Chapter 7

209 13 2
                                    

Kinabukasan, maagang lumabas ng kaniyang silid si Rayder para hintayin ang pagdating ng lolo niya at batiin ito sa kaarawan nito. Ginamit niya ang grand staircase ng mansiyon pagbaba para dagdag na rin sa kaniyang ehersisyo. Habang naglalakad, nakasalubong niya ang isang kasambahay. May dala itong tray na naglalaman ng isang basong tubig at gamot.

"Good morning, young master," bati nito nang makita siya.

"Wait!" pigil niya sa kasambahay. Tumigil naman ito at hinintay ang sasabihin niya. Kinuha niya ang gamot sa tray at tinignan kung para saan iyon. "Pain reliever? Para kanino ang gamot na 'yan?" tanong niya.

"Pinapakuha po ito ni Senior Rajar."

"Nakabalik na si lolo? Kailan pa?"

"Kagabi pa po."

Nagtaka naman siya sa maagang pagbalik ng lolo niya sa mansion. Akala niya, umaga pa ito babalik. Siguro nalaman nito ang ginawa ni Sunshine kagabi kaya umuwi agad ito. "Nasa silid pa ba siya? Ako na lang ang magdadala ng gamot sa kaniya."

Iniwas naman ng kasambahay ang tray nang kukunin niya iyon mula rito. "H-Hindi po pwede, sir. Mahigpit po ang utos sa akin na ako mismo ang magdadala ng gamot kay Senior," kinakabahan nitong sabi.

Hindi naman nagpumilit si Rayder. Ayaw niyang maparusahan ang kawawang kasambahay kung ipipilit niya ang gusto.

"Sige. Hihintayin ko na lang si lolo sa garden."

Nagpatuloy sa pagbaba ng hagdan si Rayder. Nag-utos din siya sa isa pang kasambahay na dalhan siya ng ginger tea sa garden. Hinintay niya roon ang lolo niya na alam niyang tatambay sa garden paglabas nito sa kuwarto. Iyon ang paborito nitong gawin tuwing umaga.

Hindi pa nangangalahati ang tsaa ni Rayder nang dumating ang lolo niya. Nilukob siya ng kaba nang makitang may benda ito sa kaliwang braso. Mabilis niya itong nilapitan at inalalayan sa pag-upo kahit may kasama itong private nurse.

"Lolo, what happened to your arm?" nag-aalala niyang tanong.

Sinenyasan muna nitong umalis ang lalaking nurse bago sumagot, "Just a minor accident, apo. Bahagya akong nahilo kagabi at nawalan ng balanse. Natumba ako at tumama sa kanto ng mesa ang braso ko." Nakangiti nitong sagot.

"Nasaan ba ang mga bodyguard mo? Bakit hinayaan ka nilang mag-isa? Masakit pa ba?"

"Hindi na. Uminom na ako ng pain reliever kanina. Hayaan mo na ito, apo. Hindi mo ba ako babatiin?"

Natapik ni Rayder ang noo nang makalimutan itong batiin. Inunahan kasi siya ng pag-aalala nang makita ang benda nito.

"Happy sixty-eight birthday, lolo. Alam kong hindi materyal na bagay ang gusto mong regalo, pero pag-iisipan ko pa po ang gusto mo."

Bahagya ngumiti ang matanda, "Rayder, hindi na ako bumabata. Kailangan ko rin magpahinga. Kailan mo ba tatanggapin ang pamamahala sa mga negosyo natin?"

"Kumplikado pa po ang sitwasyon ko ngayon, Lo. Sasabihan po kita kapag handa na ako."

"May nobya ka ba sa America? Siya ba ang pumipigil sa pananatili mo rito sa Pilipinas?"

"Wala po akong nobya, lolo."

"Wala? Baka naman nobyo ang meron ka?" biro nito sa kaniya.

Sinakyan naman ni Rayder ang biro ng lolo niya. Tumayo siya sa harap nito at pinagyabang ang perpekto niyang itsura at pangangatawan. "Lo, nakikita mo ba ang itsurang ito? Itong mga maumbok kong muscles sa braso, itong matipuno kong katawan at namumutok na abs, nakikita mo ba? Pinagkakaguluhan 'yan ng mga kababaihan. Ako na nga lang ang nag-a-adjust e. Gusto ko pantay-pantay ang trato sa kanila kaya itinigil ko na ang pakikipag-relasyon."

When Sunshine faded its shineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon