Thinking Twice

1.3K 36 0
                                    

Tila aakalaing gumagalaw ang lupa, lumilindol sa lugar na kinatatayuan niya. Ang unos ng nagbabadyang pag gunaw ng mundo, pumupukaw sa kanyang imahinasyon ngayon. May kung anong bumulusok nanaman sa kanyang ulunan, dumapa pa siya upang iwasan ang tumatalsik na semento galing sa nasisirang kisame ng hallway na kanyang dinadaan.

Naririnig niya pa rin ang hasik ng mga baril na walang pinipiling biktima na patutumbahin. Mga sigaw ng mga tao na nagpapatayan para sa teritoryo. Higit sa lahat ay ang mga panaghoy ng mga taong hindi pa tuluyang natutumba, yaong naghahanap ng tulong upang mabuhay pa.

Saan nga ba siya pupunta? Naalala niyang napalibutan sila ng mga kalaban kaya napilitan silang sumilong sa building... ngayon nauunawaan niyang isang kawalan ang patutunguhan niya. Hindi. May paraan pa at hindi siya susuko. Ito naman ang pinakamalaking distrito sa lahat, nagmimistulang pabrika kaya kahit na mas marami ang kalaban, mahihirapan pa rin ang mga ito sa pagtugis sa kanilang lahat. Kailangan niyang makahanap ng exit.

Hinigpitan niya ang paghawak sa dalang baril nang makarinig ng mga yabag. Mukhang paparating ito sa banda niya kaya agad niyang tinawid ang distansya sa may kalye. Sumandal siya pader at hinanda ang kanyang sarili. Oo, humantong na ang kaguluhang ito sa puntong kumikitil na siya ng buhay. Lahat ng ito, para mabuhay, para ipaglaban ang nararapat.

Nakarinig siya ng mga sigaw at mga sari saring putukan. Ilang segundo rin nang kumalma ang lahat sa bandang likuan, gusto niyang sumilip ngunit nangangambang sa isang maliit na pagkakamali'y siyang wakas ng kanyang buhay.

Inalerto niya ang sarili at inalsa ang baril nang makarinig ng haluyhoy. Kasabay ng paglunok niya ang pagkasak ng dalang baril. Narinig niya ang kuskos ng kung sino man, halatang humanda rin.

"Hayop ka!" Sigaw niya at lumundag sa kinatatayuan upang humarap sa kalaban.

"Wait!" Agad siyang huminto nang isang pamilyar na kasuotan ang kanyang nadatnan, "Filipino-gangster right?... we're together." Agad nitong inalsa ang kamay na may baril habang ang isa'y nakasapo sa may tadyang nito. Mukha nga itong nangingisay at tumutulo pa ang dugo nito sa sahig mula sa sugat.

Tumango siya't agad itong inakay, "Maghahanap tayo ng tulong." Nasulyap niya pa ang natumbang kalaban bago lumayo sa lugar na iyon.

"A-are they coming for us...?" Muli nitong tanong. Hindi niya naman ito masagot, ilang minuto na rin silang naglalakad, ang hangad niya lang na layuan ang mga likuan na may sagupaan. Sa kasalukuyan, naglalakad sila sa malawak na hallway na siyang pinagbuntunan siguro ng bomba dahil sa sira-sirang sahig at malaking bahaging bumigay na kisame. Mapanganib ngunit sa dulo nito'y isang malaking butas na tiyak na pader nung una, mainam na maging labasan para sa kanila.

Nakalagpas na sila sa sementong bumigay nang makarinig ng mga putok. Nanlaki ang kanyang mga mata nang tumagos ang isang bala sa gilid ng pader, tiyak sila nga ang target. Walang anu-anong tinulak niya ang kasamahan sa proteksyon ng gumuhong kisame at dumapa saka tinutok ang baril patalikod. Hayun ang cabal na sige pa rin sa pagputok at paglapit, pasalamat na lang siyang mukhang hindi ito asintado. Siya naman ang tumira na nagpadapa rito, "Oo, buhay pa ako loko!" Saka, lumundag na rin sa guho dahil sumigabo ang paghihiganti nito. Nang makatiempo, inilabas niya ang braso at nagpaputok sa estimadong mga direksyon. Ilang sandali niya ring hinintay ang paghiganti nito, ngunit nang kalaunay tahimik pa rin, napasilip siya't laking pasasalamat na nakahandusay na ito.

Lumingon siya sa kasamahan, namimilipit na nga ito sa sakit at naghahabol ng hininga, "You okay?"

"Y-you fucking piece of shit, you dare... a-ask me that?" Anya nito na hindi niya matanto kung may halong galit ba dahil kasabay nu'y nakangiti rin ito sa kanya.

"Sorry." Anya niya at muli na itong tinulungan upang makatayo.

Nang maabutan ang dulo'y husto nga sa isang katawan ang naiwang butas, ngunit mahinuhang may kataasan, nasa ikalawang palapag sila ngayon. Ang tanging naiisip niyang kaligtasan ay ang mga nagkarambulang mga gulong sa ibaba, kasabay nu'y isang van na nawalan ata ng preno kaya napabulusok sa parteng iyon. Tumingin siya sa kanyang kasamahan na nasa kalayuan ang tinitingnan, ang asul na kalangitan sa ibabaw ng malapabrikang distrito ay napapalamuti ng itim na usok galing sa mga pagsabog. Tila nababalutan ng lagim dahil sa nangyayaring kaguluhan. Ito na nga ang kanyang napiling buhay.

Babysitting a Gangster (GxG)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant