Chapter 27

4.5K 282 31
                                    




Magdamag na pinag-isipan ni Amerie ang tungkol sa mga sinabi ni Krishna. Tama ang kaibigan na maaring iyun na lamang ang huling pagkakataon na makita niya si Bradley. Bandang huli ay napagdesisyunan niyang makipagkita sa direktor bago ma pan mahuli ang lahat at makauwi ito sa Amerika. Mayroon siyang dalawang dahilan. Una ay ang makita sa huling pagkakataon ang taong minamahal niya. Pangalawa ay ang makapagpaalam ng personal upang mapasalamatan din sa lahat ng mga naitulong nito sa kanya. Pag nagawa niya ang dalawang ito marahil ay mas higit na mapapanatag ang kalooban niya sa pagtulong sa mga Gadians at paninirahan sa Celentru.

Kinaumagahan ay una niyang hinanap si Hector. Ikukunsulta niya muna dito ang plano. Si Hector pa rin ang pinagkakatiwalaan niya sa lahat ng mga malalapit sa kanya. Kahit pa madalas silang mag-inisan, ito pa rin ang itinuturing niyang kasangga sa lahat ng bagay.

Natanaw niya ang binata na nag-aalmusal na kasama si Krishna. Nagtungo siya sa malawak na kainan. Tahimik na naupo sa bakanteng upuan sa harap ng dalawang kaibigan.

"Magandang umaga! Mukhang napasarap ka ng tulog ah," masiglang bati ni Krishna sa kanya.

Ngumiti siya. Di niya lang masabi-sabing napuyat siya sa kaiisip kay Bradley. Lumingon siya kay Hector at ngumiti. " Hector pwede-"

Biglang binitawan ng lalaki ang mga kubyertos at tumayo ito. Ni hindi tumugon ng ngiti o kahit sulyap man lamang sa kanya.

"Saan ka pupunta? Tapos ka na bang kumain?" tingala ni Krishna.

"Naalala ko may maaga nga pala akong turo," seryosong bigkas ng lalaki sabay alis. Nilisan ang hapag-kainan na para bagang walang Amerie na dumating.

Napanganga si Amerie. Si Krishna naman ay lukot ang noong hinabol ng tingin ang binata.

"A-Anong problema nun?" sambit ni Amerie.

Kumibit ng mga balikat si Krishna. "Ewan ko. Mukhang may sumpong. Baka may mahirap na namang misyon na binigay ang mga Pillis."

Bumuntong-hininga si Amerie. May itinatagong sumpong din pala si Hector. Hintayin niya na lang na gumanda ang timpla nito bago kausapin tungkol sa balak niyang pakikipagkita kay Bradley.

Inabangan niya na mabakante si Hector sa pagtuturo. Subalit sa bawat tangka niyang paglapit dito ay agad nitong tinatapos ang pagpapahinga at seryoso uling nagtuturo. Sa buong sandaling sinubukan niya itong kusapin ay hindi niya pa nakitang ngumiti o tumingin ng diretso sa kanya ang lalaki. Hanggang sa unti-unti na siyang nagdududa na baka galit ito sa kanya.

Dahil sa kakaibang ugaling ipinapakita sa kanya ni Hector, naapektuhan ang konsentrasyon niya sa pagsasanay. Nag-ensayo sila ng pabilisang umakyat sa lubid. Nang marating niya ang pinakamataas ay nawalan siya ng balanse. Nabitawan niya ang lubid at nahulog siya. Mabuti na lang at tinulungan siya ni Rosendal. Sinalo siya ng sanga ng pinakamalapit na puno.

"Salamat Rosendal ha." Laking pasasalamat niya rin talaga na isinalba siya ng bata dahil kung hindi ay baka napilitan na naman siyang gamitin ang sariling kapangyarihan.

"Ate Amerie. Kanina ka pa wala sa sarili! Kelan lang gumagaling ka na pero ngayon lagi ka na namang kulelat!" nakahalukipkip na sermon sa kanya ni Rosendal.

"Wala lang siguro sa kondisyon ang katawan ko ngayon," inat niya sa kanyang leeg at kamay.

"Ay sa lagay na yan kinokondisyon pa pala yang katawan niyo. Hiyang-hiya naman kami sayo!"

Tatawa-tawang piningot ni Amerie ang bata. "Ikaw talaga lagi ka na lang masungit sa akin. Sige ka tatanda ka agad."

"Hay naku kapag lagi kang lalampa-lampa Ate Amerie, tatanda talaga ako sayo!"

Shadow LadyWhere stories live. Discover now