CHAPTER NINE - 3

3K 74 0
                                    


"Kailan ang luwas mo?"

"Next weekend," sagot ni Kimi sa tanong sa kanya ni Mimi. Matatapos na ang bakasyon niya. Luluwas na siya para mag-enroll uli. Nagpapasalamat siya dahil may iba na siyang pagkakaabalahan. Para kasing nitong mga huling araw, mabagal tumakbo ang oras.

"Okay ka na ba?" tanong ni Bingles.

Tumango siya.

"Naku, Bingles. Huwag ka ngang magtanong nang ganyan. Napipilitan tuloy magsinungaling itong si Kimi," sabi ni Chiela.

"Kalimutan mo na ang lalaking iyon, Kimi. Wala naman siyang kwenta kaya wala ring kwentang pag-aksayahan mo pa siya ng panahon."

Isa iyon sa mga pagkakataonng gusto niyang pagsisihan na ikinuwento pa nya sa mga ito ang lahat ng nangyari sa kanila ni Sloane. Sinabi niya sa mga ito ang tunay na motibo nito sa pagtulong sa pamilya nila.

Ngunit hindi naman ikinuwento ang lahat. Sinadya niyang iwan ang namagitan sa kanila ni Sloane sa Boracay. Nahihiya siyang ikuwento sa mga kaibigan niya ang tungkol sa kagagahan niyang iyon.

Iyon nga kaya ang dahilan? O dahil gusto niyang ipreserba ang alaala niyon?

Nagulat pa siya nang may humampas sa likod niya. Si Phannie ang nakita niyang gumawa niyon. "Natulala ka na naman," sabi nito.

Bumuntong-hininga siya. Sa totoo lang, naiinis na rin siya sa sarili niya. Kahit paano niya kumbinsihin ang sariling kalimutan na si Sloane, nakatatak pa rin ito sa puso at isip niya.

"By this time, baka enjoy na enjoy na yon sa binalikan niyang buhay sa States."

Nakausap na niya ang ama ni Sloane. Si Makis ang nagsabi sa kanya kung ano ang dapat niyang sabihin. Sinunod niya ang lahat ng sinabi nito hindi dahil para siyang robot, kundi dahil iyon ang sa palagay niyang tamang gawin. Hindi rin naman biro ang "tulong" na ibinigay ng Solar Power.

Parang may kutsilyong gumuhit sa dibdib niya sa sinabing iyon ni Bingles. Kahit pessimistic talaga ito kahit kailan, nagsisilbi itong pampagising sa kanya. Madalas kasi, natatauhan siya kapag ipinamumukha nito sa kanya ang pagiging negatibo ng estado niya sa buhay at ng kay Sloane Caldwell.

"May mas malalim na rason siguro kaya hindi mo magawang kalimutan agad ang lalaking iyon, Kimi."

Natitilihang napatingin siya kay Phannie. Hindi niya alam kung hinuhuli lang siya nito o talagang kinukutuban ito. "Na-in love ako sa kanya," wika niya.

"May nangyari sa inyo sa Boracay."

Hindi niya alam kung bakit hindi niya nagawang kontrahin ang sinabing iyon ni Phannie. Narinig niyang may impit na napatili sa mga kaibigan niyang naroroon.

Kahit hindi niya tingnan, alam niyang ang konserbatibong si Chiela iyon.

"Inalok ka ba ng kasal ng tisoy na yon pagkatapos may mangyari sa inyo? usisa ni Phannie.

Umiling siya. "Sabi ko'y wala siyang dapat panagutan."

"Sinabi mo iyon? Gaga ka talaga, Kimi. Paano kung nabuntis ka ng lalaking yon? Sigurado akong virgin ka pa, kaya hindi naman siguro non pagdududahan ang paternity ng bata kung sakali. May karapatan kang maghabol, if ever."

"Halata naman kasing napre-pressure siya dahil virgin ako. Ayoko namang pakasalan lang niya ako dahil na-pressure siya," pag-amin niya. Wala nang bawian pa ang ginawa niyang confession.

:Kimi, pagkakataon mo na yon para mapilitan siyang pakasalan ka. Mayaman ang Sloane na yon. Makakaahon sa hirap ang buong pamilya nyo kung pinakasalan ka niya," dugtong ni Phannie.

Kahit kilala niya ito bilang praktikal na tao, nagulat pa rin siya sa suhestiyon nito.

"Sinasabi mo bang dapat, t-in-rap na ni Kimi ang dating boss ni Jasper para pakasalan siya?" tanong ni Bingles dito.

Tumango si Phannie. "May karapatan si Kimi na mag-demand sa kanya ng kasal. Hindi naman basta-bastang babae itong kaibigan natin." Bumaling ito sa kanya. "Bakit hindi mo pinilit?"

Umiling siya. "Ayokong ipitin siya sa kasal na hindi naman bukal sa loob niya. Saka uso pa ba ang pikot ngayon? Isa pa, hindi ako makapaniwala na pinag-uusapan nating ang tungkol sa ideyang iyon." Napailing-iling siya.

"Dapat, naging praktikal ka. Hindi mo na kailangang magpakakuba sa pagtatrabaho para lang masigurong mabubuhay nang maayos ang magiging pamilya mo. Buhay na buhay ka na sa Sloane na yon. Tingnan mo nga sina Jam at AJ, ang ginhawa ng buhay dahil sa mga asawa nila."

"Ayokong masaktan sa bandang huli. Ayokong sisihin niya ako kapag pumalpak na ang pagsasama namin. Saka iba naman ang mga kaso namin. In love naman kina Jam at AJ ang mga mister nila."

"Nahawa ka na ng pagka-negative kay Bingles," naiiling na sabi nito. "Bakit mo iisiping papalpak ang pagsasama nyo? Kapag pinakasalan ka na niya, gawin mo ang lahat para ma-in love siya sayo."

Napatingin siya rito. Seryosong-seryoso ito sa suhestiyong iyon na naisip tuloy niya kung kaya nitong gawin ang sinasabi nito sa kanya. "Hindi ko kayang makipagsapalaran," saad niya. Mas masasaktan lang siya kapag hindi na-in live sa kanya si Sloane. Siguradon siyang lalo niya itong mamahalin kapag nagsama sila sa isang bubong bilang mag-asawa.

At asa ka naman na mapipilit mo talaga si Sloane na pakasalan ka. Kung gusto talaga nitong panindigan siya, sinabi na dapat nito noong huling nagkita sila, pero wala naman itong nabanggit. Masyado siguro itong eager na makabalik sa Amerika at balikan ang dating buhay nito.

---------------

---------------

Thanks for reading!!!

Ang Ambisyosang Nagmahal: Kimi by CAMILLAWhere stories live. Discover now