Chapter 12

641 28 4
                                    

Chapter 12

"Itay, nasaan po 'yung pictures ni Inay noong dalaga pa siya?" tanong ko habang nagkakakal sa ilalim ng kama ko.

Lumuhod si Itay at nakikalkal. "Iyon ba ang hinahanap mo kanina pa, 'nak? Ang alam ko nga, dito nakatago ang mga 'yon." Hinila ni Itay ang isang box. "Kailangan mo ba sa eskuwela?"

"Hindi naman po..." Mula nang makita ko kahapon ang picture ni Donya Bernadea, biglang hindi na matahimik ang loob ko.

At nag-replay na lang ng kusa sa isip ko noong nandito sa bahay si Don Eloy at nagagalit kay Inay. Iniisip kong mabuti ang narinig kong pag-uusap nila.

Sigurado akong narinig ko iyon at hindi ko lang matandaan eksakto ang mga salita. Pero ngayon, mas kumbinsido na 'kong hindi talaga tungkol sa mga nabasag na vase collection ni Donya Ethelinda ang dahilan kung bakit galit at tumaas ang presyon ni Don Eloy.

Hindi ko pa matanong ulit si Inay dahil pakiramdam ko, hindi ko makukuha ang totoong sagot. Ayaw ko namang pagdudahan ang sarili kong ina... pero iba kasi ang kutob ko...

"Bakit gusto mong hanapin?" Tanong ulit ni Itay, patuloy sa pagkalkal ng mga kahon.

Napalunok ako at tumingin sa kanya. Baka si Itay, puwede kong diretsahin. "Ano po kasi..."

Tumigil si Itay sa pagkalkal at tumingin din sa 'kin.

"Itay, totoo po bang kamukha ko si Inay noong dalaga pa siya?"

"Aba't oo, anak! Parehas kayong maganda ng Inay mo!" Napangiti si Itay. "Pati kilos at pananalita ay kuhang kuha mo."

"Pero kahawig na kahawig ko po ba siya?"

Parang nag-isip si Itay. "Parehas kayo ng ngiti ng Inay mo. Pati hugis ng mukha."

Nagpatuloy ako sa pagkalkal sa loob ng kahon. Hindi sapat iyon. "Itay, naabutan niyo po bang buhay ang ina ni Don Eloy? Si Donya Bernadea po?" Pasimpleng tanong ko.

"Oo, pero minsan-minsan ko lang nakikita noon. Nakaratay na rin sa sakit ang Donya Bernadea noong mga panahong namasukan ako sa mga De Haro. At sa mansyon naman ni Don Bernardus namalagi ang kanilang ina at hindi kay Don Eloy."

"Picture po noong dalaga ang Donya Bernadea, nakita niyo na po?" Patuloy kong tanong.

"Hindi pa." Hinawakan ako ni Itay sa balikat para matigil sa pagkalkal. "Mukhang interesadong interesado ka kay Donya Bernadea, anak."

Napabuga ako ng hangin at nilingon na ulit si Itay. Nakatingin siya 'kin nang mataman. Nakangiti siya pero halatang takang-taka sa 'kin.

"Itay, kasi..." Napabuga ulit ako ng hangin. "Itay, kasi po kahapon naglinis ako sa kuwarto ni Don Eloy. Hindi sinasadyang nakita ko po ang larawan ng mga magulang ni Don Eloy. Una po kay Don Elonzo III. Sumunod po kay Donya Bernadea noong dalaga pa o bagong kasal pa lang..."

Inaabangan ni Itay ang kuwento ko. Halatang nakikinig mabuti. Hinihintay niya talaga akong matapos palagi sa pagsasalita.

"Itay, kamukha ko po kasi si..." Napalunok ako. "Kamukha ko po kasi si Donya Bernadea. P-Para po akong nakatingin sa sarili kong pictures, pero black and white lang..."

Nag-umpisa akong kabahan. Nanginig nang bahagya ang kamay ko. "K-Kaya po naghahanap ako ng p-picture ni Inay noong dalaga pa... Kasi po, baka nagkataon lang. Lalo na at marami naman po tayong kahawig sa mundong 'to..."

Kumurap si Itay. Parang sandali siyang natulala o nag-iisip.

"Sa silid kamo ni Don Eloy mo nakita ang larawan ng kanyang ina?" tanong ni Itay pagkalipas ng ilang segundong pag-iisip niya.

DHS #1: Burning SlowlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon