CHAPTER THREE - 2

7.4K 134 1
                                    

TININGNAN ni Kimi ang matabang lalaking nagsalita. Ito raw ang representative ng insurance company ng Solar Power. Nasa head office siya ng naturang kompanya sa Ortigas. Marami itong sinabi, maraming ipinaliwanang. Karamihan ay technical terms na hindi naman niya naiintindihan.

Napatingin siya kay Phannie na pilit niyang isinama roon para ayudahan siya. Windang pa rin siya kaya kailangan niya ng makakasama roon. Mahigit isang linggo na ang naklipas mula nang ilibing si Jasper ngunit parang bangungot pa rin ang lahat. Hindi pa rin bumabalik sa normal ang takbo ng buhay nilang mag-anak. Nangangapa sila kung paano sila magsisimula ngayong wala na ang kanyang kapatid.

"Sinasabi n'yong wala kaming makukuha kahit singhkong duling mula sa insurance policy ni Jasper? Paano nangyari 'yon?" tanong ninPhannie.

Ang lalaking nagpunta sa burol ni Jasper ang sumagot dito. "Emmanuel Kristoffer Hernaiz" pala ang pangalan nito. Sinabi nito kanina ang posisyon nito sa kompanyang iyon pero hindi niya iyon natandaan. "According to the investigation, Engineer Jasper Lopez did not die from any—"

"Pwedeng paki-Tagalog?" singit ni Phannie.

Halatang napipilitan lang ito na pagbigyan amg kaibigan niya. "Ayon sa imbestigasyon na isinagawa ng insurance company, hindi aksidente o natural cause ang dahilan ng kamatayan ni Engineer Jasper Lopez. He took his own life. Uh... nagpakamatay siya."

"Hindi totoo 'yan!"

"Walang dahilan si Jasper para magpakamatay. Masaya siya sa takbo ng buhay niya," katwiran ni Phannie.

"Mga forensic experts ang nag-imbestiga sa pinangyarihan at... lumalabas sa lahat ng imbestigasyon na nagpakamatay si Engineer Lopez. At hindi sakop ng insurance amg suicide. Hindi namin binabayaran ang mga ganoong kaso," sabi ng matabang lalaki.

"Walang dahilan si Jasper para magpakamatay!" giit niya.

"Walang dahilan para magtaas ng boses, Miss Lopez. Sinasabi lang namin sa inyo ang naging resulta ng imbestigasyon. Kung ayaw n'yong maniwala, wala kaming magagawa. Pwede kayong mag-hire ng private investigators para kontestahin ang naging resulta ng imbestigasyon. Pwede kayong kumuha ng abogado para magsampa ng kaso. Pero syempre, kayo na rin ang magbabayad ng lahat ng magagastos doon."

"Sinasabi n'yo lang ang lahat ng 'yan para walamg makuha ang pamilya nina Kimi."

Nagtaas ng kilay si Mr. Hernaiz. Para itong nakikipag-usap sa bata nang muling magsalita. "Responsableng kompanya ang Solar Power. Hindi kami tumatalikod sa anumang obligasyon namin sa kahit kaninong empleyado. Kung karapat-dapat si Engineer Lopez sa—"

Pinutol niya ang anumang sasabihin nito. "Ibinigay ni Jasper ang kakayahan niya para sa Solar Power. Isa siyang dedicated na empleyado. Mapapatunayan ninyo iyon sa records niya. Wala siyang absent, wala rin siya kahiy isang offense sa tardiness. Kahit ano pa ang sabihin n'yo, hindi n'yo ako makukumbinsing hindi siys naging karapat-dapat na empleyado." Sasagot sana ito pero hindi niya ito pinasingit. "Hindi ako naniniwalang nagpakamatay ang kapatid ko. Umiiwas lang kayo sa responsibilidad ninyo. Huwag ninyong palabasing iresponsableng tao si Jasper dahil hindi siya ganoon. May pananagutan kayo sa aming mga naiwan niya. Kahit magpakamatay pa kayo sa pagde-deny, hindi n'yo maitatanggi ang responsibilidad na iyon."

"Miss Lopez..."

"Gusto naming makausap ang presidente ng kompanyang ito. Baka mas maayos siyang kausap kaysa sa inyo," singit ni Phannie.

"At sino ka para mag-demand ng ganyan? You're not even family."

"Kaibigan ako ng pamilya Lopez," pagtatapat ni Phannie. "Kung malasakit din lang, matindi ang pagmamalasakit ko sa kanila. Palagay ko, sapat na 'yon para magkaroon ako ng karapatang mag-demand na makausap namin ang presidente ng kompanyang ito."

"Hindi ganoon kadali iyon, Miss."

Nagtaas ng kilay si Phannie. "Siguro nga ay hindi ganoon kadali. Baka mas madali pang lumapit sa media kung sakali."

Nagulat si Kimi sa sinabi nito. Nakita niyang palaban ang mukha nito habang nakikipagtitigan kay Mr. Hernaiz.

"Titingnan ko kung ano'ng magagawa ko," sa huli ay sabi ng lalaki.

Tumayo na si Phannie. "Tawagan n'yo na lang si Kimi kung kailan namin pwedeng makausap ang presidente ng kompanya."

"Hindi ko maibibigay sa inyo ang assurance na papayag si Mr. Caldwell na makipag-usap sa inyo. He's a very busy man."

Biglang naalala ni Kimi ng sinabi ni Jasper na masungit at suplado ang big boss ng Solar Power.

"Isang linggo. Kapag hindi kayo tumawag kay Kimi, ibig sabihin ayaw makipag-usap ng boss mo. Didiretso na kami sa kinauukulan," pagbabanta ni Phannie.

Umiiling na tinitigan ito ni Mr. Hernaiz. Ramdam niya ang tensiyon sa pagsusukatan ng mga ito ng tingin. Hindi lang niya masyadong pinagtuunan iyon ng pansin dahil malaki ang problemang kinakaharap niya.

"Halika na, Kimi," yaya sa kanya ni Phannie.

Yumukod na lang siya sa mga naroroon bilang pasintabi bago sumunod kay Phannie palabas. Magulo ang takbo ng isip niya. Ayaw niyang tanggapin ang sinabi ng mga naiwan sa loob na dahilan ng pagkamatay ni Jasper. Kahit paano niya halukayin ang isip niya, wala siyang maalalang nagpakita ang kapatid niya ng suicidal tendency.

"Mamaya ka na mag-emote pag-uwi natin," bulong sa kanya ni Phannie nang makarating sila sa sasakyan. Nararamdaman siguro nito ang pag-ahon ng emosyon sa dibdib niya. "Pag-isipan nating mabuti kung ano ang gagawin ninyo. Hindi pwedeng basta na lang nila sasabihin ang ganoon para lang makaiwas na magbayad."

Nilingon niya ito. "P-paano kung totoo ang sinsabi nila, Phannie? Paano kung totoong nagpakamatay nga si Jasper? Paano ko sasabihin 'yon kina Nanay at Tatay?"

Iyon ang isa pa sa mga pinoproblema niya: kung paano sasabihin sa mga magulang ang naging resulta ng imbestigasyon ng mgatag-Solar Power. Mas mahihirapan ang mga itong tanggapin kung sakali na nagpakamatay si Jasper.

"Huwag kang maniwala sa mga taong 'yon. Sige nga, mag-isip ka ng dahilan kung bakit magpapakamatay ang kapatid mo?"

"Baka nahihirapan na siya sa responsibilidad sa pamilya namin..." Iyon lang ang dahilang naisip niya dahil noong huli silang magkita at magkausap ng kanyang kapatid, mukha namang masaya at kontento ito sa trabaho nito.

"Huwag mong insultuhin ang alaala ni Jasper, Kimberly. Huwag mong isiping iresponsable ang kapatid mo na para lang makatakas sa obligasyon sa inyo ay magpapakamatay na siya," saway nito sa kanya. "Bine-brainwash ka lang ng mga taga-Solar Power para huwag ka nang maghabol. Huwag kang magpapaniwala sa mga iyon."

Napahiya siya. Tama ito. Hindi ang tipo ni Jasper ang tatakasan ang responsibilidad sa pamilya nila.

"Mamaya na natin pag-uusapan 'yan. Pag-isipan na lang natin habang nasa bus tayo kung anoang dapat mong gawin. Huwag mo na rin munang sabihin kina Aling Lily at Mang Juan ang narinig mo kanina."

Tumango na lang siya. Sana nga ay may magawa pa siyang paraan para hanapan ng solusyon ang kinakaharap na problema. Kaakibat ng pagkawala ni Jasper ang malaking problemang pinansyal ng kanilang pamilya. Dumagdag pa ang isipin kung totoong nagpakamatay nga si Jasper o aksidente ang lahat.

Parang sasabog ang ulo niya sa kakaisip.
——————————
——————————
Vote and Comment!

Thanks for reading!

~AphroPhire

Ang Ambisyosang Nagmahal: Kimi by CAMILLAWhere stories live. Discover now