Chapter 10

223 14 4
                                    

Simula nang umalis si Sunshine sa mansion, napansin na niya ang isang motorsiklo na sumusunod sa kaniya. Malayo ang agwat niyon pero halatang sinusundan siya.

"Tumigil ka sa supermarket," utos niya sa driver ng sinasakyan niyang kotse na pag-aari ni Senior Rajar. Iyon ang ginamit niya pag-alis sa mansiyon, pero decoy lang iyon. Ibang sasakyan ang gagamitin niya sa pagdadala ng mga dokumento at package. Ginamit niya lang iyon para hindi magtaka ang mga tao sa mansiyon kung bakit aalis siya ng walang gamit na sasakyan.

"Yes, ma'am."

Tulad ng utos ni Sunshine, itinigil ng driver ang sasakyan sa tapat ng supermarket. Bumaba ito ng sasakyan para pagbuksan siya ng pinto. Lumabas din siya sa sasakyan at pasimple niyang tinignan ang sumusunod sa kaniya. Nakatigil ang motor sa kabilang kalye. Sigurado siyang lalaki ang sakay ng motor kahit nakasuot ito ng helmet at leather outfits.

"Sumama ka sa akin sa loob." Sumunod naman ang driver sa kaniya.

Matapos i-check ng guard ang mga gamit niya, pinapasok na sila sa loob ng supermarket. Kumuha naman siya ng push cart at namili ng mga items na hindi niya naman kailangan. Nagkukunwari lang siyang namimili para tumagal sa loob ng supermarket.

Maya-maya, napansin niya ang pagpasok ng lalaking nakasuot ng sumbrero at facemask. Base sa suot nitong leather outfits, ito ang lalaking sumusunod sa kaniya.

"Bumalik ka sa kotse," saad niya sa driver.

"Paano po ang pinamili mo, ma'am?"

"Ako na ang bahala rito. Hintayin mo na lang ako roon."

"Sige po, ma'am."

Pag-alis ng driver, itinulak niya ang cart patungo sa bread section kung nasaan ang lalaki. Namimili ito ng mga tinapay sa istante. Nagkunwari rin siyang namimili at sinadyang tumayo sa tabi nito.

"Kung pinapahalagahan mo ang buhay mo, itigil mo na ang pagsunod sa akin," seryoso niyang babala rito bago kumuha ng isang balot na tinapay at nilagay sa push cart niya. Iniwan niyang natigilan ang lalaki. Iniwan niya rin ang cart sa tabi nito at lumabas sa supermarket.

Nagtaka pa ang driver nang wala siyang dala kahit ano maliban sa mga gamit niya. Hindi naman ito nagtanong at pinaandar na lang ang sasakyan.

***

Isang oras ang nakalipas, lulan na si Sunshine ng puting sasakyan patungo sa Jandusay warehouse. Pagdating doon, nakangiting sumalubong sa kaniya si Tabak—ang matabang manager ng warehouse. Nababakas ang kagalakan sa mukha nito nang makita siya.

"Long time no see, Lady Sun. Kumusta na ang natatanging delivery messenger ni Senior Rajar? Mas lalo kang gumaganda ah."

"Hindi ako maaaring magtagal. Nasaan ang package?" seryoso niyang sabi pagkabigay ng mga dokumento rito.

"Sandali lang naman. Ang tagal mong hindi pumunta rito. Ayaw mo bang magkape muna? Naghanda ako ng maiinom. Halika, samahan mo muna kami." Tinangka nitong hawakan ang braso niya, pero umiwas siya rito.

"Nasaan ang package?" muli niyang tanong habang tumitingin sa relong pambisig. Gusto niyang umuwi agad bago sumapit ang gabi. Baka magising si Sonson at hanapin siya.

"Ibibigay ko kapag pinagbigyan mo ang paanyaya ko. Isang tasa lang ng kape, Lady Sun." Nakangisi pa rin nitong sabi.

"Sige," tipid niyang sagot.

Mas lumawak ang ngisi ni Tabak nang pagbigyan niya ang paanyaya nito. Halata rin sa mga kasama nito ang kasiyahan sa pagpayag niya.

"Halika sa office ko. Naroon ang mainit na kape."

When Sunshine faded its shineWhere stories live. Discover now