Chapter 21

7K 363 22
                                    



Tapos na ang hapunan. Kaunting oras na lang ay tulugan na ang lahat. Wala pa rin si Hector. Nasa labas ng bahay si Amerie. Nakaabang malapit sa malapad na punong nagsisilbing pintuan ng Celentru at matiyagang hinihintay ang pagdating ng binata. Nais niyang may makausap bago matapos ang gabi. Buong hapon siyang naiinggit sa mga Gadians na animong mga magkakapatid ang turing sa isa't isa habang siya ay napapanisan na ng laway sa isang tabi. Gusto niyang matulog na may panatag ang kalooban matapos masiguradong kasama niya na ulit sa lugar ang kaisa-isang kaibigang Gadian.

Isang oras siyang naghintay kahit may kadiliman ang bahaging yun. Hanggang sa naalarma siya nang may maramdamang pagkilos sa paligid. Napalingon siya sa kanyang kanang balikat at nagulat nang makita si Krishna. Datapwat di gaanong naaninag ang hitsura ng babae, batid niyang matapang ang mga tingin nito sa kanya. Walang imik na humakbang ito papalapit sa kanya. Napaatras naman siya sa kaba.

"Anong ginagawa mo dito?" matigas na tanong nito.

"H-Hinihintay si Hector."

"Bakit kailangan mo siyang hintayin?"

"D-Dahil sabi niya darating daw siya ngayong gabi."

Lumapit pa ng ilang hakbang sa kanya ang babaeng Gadian at laking gulat niya nang bigla siya nitong itinulak. Tumilapon siya ng mga dalawang metro. Bumangon siya nang napapahawak sa nasaktang balakang.

"P-Paano nagagawang saktan ng isang Extremus ang isang hamak na Delica pa lamang?" di makapaniwalang sambit niya habang pilit ikinukubli ang takot sa babae.

Kitang-kita niya ang lumiliwanag na pagpalit ng kulay ng mga mata ng kaharap. Aninag na aninag sa gitna ng kadiliman ang pagiging kulay puti nito.

"Dahil hindi ako naniniwalang isa kang Gadian!" sabay sinipa siya nito sa tagilaran sanhi para muli siyang tumilapon. Dama niyang sa kabila ng pananakit ay kontrolado pa rin ng babae ang lakas at pwersang ibinibigay sa kanya.

Nasasaktang bumangon siya. "Hindi kita mapipilit kung yan ang paniniwala mo pero maging anuman ako sa paningin mo, isa lang ang tinitiyak ko sayo. Hindi ako masamang tao."

"Hindi ako naniniwala! Malakas ang kutob ko na isa kang kalaban! Hindi ko alam kung anong ginawa mo para makumbinsi si Hector at ang buong Pillis pero hinding-hindi mo mabibilog ang ulo ko!"

Walang nagawa si Amerie kundi ang gamitin ang isa sa mga kapangyarihan niya. Kailangan niyang basahin ang iniisip ng babae para malaman ang susunod na gagawin nito. Ito lang ang paraan para makaiwas sa pananakit nito.

Nabasa niyang balak siya nitong itulak sa kabilang balikat kung kayat nailayo niya ang naturang parte ng katawan. Sisipain siya sa  kanang hita. Agad niyang iniwas  ang paa bago pa man ito makapagpakawala ng sipa. Susuntukin siya nito sa mukha kaya naman mabilis siyang yumuko sanhi para maiwasan ang suntok nito.

Tumigil si Krishna at napangisi. "Yan ba ang isang hamak na Delica mabilis na nakakailag sa suntok ng isang extremus? Nagpapanggap ka lang pero ang totoo andito ka para pabagsakin ang buong angkan ng mga Gadian!"

Mabilis na nagpakawala ng isang malakas na sipa si Krishna. Naunahan nito ang pagbabasa ng isipan ni Amerie kung kaya't nasapul sa tiyan ang dalaga at tumalsik nang may kalayuan. Napalakas ang sipa ng Gadian. Namilipit sa sakit si Amerie at nang magmulat siya ng mga mata ay nagliliwanag na ring kulay abo ang mga bilog nito. Unti-unti siyang pinangibabawan ng galit hanggang sa tila hindi niya na kayang huwag gantihan ang babae.

Tinitigan niya nang ubod ng talim si Krishna. Handa nang ipatikim dito ang tunay na ibig sabihin ng malakas na tilapon.

"Bakit ba ang bigat-bigat ng dugo mo sa akin ha?! May ginawa ba akong hindi maganda sa inyo? May pinakita ba akong masama simula nang dumating ako dito?!" galit na sumbat niya.

Shadow LadyWhere stories live. Discover now