Chapter 16

216 13 0
                                    

Gimbal na gimbal ang mag-asawang Rena at Lurjan nang malaman na ligtas si Sunshine. Hindi mapakali si Rena at pabalik-balik itong naglalakad sa harapan ni Lurjan. Nakaupo naman sa sofa si Lurjan habang iniisip kung paano nakaligtas si Lady Sun sa mga inupahan niyang tao. Litong-lito ang dalawa at dala ng labis na kaba at takot, itinuon ni Rena ang galit sa asawa.

"Kasalanan mo ito, Lurjan. Palpak ang mga inupahan mong tao. Ano na lang ang sasabihin ko kay Daddy, huh?!" sigaw ni Rena.

"Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala roon," kumpiyansang sagot ni Lurjan.

Tumigil si Rena sa harapan ni Lurjan at nameywang. "Dapat lang! Iyon naman ang silbi mo kaya narito ka."

Humalukipkip si Lurjan at nakangising nag-angat ng tingin sa asawa. "Hindi ko nakakalimutan ang kasunduan natin, Rena. Kailangan natin ang isa't-isa, pero hindi bilang mag-asawa. Kailangan mo ako para alisin sa landas mo ang mga taong nagpapainit sa ulo mo, at kailangan kita para sa pansarili kong rason. Give and take, simple as that."

"Siguraduhin mo lang na hindi madadamay ang anak ko sa rason mong 'yan, Lurjan. Kilala mo ako pagdating sa anak ko. Gagawin ko ang lahat alang-alang sa kapakanan at kaligtasan niya."

Tumayo si Lurjan at bahagyang lumapit kay Rena. "Masuwerte ang anak mo na nagkaroon siya ng ina na kagaya mo, Rena, pero malas niya dahil nakilala niya ang ama na kagaya ko. Mabuti rin 'yon para hindi niya isipin na hindi ko siya anak, 'di ba?"

Matalim namang tumingin si Rena sa asawa. "Manahimik ka, Lurjan!"

"Bakit? Nasasaktan ka pa rin ba sa pagkawala ng dati mong kasintahan? Matagal na siyang patay, Rena. Hindi ka pa ba nakakalimot?" mapaglarong tanong ni Lurjan.

Bumuntong hininga si Rena at kalmadong sinagot ang tanong ni Lurjan, "Matagal na akong nakalimot, Lurjan. Hindi ang nakaraan ang problema natin ngayon. Maaaring lumitaw pa rin ang katotohanan kahit wala na sa mansiyon ang pamilya ni Rico at mga pinsan ko. Kumilos ka na bago pa malaman ni Rayder ang lahat. Kilala ko ang anak ko. Kaya niyang gumawa ng bagay na hindi natin inaasahan."

Umakbay naman si Lurjan kay Rena. "Ano ba'ng gusto mong gawin ko, mahal kong asawa?"

Umirap si Rena at inalis ang kamay ni Lurjan sa balikat niya. "Ilayo mo si Lady Sun sa anak ko. Gawin mo ang lahat para mangyari iyon."

"Kahit patayin ko siya?"

Natigilan naman si Rena. Gusto niyang ilayo si Sunshine kay Rayder pero hindi sa paraang kikitilin ang buhay nito. Hindi na niya mababago ang kasalanan sa pagkamatay ng kapatid nito, pero ayaw na niyang dagdagan pa iyon.

"Huwag mo siyang papata—"

"Nakalimutan kong sabihin, salita lang ni Senior Rajar ang sinusunod ko. I am his trusted person," putol ni Lurjan sa sasabihin ni Rena.

"A-Anong ibig mong sabihin, Lurjan?"

"Hindi ka ba nagtataka kung bakit pumayag ang senior na manatili ako sa mansiyon sa kabila ng background ko? Hindi mo rin ba naisip kung paano ko nalulusutan ang lahat ng kaso na sinasampa sa akin noon? Iyon ay dahil sa daddy mo, Rena." Nanatiling walang imik si Rena. Pinoproseso nito sa isip ang mga sinasabi ng asawa. Nagpatuloy naman sa pagsasalita si Lurjan. "Tatapatin na kita, Rena. Pinakasalan kita dahil iyon ang gusto ng senior. Naghiwalay tayo dahil utos ng senior. Ngayon, nakipagbalikan ako sa 'yo dahil kailangan na ako ng senior. Isa ka lang kasangkapan sa mga plano ng senior. Hindi siya magdadalawang isip na patayin ka kapag sumalungat ka sa mga kagustuhan niya. For your safety, manahimik ka na lang sa isang tabi," babala ni Lurjan bago lisanin ang silid ng asawa.

Samantala, naluluhang naiwan sa silid si Rena. Hawak niya ang tapat ng puso dahil sa malakas na kabog niyon. Hindi siya natatakot para sa sarili. Natatakot siya para kay Rayder at sa maaaring gawin ng senior. Isang desisyon ang naisip niya para manatiling ligtas ang anak niya—babalik sila sa America.

When Sunshine faded its shineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon