Kabanata 10

2.3K 62 1
                                    

"Isang Chimera," bulong ko sa aking sarili.



Narinig ko ang malalakas na sigawan ng mga estudyante sa aking paligid habang mabilis na binabakante ang training ground. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan dahil sa pagkabigla. Tumatakbo na ang lahat ng estudyante palayo sa nilalang na nagwawala ngunit ako ay nanatiling tulala at nakatayo. Hindi maalis sa nagwawalang Chimera ang paningin ko.



"Isabelle, tara na!" sigaw sa akin ni Zoe habang marahas akong hinihila papalayo sa panganib.



Napabitaw siya sa aking mga braso nang madala siya ng mga nagkakagulong mga estudyante. Nanatili akong nakatayo habang abala sa pagtakas ang mga kasamahan ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko maigalaw ang mga paa ko.


Nakita ko si Gabriel na hinihila si Cassandra papasok ng kaharian kasama ang iba pang estudyante. Naiwan akong mag-isang nakatayo.


Kita ko kung paano sunugin ng nagwawalang Chimera ang mga puno at halaman sa loob ng training ground. Palaki na nang palaki ang apoy na ngayon ay kumakalat na sa mga kakahuyan. Ang training ground ay isang open field na nakakonekta sa Light Forest. Galing yata ang halimaw na ito roon.


Natigil siya sa pagbuga ng apoy. Kita ko mula rito ang ilang usok na kumawala sa kaniyang bibig habang dahan-dahan siyang bumubuga.


Nagulat ako nang tumingin ang Chimera sa aking direksyon. Bumuga muli siya nang usok na nagdulot ng takot at kaba sa aking sistema. Matalim niya akong tiningnan.


Nagsimula nang tumakbo papalapit sa akin ang nagwawalang halimaw habang marahas na nagbubuga ng apoy. Maging ang ahas na kaniyang buntot ay handa na akong lingkisin.


Pinilit kong makagalaw sa aking pagkakatayo at nagtagumpay ako. Sinikap kong ihakbang nang mabilis ang aking mga paa upang makatakas sa panganib na dulot ng halimaw na papalapit sa akin.


Napalingon ako sa buong training ground habang tumatakbo. Ako na lang ang natitirang estudyante rito. Walang bakas nang kahit sino. Mas lalo akong kinapitan ng takot at kaba.


Lumingon ako sa aking likod. Patuloy ang pagsugod sa akin ng halimaw at malapit na niya akong maabutan. Mas binilisan ko ang aking pagtakbo.


Papasok na sana ako sa loob ng kaharian nang humarang sa aking daraanan ang halimaw na nilalang. Nabungkal din ang lupang kaniyang nadaanan dahil sa kaniyang bilis at lakas. Napapabuga siya ng usok sa bawat kaniyang paghinga.


Matalim din ang tingin sa akin ng ahas na nasa kaniyang likuran. Tila ba sinasabi niya na kahit anong oras ay pwede niya akong tuklawin at lingkisin.


Muli akong napatakbo nang dahil dito. Kahit pagod na pagod na ako ay pinilit ko pa ring makatakas mula rito.


Nahagip ng aking paningin ang fountain na nakatayo sa training ground kaya't nakaisip ako ng plano. Kailangan kong mabasa kahit paano ang halimaw na ito nang sa ganoon ay mahirapan siya sa pag-atake sa akin.


Napawi ang ngisi ko sa aking isip nang makita kong wala itong tubig. Naubos ko pala ito kanina dahil sa mahaderang Cassandra na iyon. Paano na ako?


Nagpatuloy ako sa aking pagtakbo kahit hingal na hingal na ako. Hindi ako makapapayag na mamatay ako sa kamay ng halimaw na ito. Ngunit, napatigil ako sa aking pagtakbo nang napagtanto ko na katapusan ko na.


Tumambad sa akin ang mataas na pader ng kaharian. Wala na itong ibang lagusan.


Humarap ako sa aking likuran. Nakita ko ang Chimera na dahan-dahang naglalakad patungo sa akin. Kita ko ang ngisi sa kaniyang mga mukha kahit hayop siya. Nagsimula na siyang magbuga ng mahihinang apoy. Ayaw kong matusta.


Princess IsabelleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon