Chapter 9

14K 539 48
                                    

                                                                        *****

Maganda ang gising ni Amerie. Maaga pa lang ay ganado na siyang umpisahan ang mga gawaing bahay. Sinimulan niya ang umaga sa pag-aasikaso ng mga halaman sa magandang hardin ng bahay. Inaliw niya ang sarili sa pagdidilig ng mga bulaklak. Kung gaano kaaliwalas ang mga ngiti niya ay ganun din kapayapa ang bughaw na langit. At lalong sumigla ang kanyang pakiramdam nang mahagip siya ng malagitnong sinag ng kakasikat pa lamang na araw.

Lumapit siya sa isang kumpol ng mga bulalak at hinawakan ang may pinaghalong kulay puti at lilang rosas na noon ay may mga malakristal na namumuong hamog sa mga talulot nito. Nakapikit na nilanghap niya ang mabangong amoy ng bulaklak.

"Ang ganda mo na. Sinadya mo bang bumuka ngayon para lalong gumanda ang araw ko?"

Nakangiting tiningnan niya ang kumpol-kumpol na mga bulaklak at ang mga nagliliparang mga paru-paru. Parang mga tao niya itong kinausap.

"Salamat at itinaon niyong mamulaklak ng sabay-sabay sa araw na to. Buti nandiyan kayo lagi para libangin ako. Kung hindi dahil sa inyo, baka napapanisan na ako ng laway sa bahay na ito. Alam niyo bang kayo lang ang nakakausap ko nang maluwag dito? At sa inyo ko rin lang naibubuhos lahat ng mga nakatago sa dibdib ko."

Idinikit ng babae ang kanyang tenga sa isang rosas. " Anong sinasabi mo? Bakit di ko kausapin ang ibang mga katulong sa loob ng bahay o kaya si Sir Bradley?" sabay iling ng dalaga ng ulo. "Hindi ko sila pwedeng kausapin kagaya ng pakikipag-usap ko sa inyo. May mga bagay na pag sinabi ko sa kanila ay maaring iwasan, pagtawanan, at hindi nila ako maintindihan. Hindi katulad niyo na laging tahimik lamang na nakikinig."

Unti-unting namilog ang mga mata ni Amerie. "Teka bakit di niyo ako samahang batiin ang sarili ko!"

Habang masiglang nakikipag-usap ang babae sa mga halaman, lingid sa kaalaman nito na may mga matang tahimik na nanonood sa kanya.

Mula sa bintana ng kanyang kuwarto, mapayapang tinatanaw ni Bradley ang dalaga sa hardin. Sa suot nitong puting bestida, mistula itong diwatang nakikipaglaro sa mga bulaklak at mga paru-paru. Ito ang paboritong tanawin niya tuwing umaga. Inaabangan niya lagi ang pagdidilig nito ng mga halaman at lihim itong pinapanood habang tila bata itong nakikipag-usap sa mga bulaklak. Alam niyang libangan ng babae ang paghahalaman at simula nang dumating ito sa kanyang bahay, hindi lamang ang imahinasyon niya ang nadagdagan ng buhay, pati ang kanyang hardin ay lalong nagkakulay.

Nakita niyang kakaiba ang sigla sa mga kilos nito at hindi rin nakalampas sa kanyang nangungusisang mga mata ang hindi mabura-burang mga ngiti nito sa mukha. Bumaba siya ng kuwarto para lapitan at kausapin ito. Gusto niyang malaman kung ano ang nagpapasaya sa babae sa mga sandaling iyon.

Walang ingay niya itong nilapitan. Patuloy lamang ang dalaga sa pakikipagkuwentuhan nito sa mga halaman. Nakita niyang binali nito ang isang patay na sanga mula sa isang malagong halaman, naupo ito at gumuhit sa lupa ng isang cake na may mga kandila.

Shadow Ladyजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें