Chapter 10

11.5K 485 27
                                    

                         ****

Naghuhugas ng pinggan si Amerie. Ingat na ingat siya sa bawat kilos dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa kanyang sarili. Di niya pa rin masabi kung nagkakaroon ba siya ng mga bagong kakayahan o unti-unti lamang lumalakas ang dati.

Tiniyak niya munang wala siyang makakasabay bago lumabas ng kuwarto at magsimula sa mga gawaing bahay. Pagkatapos ng nangyaring matinding pananakit ng ulo, madalas siyang nakakapagpagalaw ng mga bagay nang hindi sinasadya. Kailangan huwag siyang mabuko dahil kung hindi baka mapaalis siya sa bahay ng direktor ng wala sa oras.

Aabutin niya sana ang isang hinuhugasang baso ngunit bago pa man ito mahawakan ay kusa na itong lumapit sa kamay niya. Bigla siyang natigilan at nagpalinga-linga sa paligid. Kinakabahan na baka may nakakita sa nangyari. Napabuntong-hininga siya at saka itinuloy ang ginagawa nang matiyak na walang mga matang nakatingin sa kanya. Kailangan niya uling pag-aralang kontrolin ang lumalakas na kakayahan kung gusto niyang manatili sa bahay na iyun.

"Eto na nga siguro ang bahay ni Bradley."

Napalingon siya sa likuran nang may marinig na boses ng isang babae. Wala ni isa mang naroroon. Tumahip ang kanyang dibdib hanggang sa unti-unting may umusbong na premonisyon. Binitawan niya ang hawak na baso at pumikit. Nararamdaman niya ang mga paang humahakbang papalapit sa pinto ng bahay.

"Ah eto na nga yun... Hindi kaya nakakahiya na ako pa talaga ang pumunta dito? Sana hindi siya busy."

Nagmulat si Amerie at bigla siyang kinabahan. Isa ito sa mga pagbabago. Ngayon lang nangyari na nakakarinig siya ng isip ng iba kahit may kalayuan pa ito at hindi niya nakikita. Binanlawan niya ang may bulang mga kamay at nagtungo sa pintuan.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at doon ay nakita niya ang mukha ng isang magandang babae. Ngumiti ito pagkakita sa kanya.

"Magandang araw. Nandiyan ba si Bradley?"

Tumango siya habang unti-unting nakikilala ang kaharap. Ito ang babaeng nakita niyang kaniig ng direktor. Mahaba, maalon at medyo namumula-mulang ang buhok. Kulay kape ang bilog ng mga mata, manipis ngunit maganda ang hugis ng kilay, mahahaba ang mga pilikmata, matangos ang ilong, magaganda ang ngipin, maganda't mapang-akit ang hugis ng mga labi lalong-lalo na ang maliit na biloy nito sa kanang pisngi. Hindi ito kaputian ngunit maganda ang pagiging kulay kayumanggi nito. Makinis at bahagyang nangingintab ang balat.

"Pasok ho kayo. Tatawagin ko lang si Sir Bradley sa kuwarto niya."

Inalalayan niya ang bisita papuntang sala habang napapatingala ito sa buong kabahayan. Pinagmasdan niya ang namamanghang hitsura nito. Sa tantiya niya'y kasing edad lamang ito ng direktor.

'Ang ganda ng bahay kaya lang parang malungkot. Kung sakaling magkatuluyan kami ni Bradley, sisiguraduhin kong aalagaan at gagawin kong masaya ang bahay na ito. Pupunuin ko  ito ng masasayang halakhak ng mga magiging anak namin .'

Lihim na napangiti si Amerie sa mga naiisip ng babae. Nagseryoso lamang siya nang mapalingon sa kanya ang bisita. Nahuli siya nitong ngingiti-ngiti. Maamong tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa.

Shadow LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon