Dawson's POV

9 0 0
                                    

Kasalanan ko ang lahat. Walang ibang dapat sisihin kundi ako. Dapat lang na managot ako sa mga naging kasalanan ko sa buhay. Dapat lang na maglaho na rin ako at mawala o mamatay. Hindi dapat ako nabubuhay pa. Hindi dapat ako nandito sa mundo dahil kasalanan ko ang lahat. Dahil ang lahat ng ginawa ko ay mali at kailanman hindi magiging tama.




Malupit ang buhay sa akin. Hindi ito kailanman nagparamdam ng pag-asa o awa man lang. Bata pa lang, nakalakhan ko na ang pagmamalupit nito. Musmos pa lamang, namulat na ako sa katotohanang walang mabuti sa mundo, na hindi totoo ang malasakit, na kahibangan lang ang konsepto ng pagmamahal.



Ang kwento, namatay raw ang nanay ko dahil sa panganganak sa akin at ang tatay ko, iniwan na lang ako sa isang parke ng syudad. Ang unang pamilya na kumupkop sa akin ay hindi naging mabuti. Puro pagpapahirap, pang-aalipusta, at pang-aapi lamang ang pinakita sa akin. Nang hindi na nakatiis, lumayas ako at nagpalaboy-laboy sa kalye. Sa edad na nuwebe, isa na akong batang kalye. Doon na nga ako lumaki. Doon na rin ako ako nanirahan at natutong mabuhay.



Ngunit, sa totoo lang... nangarap din ako. Nangarap ng maganda at masaganang buhay katulad nung mga batang may ngiti sa labi habang hawak-hawak ang mga kamay ng mga magulang. O kahit man lang katulad nung mga batang kagaya ko na nasa kalye na mayroong mga kaibigan na maaasahan.


Sa loob ng ilang taon kasi, mag-isa ako. Natutong mabuhay pero hindi natutong makisalamuha sa iba. Wala ring nangtangkang kaibiganin ako kaya hindi na sa akin bago ang pakiramdam na mag-isa sa mundong ito.



Kaya malaki ang pasasalamat ko nang dumating ang unang kaibigan sa buhay ko. Si Fred.



"Alam mo bata, magugustuhan mo rito sa amin. Mahirap pero kung magpupursigi ka at susunod sa mga utos ko, laging may pagkain sa lamesa natin. At may mga makakasama ka ring bata na katulad mo!"


Bilang isang batang uhaw sa pagkalinga at pagmamahal ng isang tao, kaagad akong naniwala sa mga sinabi niya. Kaagad akong nagtiwala sa kanya.



"Talaga po?" sambit ko.




"Oo naman! Pwede mo rin silang maging kaibigan!" ani Fred na nagbigay sa akin ng tunay na saya.




Nakilala ko si Steve at Leah, kasama ang ilan pang batang kalye. Noong una, naniwala akong mabuti at hindi mali ang mga pinapagawa sa amin ni Fred. Noong una, akala ko tama na magnakaw. Pero sa paglaki, nagsimula akong kwestiyunin ang mga ito. Para bang may parte sa akin na nagsasabing mali ang mga iyon. Na para bang may kung ano sa akin na nagpapaalala na nangarap din ako minsan... na may pangarap din ako at paniguradong hindi ito iyon.



"May bumabagabag ba sa'yo, Dawson?" si Steve.



Nasa isang parke kami ng syudad, nakaupo sa isang silya roon habang inaabangan ang target namin sa araw na iyon.


Mataman akong umiling sa kanya. "Wala. Wala ito, Steve. Huwag mo akong pansinin. Mag-focus ka sa target natin."


Sa mga ganitong gawain, kami ni Steve ang palaging magkasama. Hindi kasi basta-basta ang mga nabibiktima namin. Halos mayayaman at may pangalan na kilala sa probinsya ang ilan sa mga ninanakawan namin. Ang bilin kasi ni Fred, panigurado raw na may laman ang dala nilang mga bag.



"Kanina ka pa kasi parang natutulala. Baka dapat ikaw ang mag focus."



Matalim ko siyang tiningnan. Maliit na tawa ang pinakawalan niya bago binalik ang atensyon sa target namin na nasa loob ng isang restaurant, di kalayuan sa parkeng kinaroroonan namin. Nang mamataan namin ang paglabas ng target, tsaka kami tumayo ni Steve at gumawi sa sasakyan nito na nakaparada. Ginawa namin ang palagi naming ginagawa. Ang pagkukunwaring nagtatanong ng kung ano-ano hanggang sa mawala na sa presensya ang isipan nito. Kung hindi naman tatalab, idadaan namin iyon sa paspasan. Hahablutin ang kanyang bag at kakaripas ng takbo.




Slowing Down from the Carousel's RideWhere stories live. Discover now