Chapter Nineteen

66 5 0
                                    

NERRY CARANDANG
DAY ONE - TUESDAY
@8:23PM

MAAGANG NATAPOS ang dinner naming magkakagrupo. Masasabi kong ito na ang pinakamasayang pagkain namin ng magkakasama. Hindi kasi namin napag-usapan kung nasaan kami ngayon habang kumakain kami kanina. Mga personal na buhay ang mga pinag-usapan namin sa pangunguna ni Rich at Alvin. Mukhang may #ralvin na nagaganap. Sila kasing dalawa ang hyper na hyper kanina. Whatever. Hindi naman sa nagagalit ako. Hindi kasi sila close sa school kaya nagtataka ako ngayon kung bakit sila close na close. Mas close silang dalawa kaysa sa 'kin. Pero, hindi ko na dapat iniisip ang ganitong bagay.

Napatingin ako sa direksyon nilang dalawa na katulad ng nakasanayan, nasa kabilang couch na katapat lang din ng couch namin. Kumakain silang dalawa ng boy bawang garlic flavor habang magkasalo pa sa isang snack na nasa kamay ni Rich.

Inalis ko ang paningin ko sa kanila at tiningnan nalang ang dalawa kong katabi. Katabi ko si Ferdi sa kaliwa ko at si Nico nama'y sa kanan ko. Busy si Nico sa phone niya dahil may ka-text ito. Naalala kong nasa taas—sa kwarto namin ni Nico ang phone ko kaya hindi ko magagamit iyong pampalipas oras. Naliligo kasi sina Ar at Cha sa dalawang cr na nandito sa bahay kaya kailangan namin silang hintayin. Napagkasunduan kasi naming magusap-usap tungkol sa bahay na 'to. Ngayon palang, nakakaramdam na ako ng kaba. Hindi naman nakaiwas sa paningin ko si Leo na nasa dati nitong puwesto, may hawak ding phone; naglalaro ulit siya.

"Vin naman eh! Tingnan mo, nataya tayo!"

Naibalik ko ang paningin ko kina Alvin at Rich. Medyo napataas pa ang isa kong kilay dahil sa narinig kong pagtawag ni Rich ng kakaibang nickname kay Alvin. Masaya silang nagtatawanan habang nakatingin silang pareho sa phone na hawak ni Rich na para bang wala silang kasamang ibang ka-grupo nila. Mahina pang hinampas ni Rich ang balikat ni Alvin na mukhang nagustuhan naman nito. Nakita ko ang pagtingin ng mga mata ni Alvin sa direksyon ko kaya naman agad kong iniiwas ang mata ko. Kung puwede lang, ayoko na munang magtagpo ang mga mata namin. Mali ako sa naisip sa kaniya na gusto niya ako. Kitang-kita ko ngayon na si Rich pala ang gusto niya. At bakit ko ba naisip in the first place na gusto niya ako?

Tiningnan ko si Nico at bumulong sa kaniya. "Nico, uh, kahit nakakahiya, puwede bang alalayan mo ako pataas? Gusto ko lang mahiga saglit. Bababa nalang ako mamaya kapag okay na sina Cha."

Agad na isinilid ni Nico ang phone niya sa bulsa at inalalayan akong makatayo sa inuupuan naming couch.

"Pasa'n kayo?" agad na tanong ni Ferdi.

"Gusto nang magpahinga ni Nerry." sabi naman ni Nico.

"Goodnight, Ner."

Agad akong napangiti kay Ferdi at tinapik siya sa kaniyang balikat. Ramdam ko ang pagtitig nina Rich sa akin pero nagpatuloy na kami sa paglakad ni Nico papunta sa hagdanan. Hindi narin ako tumingin pa sa direksyon nila.














ISANG PAG-IYAK ANG nakapagpagising ng diwa ko. Isang babae ang umiiyak at ramdam ko sa bawat paghagulhol niya ang sakit ng kaniyang kalooban. Ang huling natatandaan ko'y ihinatid ako ni Nico rito sa taas para makapagpahinga na ako. Nasa loob padin ako ng kwarto namin ni Nico, naisip ko. Pero, bakit may umiiyak na babae rito? Medyo malayo siya mula sa kinahihigaan ko pero alam kong nandito lang din siya; nasa iisang kwarto lang kaming dalawa.

Isang pagkaluskos ang narinig ko kasabay ng pagkawala ng iyak ng babaeng nadidinig ko. Ang kaluskos ay naging mabibigat na yabag na mukhang pabalik-balik sa kaliwa't-kanan. May sinasabi ang taong 'yon pero dahil sa kabilisan ay hindi ko magawang makabuo ng kahit na isang salita. Lumakas ang mga salitang 'yon na halos punuin niyon ang tainga ko. Alam kong hindi ako nananaginip. Gising na gising ako pero hindi ko maimulat ang dalawa kong mata.

"Akin na ang katawan mo. Hindi mo ako puwedeng biguin. AKIN KA." buo ang boses ng lalaking nagsalita na nandito lang din sa kwarto namin ni Nico. Hindi ko alam kung sino ang kausap nito. Pinakiramdaman ko silang dalawa at mukhang nandoon sila malapit sa pintuan.

"Nasa tabi mo lang ako." isang boses ng lalaki ang bumulong sa kanan kong tainga dahilan para mapasigaw ako't magmulat ng mga mata. Agad kong tiningnan ang tabi ko pero wala akong nakitang tao roon. Sa kabila'y, wala rin. Wala si Nico sa kama niya at ako lang ang nandito. Mali. Hindi ako nag-iisa! Nang tingnan ko ang direksyon ng pintuan ay may dalawa roong nakatayong tao na nakaharap sa direksyon ko. Tumindi ang pagkakahawak ko sa aking kobre kama na halos magusot iyon.

"NERRY!"

"Oh my god!"

"Okay ka lang ba, Nerry?!"

Bigla ko nalang nakita ang mga ka-grupo kong nasa harapan ng aking kama. Si Nico'y nakaupo na sa kama ko't nakahawak ang kamay sa aking mukha. Nang magtagpo ang mga nami'y tuluyan na akong napahagulhol. Mabuti't nandito na siya! Diyos ko, mabuti't nandito na ang mga kasama ko!

Niyakap ko nang mahigpit si Nico at naramdaman ko kaagad ang mainit niyang katawan. Niyakap niya rin ako. Sandali akong napapikit; unti-unti nang nawawala ang takot na nararamdaman ko. Nagmulat ako ng mata at gayon na lamang ang gulat ko nang makita ko ang mukha nina Leo, Alvin, Cha at Rich na nakatingin mismo sa mukha ko. Nakabend ang ulo nila pero nanatili silang nakatayo. May ngiti sa labi pero seryoso ang mga mata. Napasigaw ako't napahiwalay sa yakap ni Nico. Napairit na ako ng sunud-sunod nang makita ang likurang ulo ni Nico; ang buhok niya at batok na nakaharap sa akin pero ganun padin ang katawan niya. Itinaas niya ang dalawa niyang kamay para abutin ako kaya tinakpan ko nalang ang mukha ko.

"N-NERRY! NERRY! Si Nico 'to!"

Narinig ko ang boses ni Nico pero tuluyan nang kinain ng kadiliman ang diwa ko.

Six Days of HorrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon