CHAPTER ONE - 4

8K 126 0
                                    

NAGMANO si Kimi sa mga magulang nang dalawin niya ang mga ito sa Tagaytay. Pagkagaling sa Maynila, ipinasya niyang dumaan sa farm na pinagtatrabahuhan ng mga ito. Kagagaling lang niya sa dormitoryo ni Jasper. Sinabihan na raw ito ng Solar Power na iha-hire ito ng kompanya pagka-graduate nito. At iyon ang ibabalita niya sa mga magulang nila.

"Kumusta ang kapatid mo, Kimi?" tanong ng tatay niya na si Mang Juan.

"Ayos lang ho, 'Tay. Galing ako sa dorm niya kanina. Tatanggapin daw siya ng Solar Power pagkatapos ng graduation niya."

"Magandang balita 'yan, pero paano ang pagre-review niya para sa board exam?" tanong ng kanyang inang si Aling Lily.

"Kaya na raw niyang pagsabayin ang pagtatrabaho at ang pagre-review," sagot niya.

"Baka mahirapan siya, Kimi. Mabuti pa siguro'y tapusin na muna niya ang board exam bago siya magtrabaho."

"Hayaan mong si Jasper ang magpasya, Lily. Kapag sinabi niyang kaya niyang pagsabayin ang trabaho at ang review, siguradong kaya niya. Para namang wala kang tiwala sa kakayahan ng anak natin."

"Hindi naman sa ganoon. Ang iniisip ko lang, isa-isa muna para mas sigurado. Mahirap 'yong mahahati ang oras ni Jasper sa pagtatrabaho at pagre-review. Baka kung kailan huling baitang na ay saka pa siya sumemplang."

"Sus! Kayang-kaya ni Jasper 'yon." Todo ang ngiti ng tatay niya. Bakas sa boses nito ang pagmamalaki para kay Jasper.

"Teka, bakit parang nangangayayat kayo, 'Nay?" kapagkuwan ay puna ni Kimi.

"Pagsabihan mo nga 'yang nanay mo, Kimi. Sobrang mag-isip tungkol sa inyong magkakapatid. Gusto ba namang umuwi sa atin kagabi. Hindi raw maganda ang kutob niya. Kung hindi ko napigilan, baka sumugod 'yan nang dis-oras ng gabi sa bahay."

"Bakit ho, Nanay?"

"Ewan ko ba. Hindi ako mapakali, eh. Parang iba ang kutob ko. Para bang may nangyayaring hindi maganda sa inyong magkakapatid o sinuman sa inyo."

"Ayos lang ho kaming lahat, 'Nay. Wala kayong dapat ipag-alala. Kung may nangyari sa bahay, siguradong itatawag sa akin 'yon ni Merlin dahil alam naman niya ang numero ng telepono sa bahay ng mga amo ko."

"Excited ka lang siguro, Lily. Aba'y akalain mong mapapagtapos na natin si Jasper. Isang linggo na lang, may anak na tayong engineer."

"Sana nga, excited lang ako," bumuntong-hiningang sabi ng kanyang ina.

"Huwag kayong masyadong mag-isip, 'Nay. Ayos lang ho kaming mga inakay n'yo. Dapat mag-beauty rest kayo para bonggang-bongga kayo sa graduation ni Jasper."

"Wala pa nga pala akong isusuot..." sabi nito.

"Ako na ho ang bahala roon. May nakita na akong magandang bestida sa Divisoria. Babalika ko na lang sa susunod na punta ko roon."

Talagang pinaghandaan niya ang araw ng graduation ni Jasper. Gusto niyang maging bongga ang mga magulang nila nang sa araw na iyon ay ma-enjoy ng mga ito—finally—ang bunga ng pinaghirapan ng mga ito.
——————————
——————————
Vote and Comment!

Thank you for reading.

~AphroPhire

Ang Ambisyosang Nagmahal: Kimi by CAMILLAWhere stories live. Discover now