Chapter 2

29.6K 738 38
                                    

     

                                                                                *****

Gabi. Lungsod ng Laguerto na matatagpuan sa bansang Netherlands. Isang uri ng siyudad na tila hindi natutulog ang mga tao. Talamak ang krimen, prostitusyon at droga. Dikit-dikit ang mga naglalakihang mga sayawan, inuman at cabaret. Nagtataasan ang mga gusali. Kaliwa't kanan ang mga maliliwanag na billboards. Di mahulugang karayom sa dami ng mga taong naglalakad, nagkakasayahan at nakatambay sa gilid ng mga kalsada. Halo-halo ang mga ingay na nagmumula sa mga busina ng mga sasakyan, tugtog ng mga sayawan at walang humpay na kuwentuhan at tawanan ng mga tao.

Subalit, sa loob ng maingay, abala at maliwanag na lungsod na ito ay may isang payak at maliit na lumang bahay na matatagpuan sa isa sa iilan-ilan na lamang na natitirang tahimik na mga kalye dito. Mayroon itong madamong bakuran at daanang gawa sa pinagdikit-dikit na malalaking mga bato. Napapalibutan ito ng nabubulok at sira-sirang bakod na gawa sa kahoy. Walang anumang nakatanim sa harapan maliban sa isang malapad at malagong punongkahoy na matatagpuan sa tabi ng gilid na harapang bakod.

Malamig ang simoy ng hangin. At ang liwanag na nagmumula sa bilog na buwan ay pilit na nakikipagtuos sa liwanag na nagmumula sa iba't ibang ilaw ng lungsod. Isa-isang naglalaglagan ang mga dahon mula sa punongkahoy sa tuwing nahihipan ito ng malakas na hangin. Habang kumukurap-kurap naman ang ilaw sa isang poste sa tabi ng tahimik na kalsada.

Sa gitna ng kalmadong kapaligirang ito, may mga animo'y estrangherong isa-isang nagsulputan sa harap ng tarangkahan ng lumang bahay. Itim ang mga kasuotan at karamihan ay naka sumbrero. Bawat isa ay nakayukong binaybay ang bakuran at palihim munang tumitingin sa paligid bago buksan ang lumalangitngit na lumang pinto ng bahay.

Pagpasok nila sa loob ay walang anumang makikita dito maliban sa isang makipot at madilim na pasilyong karugtong ng pintuan. Tinahak nila ito at sa dulo ay naghihintay ang isang itim na kurtina. Hinawi nila ang kurtina at tumambad sa kanila ang isang malaking bulwagan. Nakabaldosa ng itim at puti ang sahig. May apat na naglalakihang mga bilog na haligi sa gilid. May isang higanteng aranyang nakasabit  sa gitna ng kisame na siyang bukod tanging nagbibigay liwanag sa malawak na lugar. 

Walang anumang prominenteng kagamitang makikita dito maliban sa isang malaking puting marmol at habilog na mesa na may labindalawang mga silyang gawa sa barnisadong kahoy. Magkakatulad ang mga silya, maliban sa isang nakatalikod na nakapuwesto sa gitnang dulo. Ito ang pinakamalaki, pinakamataas at pinakamaganda. At nang maukupa na ang ang lahat ng upuan maliban sa isa ay humarap ang nakatalikod na silya.

Nakaupo sa nasabing silya ang isang matandang lalaki. Purong puti at mahaba ang nakataling buhok. Maputla ang balat at lutang na lutang sa hitsura ang naghahalong kulay dilaw at kayumangging bilog ng mga mata. Sa lahat ng naroroon, ito lamang ang bukod tanging nakadamit ng kulay puting amerikanang kasuotan. Tiningnan nito isa-isa ang mga taong nakaupo sa mesa at itinigil ang mga paningin sa isang bakanteng silya.

  

"Nasaan si Polonius?"

Shadow LadyWhere stories live. Discover now