CHAPTER TWO - 2

7.1K 133 2
                                    

KINABAHAN agad si Kimi nang salubungin siya ng landlady niya sa dorm. Tuwing ataw lang ng bayaran sila nagkikita niro. Kaya hindi siya sanay na makita itong waring sadyang hinihintay siya.

"Kanina pa kita hinihintay, Kimi," sabi nito.

"Bakit ho?" tanong niya.

"May tumawag kanina. Galing sa Solar Power. Mag-return call ka raw agad pagdating mo."

Parang tinadyakan siya ng kabayo sa sikmura nang marinig ang pangalan ng kompanya. "Ibinigay ho ba ang number?" tanong niya.

Dumukot ito sa bulsa ng suot nitong duster. Iniabot nito sa kanya ang papel. "Nandyan ang number, pati ang pangalan ng taong hahanapin mo. Kanina ka pa raw kinokontak sa cellphone mo, hindi ka matawagan."

"Empty batt ang cellphone ko," sagot niya. Sakit na iyon ng cellphone niya na binili niya sa Quiapo. Kahit katsa-charge pa lang niya, drained agad ang battery. Kaya mas madalas na iniiwan lang niya iyon sa loob ng kwarto. Ayaw naman niyang pagsisihan ang resulta ng katipiran niya kapag dala niya iyon. Si Jasper ang nagbigay sa kanya ng perang pambili ng cellphone para daw makapag-text sila nang madalas, pero dahil gusto niyang makatipid ay sa Quiapo siya naghanap ng mabibiling secondhand. Malamang na "GSM" (galing sa magnanakaw) pa ang nabili niya kaya nakarma agad siya. Nagkuripot siya kaya magdusa siya.

"Mabuti pa, tawagan mo na 'yan para malaman mo na kung ano'ng kailangan nila sa 'yo."

"Salamat ho, Ate Baby." Nagmamadaling pumasok na siya sa loob ng boarding house. Hinagilap niya ang cell phone at dali-daling ikinabit doon ang charger. "Makisama kang lintik na cell pphone ka," sabi niya. Naghintay lang siya ng ilang minuto bago binuksan ang cell phone. Nakakadalawang ring pa lang ay namatay na iyon.

Gusto na niyang itapon ang aparato. Malamang ay emergency ang tawag galing sa Solar Power—at siguradong may kinalaman iyon kay Jasper. Patakbong lumipat siya sa bahay ng kasera niya.

"Pwede ho bang makitawag nang long distance. Emergency lang ho," pakiusap niya nang pagbuksan siya nito ng pinto.

Nakita siguro nito ang panic sa mukha niya kaya pumayag ito. Halos mangudgod siya sa telepono sa pagmamadali. Matagal na nag-ring lang ang teleponong tinatawagan niy bago my sumagot doon.

"Hello. Si Kimberly Lopez ho ito. Kapatid ho—"

"Ikaw 'yong person to contact ni Engineer Jasper Lopez in case of emergency..."

"A-ako nga ho." Ano kaya ang emergency na sinsabi nito? Para na namang pinagbuhul-buhol ang bituka niya sa tindi ng kaba. "M-may nangyari ho ba sa kapatid ko?"

"Dito na lang natin pag-usapan. Papupuntahin ko na riyan 'yong company car para sunduin ka. By the way, I'm Engineer Cito Villegas."

"Engineer, hindi ho ako mapapalagay hangga't hindi ninyo sinasabi sa akin kung ano'ng nangyari kay Jasper. May aksidente ho ba sa planta?"

Nabanggit minsan ni Jasper na delikado ang ilang prosesong ginagawa sa planta. May mga pagkakataong hindi talaga maiwasan ang aksidente.

Matagal na hindi kumibo ang kausap niya.

"Engineer, kung anuman ho ang nangyari sa kapatid ko, mas makakabuti kung sasabihin n'yo na sa akin ngayon pa lang, para maihanda ko na ang kalooban ko pagpunta ko riyan mamaya."

Nakuha siguro nito ang punto niya kaya bumigay rin ito. "Expect for the worst, Miss Lopez. Nasa ICU ngayon si Engineer. He suffered from third-degree burn."

Nasapo niya ang kanyang dibdib. Sabi na nga ba niya. Napakadelikado ng trabaho ni Jasper sa processing ng packaging. Nabanggit nito na potassium hypochlorite daw ang kemikal na hawak nito kaya peligroso. Hindi niya sukat-akalain na mangyayari sa kapatid niya ang aksideteng kinatatakutan niya sa maikling panahong pagtatrabaho nito sa Solar Power.
——————————
——————————
Vote and Comment!

Thanks for reading!

~AphroPhire

Ang Ambisyosang Nagmahal: Kimi by CAMILLAWhere stories live. Discover now