Chapter 6

14.9K 570 42
                                    

                                                                   

                                                                           *****

Mabilis na tumatakbo ang isang lalaki sa isang madilim na eskinita. Panaka-nakang napapalingon siya sa kanyang likuran upang tingnan kung malapit na siyang maabutan ng mga kalaban. Wala siyang makitang naghahabol subalit malakas ang kutob niyang nasa paligid lamang ang mga ito.

Narinig niya ang mga pagkaluskuskos sa mga bubong ng magkakadikit na bahay sa gilid ng eskinita. Naaninag niya ang mga tila lumilipad na mga anino. Binilisan niya pa lalo ang pagtakbo subalit habang napapalingon sa likuran ay hindi niya namalayang nagsipaglundagan na pala sa kanyang harapan ang mga kalaban. May dalawang lalaki at isang babaeng nakaharang sa kanyang daraanan. Naisipan niyang umatras subalit nang tumalikod siya ay may tatlo ring mga nakaitim na kalalakihan na papalapit sa kanya. Wala na siyang matatakbuhan. Tumingala siya. Iisa na lamang ang naisip niyang paraan. Tumalon siya ng mataas patungo sa bubungan subalit tumalon din ang nag-iisang babaeng kalaban. Hinawakan nito ang isang paa niya at hinila siya pababa. Pagbagsak niya sa lupa ay bigla siya nitong sinipa. Tumilapon siya sa isang pader. Tumayo siya at nagpagpag ng damit. Sa dami ng mga kalaban, alam niyang imposible siyang manalo pero kailangan niyang lumaban.

Lumapit sa kanya ang anim na nilalang ngunit bago pa man siya mahawakan ng mga ito ay dinampot niya ng isang kamay ang isang napakalaking bato at hinagis sa mga ito. Tinamaan ang apat subalit sinalo din lamang ng babae ang bato gamit din ang isang kamay. Itinapon nito ang bato pabalik sa kanya at tumalon ng mataas. Nakailag siya at tumalon din ng mataas. Pagdating sa ere ay inunahan niya ito ng sipa subalit nakailag ang kalaban at nasalo nito ang paa niya. Pinilipit nito ang kanyang paa at inihagis siya pababa. Pagbagsak niya sa lupa ay pinagtulung-tulungan na siya ng lima pang mga kalaban. Hindi niya kaya ang lakas ng mga ito.

Duguan ang mukhang napahandusay sa lupa ang lalaking Gadian. Napapalibutan na ito ng mga nakangising Reformus.

"Anong kailangan niyo sa akin?"

"Nasaan si Hector Le Marcuz?" 

"H-Hindi ko alam."

Nagalit ang babae at muli nitong sinipa sa mukha ang nakahandusay na Gadian. "Sinungaling!"

"H-Hindi ako nagsisinungaling! I-Ilang araw na akong walang naririnig tungkol sa kanya."

Ibinuka ng babae ang kanang palad. May kulay asul at puting liwanag na lumabas dito. Bumuo ito ng isang hugis bola. Unti-unti namang tumalim ang mga mata ng lalaking Gadian. Nagsimulang uminit ang paligid at nagkulay apoy ang katawan nito. Ngunit bago pa man maihagis ng babae ang bolang enerhiya, biglang may nangibabaw na tunog ng tila gawa sa kahoy na swelas ng sapatos. Natigilan ang lahat. Namatay ang liwanag sa palad ng babae. Bumalik sa normal ang tila nag-aapoy na katawan ng Gadian.

Shadow LadyWhere stories live. Discover now