Chapter 8

207 15 1
                                    

Pagsapit ng gabi, naganap ang birthday party para sa senior. Mula sa veranda ng second floor, nakatingin lang si Rayder sa mga dumarating na bisita sa mansiyon habang umiinom ng wine. Sinasalubong iyon ng kaniyang mommy at tito Rico. Sa ngayon wala pa sa bulwagan ang lolo niya. Simula nang paalisin siya nito sa guest room kanina, hindi niya pa ito nakikita. Hindi niya rin alam kung may dumating na doktor upang suriin ang kalagayan ni Sonson. Ang alam niya lang ay binabantayan ng mga tauhan ng senior ang guest room at walang sinuman ang maaaring pumasok doon maliban sa lolo niya at kay Sunshine.

"Sir, maaga pa para magsimula kang uminom. Baka malasing ka agad niyan at hindi mo matapos ang kasiyahan mamaya," saad ni Amsterdam na dumalo rin sa pagtitipon.

Inikot ni Rayder ang wine sa loob ng baso bago uminom. Inubos niya ang laman niyon bago muling nagsalin.

"Nagtataka ako sa nangyari kanina sa kapatid ni Lady Sun. May nagtangka sa buhay nito sa loob ng mansiyon. Sino ang maaaring gumawa niyon? Pamilya ko lang ang narito o baka naman may ibang tao na pumasok sa mansiyon at gustong manggulo? Ano sa palagay mo, Amsterdam?"

Humalukipkip si Amsterdam at tumingin din sa bulwagan. "Sa palagay ko, sir, hindi mo na iyon dapat isipin. Pumunta tayo sa Pilipinas para sa dalawang dahilan; ang dumalo sa kaarawan ng lolo mo at ang pagtatayo ng Simari line branch sa bansa. Pero sa nakikita ko, nakukuha ni Lady Sun ang oras at panahon mo na para sa trabaho."

Muling uminom ng wine si Rayder at binalewala ang sinabi nito. "Kilala mo ba si Lady Sun?" Baling niyang tanong kay Amsterdam.

"Yes, sir. Nagkita at nagkakilala na kami noon nang dumalo ang pamilya ko sa kaarawan ng daddy niya."

Tumango-tango na lang si Rayder at muling tumingin sa mga dumaraming bisita. Halos mapuno ang bulwagan sa bilang ng mga ito. Halatang pinaghandaan ng mga ito ang pagtitipon dahil sa magarbo at mamahaling kasuotan.

"Anong koneksyon ng pamilya mo sa pamilya niya?" muli niyang tanong.

"Magkaibigan ang mga magulang namin dahil sa trabaho, pero simula nang mamatay ang mga magulang niya, nawalan na kami ng komunikasyon sa kanila."

Bumaling uli si Rayder kay Amsterdam. "Patay na ang mga magulang ni Lady Sun?"

"Yes, sir. Hindi malinaw kung paano, pero namatay sila ilang buwan matapos ang graduation ni Lady Sun sa senior high school."

Huminga nang malalim si Rayder at muling ibinalik ang tingin sa bulwagan. Nakakalungkot ang sinapit ng mga magulang ni Sunshine. Kaya siguro malaki ang pinagbago nito ngayon ay dahil sa pangyayaring iyon.

Uminom uli ng wine si Rayder habang nakatuon ang tingin sa iisang direksyon. Naagaw ng isang babae ang atensyon niya. Nakasuot ito ng pulang evening gown na hanggang pulsuhan ang haba ng manggas. Balot na balot ito sa suot na damit, pero nakikita niya ang maputi nitong batok at balikat sa nakataas na buhok. Nakatalikod ito sa kaniya at abala sa kausap.

"Do you know that girl in red?" tanong niya kay Amsterdam pagbaba sa iniinom.

Mabilis naman nitong nakita ang tinutukoy niyang babae dahil ito lang ang may pulang damit sa mga bisita.

"Hindi ko siya makikila sa ganitong anggulo, sir. Gusto mo bang lapitan ko siya upang itanong ang pangalan niya?"

"Hindi na. Ako na lang ang lalapit sa kaniya."

Ipinatong niya sa katabing mesa ang hawak na wine glass at bumaba patungo sa bulwagan. Nakaagaw naman siya ng atensyon kaya hindi niya naiwasan ang mga nagpapa-picture sa kaniya. Pinapaunlakan niya ang mga ito dahil hindi niya rin mapipigilan ang paghanga ng mga ito sa kaniya. Isa pa, ayaw niyang ipahiya ang sarili sa mga fans niya.

When Sunshine faded its shineWhere stories live. Discover now