Chapter 15

233 7 3
                                    

 
 

Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko ngayong hindi ko na kailangang mangapa kung paano maging si Marjorie sa harap ni Raffy. At last hindi ko na kailangang magkunwari. Wala na akong kailangang itago. Naikukuwento ko na sa kanya ang tungkol sa buhay ko at nagkukwento naman siya tungkol kay Marjorie.

"Paano siyang naaksidente?" Tanong ni Raffy nang sunduin na niya ako sa hospital isang hapon. Medyo ma-traffic na kaya siguro naisipan niyang magbukas ng usapan.

"Dahil sa isang taksil na boyfriend," biglang sumama ang mukha ko. Hindi na ako naiiyak ngayon sa alaala, pero galit pa rin ako sa panloloko ni Jared.

"Whoa! Easy! Baka biglang mabiyak ang kotse sa harap sa sobrang talim ng titig mo," biro niya.

Natawa ako.

"Para kang si Jenny. Kapag nalulungkot ako o naiinis, agad akong patatawanin n'yon," natatawa pa rin ako.

"Alam mo bang hindi ko magaganyan si Marjorie? Lalo lang siyang magagalit at sa akin na niya ibubunton."

Nakangiti pa rin naman siya, parang natatawa pa sa alaala.

"Nami-miss mo na siguro siya 'no?" Tanong ko.

"Sorry, pero hindi masyado. Nand'yan ka kaya!"

Nakaramdam ako ng hiya.

"Hey! Chill! I'm not flirting with you," at pinagtawanan na naman niya ako.

"Sige, magsaya ka habang ako pa 'to," magaang na warning ko sa kanya.

Lalo lang siyang natawa.

Pumasok muna kami sa fastfood sa harap ng school na pinapasukan ni Joyce at nagpa-book ng party surprise para sa birthday ng bata next week. Surprisa dapat kaya inuna namin 'to bago siya sunduin sa school.

"Siguradong matutuwa siya. Wala ba talaga siyang alam?" Excited na tanong ko.

"Wala. Kaya wag na wag kang madudulas," sagot naman niya.

"Makakaasa ka. Teka, banyo lang ako."

"Okay. Hihintayin kita sa kotse."

Binilisan ko lang ang pagbanyo. Hindi na ako nag-retouch. Baka matagalan pa kami sa pagsundo kay Joyce, kawawa naman ang bata. Kaso, paglabas ko sa fastfood, may lalaking nakangiti sa akin. Hindi ko siya pinansin, binilisan ko ang hakbang patungo sa kotse ni Raffy.

"Babe, sandali lang naman!" Narinig kong sabi ng lalaki pero hindi pa rin ako huminto.

Hindi naman ako yong tinatawag niyang babe 'di ba?

"Marjorie, ano ba?"

Napahinto na ako. Kilala ni Marjorie ang gwapong lalaking ito?

"Ako ba ang tinatawag mo?" Paniniyak ko pa rin.

"Babe? Anong nangyari sa 'yo? Syempre ikaw ang tinatawag ko. I miss you so much."

Nais tumayo ng mga balahibo ko sa narinig. Napaatras ako.

"Sorry. Pero hindi kita kilala. Nagmamadali ako. Susunduin ko pa ang anak ko sa school," nagtapang-tapangan na ako.

Tinalikuran ko siya ngunit agad niya akong hinawakan sa kamay.

"Ano bang problema mo?" Waring galit pang tanong niya.

Shocks! Hindi kaya addict 'to? Nakaramdam ako ng matinding takot.

"Bitiwan mo 'ko! Tatawag ako ng pulis! Sisigaw ako!" Sinubukan kong makawala.

"Mag-usap nga tayo," hinuli na rin niya ang isa ko pang kamay kaya hindi ko na siya maitulak o masampal.

Bakit ba kasi hindi ko sineryoso ang mga self-defense for girls na nakita ko sa YouTube? Madali sana akong makawala rito kung marunong ako ng kunting self-defense. Pero kung wala akong gagawin, baka ma-chop-chop lady ako nito.

Bahala na!

Hindi na ako nagdalawang-isip pa, ubos-lakas na tinuhod ko siya sa pagitan ng kanyang mga hita. Napahiyaw siya at agad akong nabitiwan. Hindi pa ako nakuntento, hinampas ko pa siya ng dala kong bag sa ulo. Sa taas ng adrenaline ko ngayon, feeling ko ay bida ako sa isang pelikula.

"Marjorie! Marjorie! Are you okay?" Si Raffy, nakalapit na at agad akong niyakap.

Napatanga naman ang lalaking lumapit sa akin, na ngayon ay namimilipit pa rin. Pulang-pula ang mukha nito.

"Makinig ka nang mabuti kung sino ka mang hudas ka! Hinding-hindi mo na ako guguluhin muli, naiintindihan mo ba?" Nagngingitngit pang dinuro ko siya.

"You heard my wife. Stay away from her," segunda naman ni Raffy sa boses na hindi man mataas ay puno pa rin ng babala.

Iniwan na namin ang lalaking nakaluhod na lang sa lupa. Pagkapasok sa kotse, saka ko lang naramdaman ang panginginig ng katawan ko. I was so scared. Ni hindi ko maikabit agad ang seatbelt.

"Ang tapang mo pala," wika ni Raffy na pinausad na ang kotse paalis doon.

Sumandal lang ako at huminga ng malalim.

"Relax! You're safe now. Sorry kung hindi ako nakalapit kaagad. Akala ko kasi makikipag-usap lang siya."

"Sino ba 'yon?" Tanong kong hinihipan ang dulo ng mga daliri kong nanlalamig. Kung yong iba, kinakagat ang mga kuko nila kapag nininerbyos, ako naman, hinihipan ko na parang harmonica.

"Si Aaron. He is... was... one of your... Marjorie's boyfriends," sagot niyang sa kalsada pa rin nakatingin.

Ano daw?

"Boyfriends? At okay lang 'yon sa 'yo?" Nais ko pang ma-shock.

Ngumiti siya, malungkot na ngiti. Then I remembered Marjorie's notebook. Natahimik ako. My heart is bleeding for this man...

Ipinark niya ang sasakyan sa usual niyang parking place kapag sumusundo kay Joyce.

"Okay ka na ba? Baka naman pagyakap ni Joyce sa 'yo mamaya, maramdaman niyang tensed ka pa rin," tanong niya matapos patayin ang engine.

"Yes, okay na ako. Salamat," ngumiti ako para ipakitang okay na nga ako.

He reached out and held my hand. His hand was so warm it felt good against my cold hands. It was even better than my hot breath.

"Cold... You're still nervous?" Puna niya.

"Medyo. Pero mas okay na ako ngayon. Music na lang muna tayo," wika ko na pasimpleng binawi ang kamay ko upang i-on ang stereo at maghanap ng mga love song.

Ilang minuto pa ay mistula na akong nagko-concert sa loob ng sasakyan habang ang kaisa-isahang audience ko ay pangiti-ngiti at minsan ay nakikipag-duet din sa akin. Pagdating ni Joyce, masaya siyang nakisali sa kantahan. Nakalimutan ko agad ang lalaking 'yon na Aaron ang pangalan. Natutuwa lang ako dahil masaya si Joyce at sa nakikita ko ay masaya rin si Raffy.

Diyata't unti-unti na yata akong nasasanay sa buhay na ito ngayon...

 

Unwanted SurprisesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon