Chapter 20

7.7K 345 27
                                    




Naikot na ni Bradley ang buong Beverly Hills pero ni anino ni Amerie ay di niya natagpuan. Ginalugad ang lugar na madalas nitong puntahan. Ang mga parke, supermarket at ang bahay ni Hector. Nang malamang bakante na rin ang bahay ni Hector, mas lalong umigting ang takot sa kanyang dibdib.

Bumalik siya sa kanyang mansiyon upang hanapin ang iniwang sulat ng dalaga na mabilisan niya lang binasa sa pagtanggi sa sariling may katotohanan ang laman niyon. Sa ikalawang pagkakataon ay muli niya itong binasa, mas mabagal baka sakaling nabanggit kung saan ito pumunta. Tiniis ang kirot na hatid ng bawat lamang salita. Nang masigurong walang nabanggit na anumang lugar na pupuntahan, nanginginig ang mga kamay na ginusot niya ang sulat. Galit na itinapon ito sa sahig. Nangingilid ang mga luha habang di malaman kung saan papaling ng tingin. Naninikip ang kanyang dibdib sa tindi ng nararamdamang kabiguan, galit at lungkot.

"Bradley hindi mo kailangang magdamdam ng ganyan sa pag-alis ni Amerie," wika ni Phoebe na imbes na may lakad ay nanatili na lamang sa tabi ng nobyo.

"Hindi umalis si Amerie! Nangako siyang hindi ako iiwan! Hindi siya aalis ng ganun-ganun na lamang!"madiing pagtanggi pa rin sa sarili ni Bradley.

"Respetuhin mo ang desisyon niya. Malaki na siya at may sarili din siyang buhay na dapat panghawakan. Wala kang karapatang angkinin ang isang taong hindi mo pagmamay-air," malumanay na kumbinsi ni Phoebe sa kabila ng nasasaktang damdamin dahil sa nasasaksihang reaksiyon ng direktor.

"Nangako siya sa akin! At higit sa lahat ang bahay lang na ito ang kaisa-isang lugar kung saan ligtas siya!"

"Mukhang kasama niya naman si Hector. Sa tingin ko ay nagmamahalan ang dalawang yun kung kaya't di mo dapat ipag-alala ang kaligtasan niya."

Nagpanting ang mga tenga ni Bradley sa narinig. Dinampot niya ang plorera sa mesa at ibinato ito sa sahig.

"Hindi siya pwedeng mapunta kay Hector!"

Napagitla si Pheobe kasabay ng pagkakapira-piraso ng plorera sa sahig. "B-Bakit hindi pwede?" takot na tanong niya.

"Sapagkat hindi totoong may nararamdaman sa kanya ang lalaking yun! Hindi niya ako pwedeng iwan nang dahil lamang sa mayabang na stuntman na yun!"

"Bakit hindi pwede?" kabado ngunit diretso pa ring tanong ng dalaga.

Humarap si Bradley sa girlfriend. Buong tapang na tinitigan ito sa mga mata. Walang naramdamang anumang pag-aalinlangan sa isasagot. "Dahil kailangan ko siya... Kailangan ko siya sa sining ko. Ipinaliwanag ko na dati na simula nang dumating siya ay mas lalong akong ginanahang magtrabaho. P-Pero ngayong bigla na lamang siyang umalis, anong gagawin ko kung layasan na ako lahat ng mga magagandang ideya?"

Ngumiti nang matamlay si Pheobe habang unti-unting pinangingilidan ng luha. "Bakit kailangan mong maramdaman yan sa ibang babae? Bakit kailangan mong magwala nang dahil lang sa pag-alis ng isang gaya ni Amerie? Kulang pa ba na nasa tabi mo lang ako?"

"Hindi mo ako naiintindihan dahil hindi ka isang alagad ng sining."

"Para sa sining nga ba o may iba ka pang tinatagong dahilan?"

Hindi nakaimik si Bradley.

"Bakit kailangan si Amerie? Hindi ba pwedeng ako ang maging inspirasyon mo dahil yun ang dapat di ba?"

Ngumisi ang direktor habang tinitingnan ang batid niyang may husga nang kasintahan. "Wala kang alam Pheobe..." pabulong na wika niya. "Kahit kailan ay hindi mo magagawa ang mga bagay na magagawa ni Amerie. Hindi mo maibibigay ang mga bagay na tanging si Amerie lamang ang makakapagbigay sa akin."

Sinampal ni Pheobe ang lalaki. "Paano mo nakakayanang magbitaw ng ganyang mga salita sa harap ko pagkatapos ng lahat-lahat ng pagmamahal na ibinigay ko sayo? Kung siya naman pala ang kailangan mo, dapat sa umpisa pa lang siya na ang minahal mo! Manggagamit ka! Nawala lang siya pati ako ay itinataboy mo na rin, pwes magdiwang ka dahil simula ngayon hinding-hindi na ako magpapakita sayo! Ubusin mo lahat ng oras mo sa paghahanap sa kanya!"

Shadow LadyOù les histoires vivent. Découvrez maintenant