Chapter 17

191 15 0
                                    

Naging blangko ang utak ni Rayder nang marinig ang sinabi ni Sunshine. Hindi siya nakaiwas sa sakit na halos ipagtabuyan siya nito at ang sakit na iyon ay humantong sa bagay na hindi niya napigilang gawin. Lumapit siya kay Sunshine at hinalikan ito. Sa mga oras na iyon sarili lang niya ang iniisip niya at ang totoong nararamdaman. Alam niyang mali, pero hindi niya mapigilan ang nararamdaman para rito. Mahal niya si Sunshine at sigurado siya roon. Hindi niya alam kung kailan nagsimula o kung paano nagsimula ang nararamdaman niya para rito. Natagpuan na lang niya ang sarili na laging si Sunshine ang laman ng isip niya. Mas lalo niyang napatunayan ang nararamdaman nang makita niya itong duguan sa gilid ng bangin. Para siyang tinakasan ng bait sa senaryong iyon. Hindi niya kaya na makita si Sunshine sa ganoong sitwasyon. Ikakamatay niya iyon.

Masuyo ang paghalik na ginawa ni Rayder kay Sunshine. Marahan ang bawat pagdampi ng labi niya sa labi nito na tila ninanamnam ang tamis niyon. Sinamantala niyang nakaawang ang bibig nito at ginalugad ng dila ang loob niyon. Para siyang kakapusin ng hininga dahil sa sensasyong bumalot sa katawan niya. Unti-unti naging mapusok ang paghalik niya. Naging sabik iyon at dumidiin. Narinig niya ang kumawalang ungol mula kay Sunshine. Ginatungan niyon ang apoy na nagliliyab sa katawan niya. Tumindi ang nararamdaman niyang init nang gumalaw ang labi nito. Sa una, tila nangangapa pa iyon. Pero nang lumaon, nagawa nitong sabayan ang intensidad ng mga halik niya.

"R-Rayder, uhmm..." ungol ni Sunshine sa pangalan niya.

Naging hudyat iyon para tuluyang mawala sa sarili si Rayder. Nagsimulang maglakbay ang kamay niya—mula sa pisngi ng dalaga, patungo sa leeg hanggang bumaba sa dibdib nito. Lumiyad si Sunshine na tila sinasalubong ang bawat paghagod ng kamay niya sa katawan nito. Isang senyales iyon para magpatuloy si Rayder.

Naglakbay ang labi ni Rayder patungo sa leeg ni Sunshine. Parang isang masarap na putahe kung papakin niya ang dalaga. Ngunit ang muntik na nilang pagkalimot ay naantala nang biglang bumukas ang pintuan ng silid ni Sunshine. Kaagad naghiwalay ang mga labi nila at tumingin sa pintuan. Magkasabay rin silang kumilos nang makita ang lalaking nakatayo roon at may hawak na baril. Hinila ni Rayder si Sunshine. Yumakap naman si Sunshine kay Rayder. Nahulog sila sa higaan at sabay rin nilang sinipa ang hospital bed upang pagtaguan nang magsimulang magpapatutok ang lalaki gamit ang baril na may silencer.

Sinigurado ni Rayder na hindi masasaktan si Sunshine. Niyakap niya ito at iniharang ang katawan para protektahan habang nagkukubli sila sa likod ng kama. Patuloy ang ginagawang pagpapaputok ng lalaki. Nang tumigil ito ay mabilis siyang kumilos. Binitiwan niya si Sunshine at hinarap ang gunman. Mabilis siyang nakalapit sa lalaki at nagawa niyang ilihis ang braso nito nang magpaputok uli. Sunod-sunod niyang sinuntok ang lalaki, pero sinipa siya nito. Napaatras siya sa ginawa ng lalaki. Hindi naman siya nagpatinag at muli itong sinugod. Malakas ang lalaki at halata sa kilos nito ang pagiging bihasa sa laban. Sa isang mabilis nitong atake, tinamaan siya sa dibdib at natumba sa sahig.

Nahirapan kumilos si Rayder, pero nagawa niya naman bumangon at umupo sa sahig. Hindi niya inaalis ang tingin sa gunman. Nakasuot ito ng itim na hoodie jacket at facemask. Sa suot nito ngayon, mahihirapan siyang tukuyin kung sino ito.

"Hindi ikaw ang kailangan ko, pero wala namang utos na hindi kita p'wedeng patayin," saad nito habang nakatutok ang baril sa kaniya.

Nasorpresa si Rayder nang bigla na lang lumitaw si Sunshine sa likuran ng lalaki. Bago pa bumaling ang gunman sa likuran, pinalo na ito ni Sunshine ng hawak na flower vase. Kumalat ang ingay ng nabasag na vase sa buong silid. Nawalan ng balanse ang lalaki. Pinilig nito ang ulo nang bahagyang nalula sa ginawa ni Sunshine. Nang bumalik sa ayos ang paningin nito, sumalubong naman ang kamao ni Sunshine sa mukha nito.

Napangiwi si Rayder. Alam niya ang pakiramdam ng masuntok ni Sunshine deretso sa mukha. Dumugo ang labi niya noon, pero hindi lang pagdugo ng labi ang nangyari sa lalaki. Maging ang ilong nito ay dumugo rin. Matalim na tumingin ang lalaki kay Sunshine. Kinabahan si Rayder nang muling iangat ng gunman ang baril. Ngunit, namangha siya nang muling kumilos si Sunshine. Mula sa kinatatayuan nito, nagpakawala ito ng sipa patungo sa lalaki. Bago pa kalabitin ng gunman ang gatilyo ng baril, tumama na ang sipa ni Sunshine sa panga nito. Sinundan ng tingin ni Rayder ang pagbagsak ng katawan ng gunman.

"Hindi na ligtas ang lugar na ito," saad ni Sunshine bago siya tulungan tumayo.

Namamanghang nakatingin si Rayder kay Sunshine, pero hindi sinasadyang dumako ang tingin niya sa mapula at basa-basa nitong labi. Bumalik sa alaala niya ang mainit na halik na pinagsaluhan nila kanina. Ang sensasyong bumalot sa katawan niya ay muli niyang naramdaman. Napansin naman ni Sunshine ang kakaiba niyang titig sa labi nito. Mabilis itong dumistansiya sa kaniya. Tumikhim naman si Rayder para alisin ang bikig sa lalamunan. Palihim din siyang bumuntong-hininga para kalmahin ang sarili. Kinuha na lang niya ang cellphone sa bulsa at tinawagan si Amsterdam para mawala sa isip ang namumuong sensasyon sa katawan niya.

"Bring some men in Lady Sun's room," saad niya pag-accept nito sa tawag niya.

"Right away, sir."

Hindi rin nagtagal nang dumating si Amsterdam kasama ang ilang mga tauhan na nagbabantay sa paligid ng ospital.

"Alamin niyo kung sino 'yan at kung sino ang nag-utos sa kaniya para saktan si Lady Sun," maawtoridad na utos ni Rayder.

"Yes, sir!" Binitbit ng mga ito ang walang malay na lalaki palabas ng silid ni Sunshine.

"Sir, may natanggap akong balita mula sa mga pulis tungkol sa nangyaring pagpatay sa gilid ng bangin," pasimpleng bulong ni Amsterdam sa kaniya.

Bahagya naman silang lumayo para pag-usapan ang naturang balita. "Go ahead," hudyat niya.

"Hindi po mga pulis ang dalawang lalaki. Napag-alaman nilang mga dating bilanggo ang dalawa. Tatlong buwan pa lang nakalalaya ang mga ito at ang nakikita nilang dahilan sa pagkamatay ng dalawa ay ang krimen na kinasangkutan ng mga ito bago nakulong..." Kunot-noo naman si Rayder habang pinapakinggan ang sinasabi ni Amsterdam. Nagtataka siya kung paano nakapasok sa mansiyon ang ex-convic na kagaya ng dalawang iyon. "... gusto nilang makausap uli si Lady Sun para—" Uminit ang ulo ni Rayder at agad pinutol ang sinasabi ni Amsterdam.

"Nagbigay na siya ng statement na hindi niya nakita ang pumatay sa dalawa. Wala siyang malay nang mangyari ang krimen. Hindi pa ba sapat iyon? Sabihin mo sa mga pulis, humanap ng ibang paraan at huwag nilang guluhin si Sunshine!"

"Okay po, sir."

"Good. Ihanda mo ang sasakyan. Ilalabas ko ngayong gabi si Sunshine. Hindi ako mapapanatag na laging may panganib na nagbabanta sa buhay niya. Kailangan ko siyang dalhin sa ligtas na lugar."

"Mawalang galang na, sir. Huwag mo sanang mamasamain ang tanong ko. Saan mo dadalhin si Lady Sun?"

Napaisip naman si Rayder. Wala pa siyang property sa bansa. Kung tutuloy sila sa isang hotel, hindi rin sigurado ang kaligtasan nila roon. Kung sa mansiyon naman niya dadalhin si Sunshine, siguradong magdudulot iyon ng labis na kalungkutan dito. Doon nangyari ang mapait na dinanas ng kapatid nito. Marami rin ang tauhan ng lolo niya sa loob at labas ng mansiyon, pero hindi siya sigurado kung kaligtasan o kapahamakan ang gusto ng mga ito kay Sunshine. Hindi pa niya napapatunayan kung may kinalaman ang lolo niya sa mga sugat ni Sunshine, pero mabuti na 'yong nag-iingat siya. Higit sa lahat, hindi pabor ang mommy niya na naroon si Sunshine. Mahal niya ang mommy niya kahit minsan matigas ang ulo nito, pero mahal niya rin si Sunshine. Ayaw niyang mamagitan sa dalawa dahil ayaw niyang may masaktan sa mga ito. Kaya isang lugar ang pumasok sa isip niya kung saan nasisiguro niyang ligtas si Sunshine.

"Sa lupain na pag-aari ni Lady Sun. Doon ko siya dadalhin," sagot niya sa tanong ni Amsterdam.

"No. Sa mansiyon mo ako dalhin."

Magkasabay tumingin si Rayder at Amsterdam kay Sunshine nang marinig ang boses nito.

"Sigurado ka ba?" tanong niya.

"Yes. Wala akong ibang pupuntahan kun'di sa mansiyon. At isa pa..." Nagulat si Rayder nang makita ang ngiti sa labi ni Sunshine. "... namimiss ko rin ang lolo mo," muli nitong sabi.

Isang kompirmasyon na wala siyang karapatan kay Sunshine dahil pag-aari ito ng lolo niya.

Continuation...

***

MAYBEL ABUTAR

When Sunshine faded its shineDonde viven las historias. Descúbrelo ahora