Chapter 18

10.5K 419 78
                                    




"Sigurado ka bang handa ka nang umalis?" Tanong ng abalang si Hector na noon ay naglalagay ng mga gamit sa military bag.

"Oo," matigas na sagot ni Amerie habang nakaupo sa mesa at diretso lamang ang mga tingin sa labas ng bintana. Kusa niyang pinuntahan sa bahay si Hector upang ayain itong lisanin na ang Amerika sa lalong madaling panahon. Bitbit niya na ang isang backpack. Suot ang itim na T-shirt, jacket, pantalon at bota. Handa na siya sa malayuang paglalakbay.

"Alam na ba ni Bradley na aalis ka?"

Di siya nakaimik. Dagling may humiwa sa dibdib niya. Umalis siya habang wala ang direktor sa bahay, sinamantala ang pagkakataong nasa labas ito kasama si Pheobe. Di niya kayang magpaalam ng personal kung kaya't nag-iwan na lamang siya ng sulat ng pamamaalam at pasasalamat. Wala siyang ibang mapagpipilian kundi ang lisanin ang poder ni Bradley. Hindi niya ito matutulungan laban sa taong nais mapaghigantihan kung mananatili siyang nasa tabi nito. Paano niya malalabanan ang isang makapangyarihang nilalang kung hindi gagana ang kanyang mga abilidad? Muli na lamang siyang magpapakita kapag natupad niya na ang ipinangakong tulong dito.

Nagulat siya nang biglang may ibinato mula sa likuran si Hector. Napalingon agad siya at sa pagkagulat ay bigla niyang napahinto sa ere ang bagay na iyun. Isa itong botelyang aluminum.

"Tubig mo. Tiyak na mauuhaw ka sa daan," ani Hector. Napangisi't napailing ito sa pinapamalas niyang tensiyon.

"S-Salamat," napapahiyang tugon niya saka dahan-dahang pinadapo sa kamay ang sisidlan ng tubig. Agad niyang iniwas ang mga mata sa kasama.

Di siya makatingin nang diretso sa lalaki dahil sa lihim na intensiyon ng kanyang pagsama. Nakikita niya sa mga mata nito ang malalim na paniniwalang matutulungan niya ang lahi nito. Subalit wala siyang balak tumulong. Hanggang sa mga sandaling iyon ay naninindigan pa rin siyang lahat ng gagawin niya ay para sa sarili lamang. Ang paghahanap sa lider ng Refurmos ay para mabayaran ang utang na loob niya kay Bradley. Ang pagtuklas sa mundo nina Hector ay para maibsan ang pagkauhaw ng kanyang kuryosidad. Nagbabakasakali rin siyang baka nga makatulong ang lihim na kumonidad ng mga di-pangkaraniwang nilalang para matuklasan niya ang tunay niyang pinagmulan. Hindi siya makikipagtuos kay Heigro hangga't maiiwasan. Wala rin siyang tiwala sa sarili na kaya niyang banggain ang isang lider ng malakas at makapangyarihang grupo. Ang unang layunin niya ay ang matuklasan ang kuwento sa likod ng pagpatay sa ina ni Bradley.

Napapalunok na nilagay niya ang tubig sa gilid na bulsa ng backpack. " H-Hector... ano ba ang pinakamalakas na kapangyarihang taglay ni Heigro?" Nagtatanong pa lang siya ngunit tila pinamamahayan na siya ng kaba.

Tumigil ang binata sa pag-aayos ng gamit. "Bakit kailangan mo pang itanong?" sabay turo nito sa ulo. "Basahin mo na lang dito oh? Di mo ba nakikitang abala ako?" supladong  wika nito.

Matamlay ang ngiting umiling siya. "Mas mabuti na yung may pinag-uusapan tayo para hindi tayo mainip sa paglalakbay."

Kumibit ng mga balikat si Hector. "Ang pinakanakakatakot na kakayahan niya ay ang abilidad na magnakaw ng kapangyarihan ng iba. Sa dinami-dami na ng mgaGadians na nabiktima niya, nakakatakot nang sukatin ang kapangyarihan niya."

Biglang napalunok si Amerie. Kinuha niya ang itinabing tubig sa bag at uminom. Nagulat siya nang biglang nasa tabi niya na pala si Hector. Nakatuon ang siko sa mesa habang ngingisi-ngising tinititigan siya sa mga mata.

"Natatakot ka ba?" tila nang-aasar na tanong nito.

Umiwas siya ng tingin at ngumiti nang pilit. "Masama bang matakot sa isang katulad niya? Ipinagtataka ko lang kung bakit iginigiit mong sumama ako saiyo. Naniniwala ka ba talagang may maitutulong ako sa inyo?"

Shadow LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon