DISPAREO 2: PROLOGUE
THIRD PERSON'S POV
"Anong nangyari sa anak ko? Sino ang may gawa nito?" Labis ang galit ng mayor habang kausap ang ama ni Raze sa dulong bahagi ng silid kung saan nakaratay ang batang si Pip. Wala itong malay, tadtad ng galos at may bali pa sa kanyang braso.
"Mayor kasalukuyan pa naming iniimbestigahan ang nangyari. Mag-isa lang ang anak niyo nang matagpuan namin siya sa gitna ng gubat. Siya lang ang makakapagbigay ng kasagutan sa lahat ng mga nangyari." Giit ni Chief Razon na labis ring nababagabag at nag-aalala.
"P-papa..."
Tila ba nabunutan ng tinik ang mayor nang maulinigan ang boses ng kanyang bunsong anak kaya naman dali-dali niya itong nilapitan at hinimas ang noo.
"Pip andito na si Papa... kamusta na ang pakiramdam mo?" Nag-aalalang sambit ng Mayor sa kanyang anak na ngayo'y unti-unti nang naididilat ang kanyang mga mata.
"T-tulong..." Nauutal na sambit ng batang hanggang ngayon ay hinang-hina parin at labis ang takot.
"Andito si Papa, Anak 'wag kang matakot." Giit ng mayor at agad na hinawakan ang kamay ng anak.
"Hijo... Hijo asan sina Ate Dana mo?" Agad na tanong ni Chief Razon bagay na agad nagpaiyak sa batang hanggang ngayon ay takot na takot parin.
"Shh, tahan na. Magpahinga ka na muna." Sambit na lamang ng mayor saka tumayo at humarap sa hepe, "Mamaya mo na siya kausapin. Pagpahingahin muna natin ang anak ko." Maotoridad nitong sambit bagay na agad ikinakunot ng noo ng hepe.
"Pero kailangan na natin silang mahanap! Baka mamaya kung ano ang—"
"Kailangang magpahinga ng anak ko! Ako mismo ang kakausap sa kanya mamaya! Sa ngayon subukan niyo muna silang hanapin at baka nasa tabi-tabi lang sila." Giit ng Mayor kaya walang magawa ang hepe kundi lumabas ng silid na masama ang loob dahil sa labis na pag-aalala.
****
Sa paglabas pa lamang ng hepe sa ospital ay agad nang sumalubong sa kanya ang kumpulan ng mga mamahayag na kanina pa siya hinihintay. Gabing-gabi na ngunit lumiliwanag ang paligid dahil sa flash ng mga kamerang paulit-ulit na kumakawala. Lahat ng mga lente ng kamera at mikropono ay nakatutok sa kanya habang binabato siya ng kung ano-anong katanungan ng mga ito.
"Asan ang anak ko?! Chief asan si Diana?!" Umalingawngaw ang iyak ng ina ni Dana na agad namang narinig ng nanlulumong hepe. Hindi lang ang mga magulang ni Dana ang naroon pagka't kasama rin nito ang iba pang mga magulang na naghahanap ng kasagutan patungkol sa kinaroroonan ng kanilang mga anak.
Walang magawa ang hepe kundi hayaan ang kanyang sarili na mapalibutan ng mga mikroponong hawak ng mga reporter. Wala siyang magawa kundi gawin ang nararapat.
"Hanggang ngayon ay iniimbestigahan parin namin ang misteryosong pagkawala ng mga estudyanteng edad 19-pataas at ang nangyaring kaguluhan sa isang presinto ilang oras lang ang nakakaraan. Huling nakita ang ilan sa kanila na humihingi ng tulong laban sa isang Waldo Hartman. Mangyaring makipag-unayan sa pulisya ang mga nakakaalam sa kinaroroonan ni Waldo Hartman at mangyaring magtulong-tulong tayong lahat para mahanap ang mga nawawala." Pahayag ni Chief Razon ngunit hindi natigil rito ang katanungan ng mga mamahayag.
"Konektado rin ba rito ang pagkawala ng dalagang si Cielo Snow at ng anak mong kamakailan ay naiulat ring nawawala?" Karagdagang tanong isa pang reporter ngunit hindi na ito sinagot pa ng hepeng nagtuloy-tuloy na papunta sa kanyang sasakyan.
****
"Grabe, nakakapanlumo naman tong mga dinidikit natin. Lagi nalang tungkol sa mga batang nawawala." Reklamo ng isang pulis habang pinagmamasdan ang magkatabing missing poster nina Cielo at Raze.
"Baka naman nag-lakwatsa lang ang mga batang 'to?" Sambit naman ng kasamahan nito habang dala ang panibagong missing poster na kanilang ididikit.
"Yan din ang iniisip ko eh kaso kilala ko 'yang binatilyong instik na parang matagal nang walang gupit. Nagde-deliver yan lagi ng tubig eh at mukhang disiplinado naman ng mga magulang. Yung anak rin ni Hepe, mukhang hindi naman 'yon sakit sa ulo." Giit naman ng isa at tuluyang idinikit ang missing poster ni Dana sa tabi ng kay Cielo at Raze.
Patuloy ang pagdidikit ng mga ito hanggang sa tuluyang maglinya-linya ng mga missing poster na naglalaman ng mga litrato ni Cielo, Raze, Dana, Shem, Churchill, Wacky, Axel, Mira at tatlo pang mga kabataan.
END OF PROLOGUE
Note: I can't handle it anymore. Hindi ako maka-focus sa work dahil dito kaya ishe-share ko na. Oo na, sabi ko summer pero wala eh hahaha. I was tempted lol.
And yes guys, dito ko ipo-post ang sequel. I noticed on my other series na nalilito ang ibang readers sa pagkakasunod-sunod and everything so why not just merge them all, for a change narin bwahaha. Hope u guys will like this story :)
Ps, I am not letting go of any of my on-going stories. I just want to write whatever's on my mind as of now as a way to relieve stress. Hope you guys would understand. Hopefully sa summer magkakaroon na ako ng chance na ma-post ang lahat ng isang bagsakan.
BINABASA MO ANG
Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)
Horror"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila tao at hinding-hindi sila titigil hanggang sa mapatay nila tayong lahat!"