sina Sir Eugenio at Sir Erasmo. Kailangan ng service. Bale, ikaw na munang bahala sa bahay, 'nak."

"Opo, mamayang hapon pa naman po ang pasok ko."

"Anong gagawin mo ngayong umaga?" tanong ni Itay habang nagsusuklay na siya ng buhok ngayon. Nasa harap na siya ng salaming nakasabit sa may sala namin.

Kaunting hakbang mula sa kuwarto ko at kusina naman namin. Nakaupo agad ako sa harap ng hapag. "Maglilinis po muna ako ngayong umaga at saka po magpa-plantsa pa pala ako ng uniform ko po para mamaya."

"Na-plantsa ko na ang uniform mo, anak," nakangiting sabi ni Itay.

Napangiti ako. Mula elementary ako, si Itay talaga ang nagpa-plantsa ng uniform ko. "Salamat po, 'Tay! Hindi na 'ko mapapaso sa plantsa!"

Nagkatawanan kami dahil ewan ko ba, sa tuwing nagpa-plantsa ako, napapaso ako kahit anong ingat ko. Naiiyak na lang ako habang ginagamot palagi ni Itay o ni Inay ang paso ko.

Nilapitan ako ni Itay at iniwanan ng halik sa tuktok ng ulo. "Kumain kang mabuti, ha? Tapos mag-iingat ka sa pagpasok mamayang hapon."

"Mag-iingat ka rin po, Itay!" malambing kong paalam sa kanya.

DHS #1: Burning SlowlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon