Chapter 13

13.4K 542 71
                                    

                                      ****

"Amerie gumising ka!"

Itinaas ni Amerie ang kanang kamay. Nililipad ng hangin ang kanyang buhok at ang kulay asul na mga mata ay unti-unting naging kulay lila. Ginaya niya ang muwestra ng kamay ng mamang nakita sa isipan ng direktor. Tila sinasanibang iniangat niya ang kamay kasabay ng pag-angat at paglutang ni Bradley.

"Amerie anong ginagawa mo?" nanlalaki ang mga matang sabi ni Bradley.

Itinapon ni Amerie ang kamay at tumilapon din si Bradley. Humampas ang katawan ng lalaki sa dingding bago ito bumagsak ng malakas sa sahig.

"AHHHHH!" pasigaw na daing ni Bradley na noo'y pakiramdam ay nabalian ng buto sa tindi ng pagkakahampas ng katawan.

Natauhan si Amerie. Namutla siya habang pinagmamasdan ang nakahandusay na binata. Napapangiwi ito sa sakit habang nakatingin sa kanya. Nanlaki din ang mga mata niya nang makita ang mga kalat sa paligid na siya rin ang may gawa. Tumayo ang nasaktang direktor at humakbang papalapit sa kanya.

"Huwag kang lalapit! Huwag kang lalapit! Baka may magawa na naman akong masama!" takot na sabi niya.

"A-Amerie huminahon ka," malumanay na sabi ni Bradley na tila nagpapaamo ng isang nagwawalang alagang aso.

"Layuan mo ako! Ngayon alam mo na ang dahilan kung bakit kailangan ko nang umalis!" naluluhang sabi ng babae. "Hindi ako normal! Isa akong halimaw! Hindi ko na kayang kontrolin ang sarili ko! Masasaktan ulit kita!"

Tuloy pa rin sa paglapit ang lalaki. Napasapo sa kanyang mukha si Amerie at mahinang umiyak.

"Matagal ko ng alam na hindi ka normal... pero hindi ka isang halimaw Amerie."

Napaangat ng mukha dalaga. "A-Anong ibig mong sabihin?"

"Alam kong may mga nagagawa kang hindi kayang gawin ng isang ordinaryong taong tulad ko. Kaya ayaw kitang umalis dahil kailangan kita. Kailangan ko ang tulong mo Amerie."

Puno nang pagtatakang tumitig si Amerie sa kausap.

"Kaya mong basahin ang isipan ko hindi ba? Nagagawa mong makipag-usap sa pamamagitan ng isip. Ilang beses mo nang nagawa sa akin yan ngunit nagkunwari lamang akong walang alam... dahil hinihintay ko na ikaw ang kusang magsabi at magpakilala sa akin kung ano ka..."

"Sir Bradley-"

Natigil ang pag-uusap ng dalawa nang biglang sumulpot sina Phoebe at Manang Cely. Nanlaki ang mga mata ng mga ito nang makita ang kalat sa paligid.

"Anong nangyari dito?" Kabadong wika ng mayordoma.

"Nakarinig ako ng mga nabasag at parang lumindol, " salita ni Phoebe.

Umayos ng tayo si Bradley at kahit nanakit pa ang katawan ay pilit itong gumalaw ng normal. Tumalikod naman agad si Amerie sa pag-aalalang baka may makita ang dalawa na kakaiba sa hitsura niya.

Shadow LadyWhere stories live. Discover now