Prologue

5.1K 75 8
                                    

Manila, Philippines, 2007

Pasado alas-sais pa lang ng umaga at bahagya pa lang sumisikat ang araw ay may tangan ng isang baso ng alak si Victor Marquez habang nakasilip sa maliit na siwang ng itim na kurtinang nakatabing sa bintana. Pina-ikot muna niya ang yelo sa kanyang baso bago niya sinimsim ang inumin.

"Victor?"

Mula sa pagtanaw sa labas ay inilipat niya ang tingin sa malaking kama sa gitna ng silid kung saan pupungas-pungas pang naupo si Maria.

"Kanina ka pa ba dumating?" Sumandal ito sa mga patas ng unan at ngumiti. "Anong ginagawa mo dyan? Bakit hindi ka maupo dito?" Tinapik nito ang espasyo sa kama at sinenyasan siyang lumapit.

Gustuhin man niya ay pinigilan niya ang sarili. Sa halip ay bumuntong-hininga siya at umiling.

"Let's stop this, Maria." Pinili ni Victor na tumanaw sa malayo kaysa tingnan ang magiging reaksyon ng kasintahan sa kanyang sinabi.

Ilang sandaling namayani ang katahimikan bago yon binasag ni Maria.

"What? W-what do you mean?" Kapos ang hininga at naguguluhang tanong nito.

Kumurap si Victor para pigilan ang nababadyang pagtulo ng luha at saka niya muling tiningnan si Maria. Nanginginig ang kamay nito habang hawak ang kumot na nakabalot sa katawan. Ngayon lang niya nakita ang kasintahan na para bang anumang oras ay mabibiyak ang puso nito habang nakatingin sa kanya.

Umiling siya. "Let's end this." Bulong niya.

Ilang minutong hindi kumibo si Maria. Nang akala ni Victor ay hindi na ito magsasalita ay doon niya narinig ang mahina at nanginginig na boses nito.

"Why?"

Napapikit siya, hindi alam kung paano sasagutin ang tanong na yon. Agad niyang sinaid ang laman ng kanyang baso bago siya naglakad palapit sa tukador kung saan nakapatong ang mga bote ng mamahaling alak. Pinili niya ang pinaka-matapang, binuksan, isinalin sa baso at sa isang lagok ay sinaid niya ang laman. Kailangan niya yun para palakasin ang loob.

Nang gumuhit na sa kanyang lalamunan ang alak ay muli siyang humarap kay Maria.

"My daughter..." Huminga siya ng malalim bago nagpatuloy. "She's in love with your son."

Pumikit si Maria at alam nyang batid na rin nito ang tungkol sa relasyon ng mga anak nila.

"Hindi ko kayang saktan ang anak ko, Maria." Aniya. Ang isipin na iiyak si Emma ng dahil sa kanya ay sapat nang dahilan kay Victor para tuldukan na ang relasyon nila ni Maria.

Nang tumingin sa kanya ang kasintahan ay nangigilid na ang luha nito bagamat nanlilisik ang mata.

"Is that the real reason?" Garagal na tanong nito. "O dahil sa asawa mo?" Singhal nito.

Pumikit siya. "May sakit si Beatrice. Ayoko nang dagdagan pa ang sakit na nararamdaman ng asawa ko." Pag-amin niya.

Niyakap ni Maria ang tuhod at tahimik na humagulgol. Gusto man niyang lapitan ang kasintahan ay pinigilan niya ang sarili. Mas kailangan niyang isipin ang anak at ang asawa. Mas kailangan siya ng mga ito kahit pa nadudurog ang puso niya na makitang umiiyak at nasasaktan ang babaeng bata pa lang ay mahal na niya.

Nang tumigil ang hikbi ni Maria ay dun lang kumilos ang kanyang katawan. Humakbang siya palapit sa pinto, hawak na niya ang seradura ng muling magsalita si Maria.

"Bakit hindi mo na lang ako barilin, Victor? Mas matatanggap ko pa yun kesa dito." Tumayo si Maria, ang kumot na hawak nito ay nalaglag sa sahig at walang saplot sa katawan na lumapit sa kanya. Hinuli nito ang kanyang braso at pinihit siya paharap. "Patayin mo na lang ako." Halos bumaon ang kuko nito sa kanyang braso.

Umiling siya at kahit labag sa loob ay pinalis niya ang kamay nito.

"I'm sorry, Maria. I'm sorry." Aniya bago siya humakbang palabas ng silid.

Narinig niyang sumigaw si Maria at naghagis ng bote sa pader. Pinagkiskis niya ang ngipin at inutusan ang mga paa na humakbang palayo. Mabibigat ang hakbang na iniwan niya ang babaeng mahal hanggang sa makalabas siya sa bahay na nagsilbing taguan ng kasalanan nilang dalawa.

Sinalubong siya ni Rafael at binuksan ang pinto ng kanyang sasakyan. Bago pa man sya makasakay ay muli niyang narinig ang sigaw ni Maria, sigaw na unti-unting bumibiyak sa puso niya.

"Mister President?" Ulinag sa kanya ni Rafael.

"It's okay, Rafael." Aniya sa head ng kanyang Presidential Security. "Umalis na tayo." Muli nyang sinulyapan sa huling sandali ang bahay bago siya sumakay. Hindi pa man naisasara ni Rafael ang pinto ay nakarinig sila ng tunog na nagpatigil sa tibok ng puso niya.

Bang!

Tunog nang baril na nakapagpabago sa buong buhay niya.

######

All Rights Reserved
Copyright 2020 by FLVenus

No parts of this book may be used or reproduced in any manner whatsoever without written permisson from the author, except in the case of brief quotations embodied in critical articles and reviews.
However, the author does not explicitly own the rights of the image on the book cover.

This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination or are use fictitiously. Any resemblence to actual person, living or dead, events, places and locations are purely coincidental.

Dangerous SecretWhere stories live. Discover now