Chapter 24

66.8K 1.3K 37
                                    

PAGKALABAS sa opisina'y dinaanan siya ni Vince. Niyaya siya nitong mamasyal. Napilitan siyang sumama dahil nagpilit ito.

"Hindi pa pala ako personal na nakapagpasalamat kay Janet," aniya upang magsimula ng usapan. "Kung hindi dahil sa kanya'y—" hindi niya itinuloy ang sinasabi at nagsimulang panginigan ng laman. She wasn't raped and yet the terror she'd been through ay isang bangungot. Paano na lang ang mga babaeng dumanas ng pagsasamantala mula sa mga hayok sa laman?

Inabot ni Vince ang palad niya at pinisil. "It's over, Moana," he said grimly. "Patay na ang mga lalaking iyon."

Tumango siya at sinikap na ibalik ang kalma sa sarili.

Wala nang namagitang usapan hanggang sa ipasok ni Vince ang sasakyan sa loob ng isang orchard. Ipinarada ang sasakyan sa isang pamilyar na lugar. Lumabas ang binata sa kotse at umikot sa tabi niya at binuksan ang pinto. Inakay siyang lumabas. Inikot ni Moana ang paningin sa paligid. Nanlalaki ang mga matang tumingala siya sa binata.

"B-bakit tayo... nagpunta dito?" Unti-unti ang paggapang ng lamig sa katawan niya.

He gave her a gentle smile. "Calm down, sweetheart. Alam mo bang pag-aari ninyo ang propriedad na ito?" Nalilitong umiling ang dalaga. Ang lugar na iyon ang pinagdalhan sa kanya ng dalawang lalaking napatay.

"Yes. Kasama ito sa listahan ng property ng mga magulang mo. Sampung ektaryang niyugan at prutasan. Nang sabihin ni Janet kung saan patungo ang kotseng sinasakyan ninyo'y ang lugar na ito agad ang naisip ko. Ang daang patungo lamang dito ang maaaring daanan ng sasakyan," paliwanag nito at nilinga ang buong paligid. "Ang may-ari ng kubo'y ang matandang namamahala at may ilang buwan nang namayapa kaya napabayaan," hinawakan nito sa kamay ang dalaga at inakay patungo sa kubo. "May inutusan akong ayusin at linisin ang kubo kahapon..."

"A-ano ang motibo mo sa pagdadala sa akin dito, Vince?"

Hindi sumagot ang binata at pinapanhik siya sa tatlong baitang na kawayan. Alanganing sumunod si Moana. Mula sa pinaka-terasa ng kubo ay inakbayan siya nito para ipasok sa loob. Subalit hanggang sa may pinto lang sumunod si Moana. Sinilip ang kabahayan. Malinis at maayos bagaman walang kasangkapan. Nasisilip niya ang lupa sa siwang ng kawayang sahig.

Hindi nagpilit si Vince at hinayaan siyang tumayo sa may pinto. Iniyakap ni Moana ang mga braso sa sarili na tila proteksiyon. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng binata at lumapit sa nakabukas na bintana at itinukod ang mga kamay dito upang tanawin ang kapaligiran.

"Hindi mo ako sinasagot..." tinitigan niya ang likod nito. Naging tila bahay-bahayan ng mga bata ang kubo sa laki ng binata. Halos sakupin nito ang buong bintana.

"This property is yours, Moana," ani Vince pero hindi lumingon. "Wala akong ideya kung paanong natutunan ng mga kidnappers ito. Maaaring tsansa lang at nalaman nilang walang nakatira at malayo sa kabayanan. Ayon sa Papa ay hindi sila mga taga-rito. Mga lalaking may criminal records at ang isa sa kanila'y pinaghahanap ng batas sa kabilang bayan." Sa bahaging iyon ay humarap ang binata. "At dinala kita rito upang pawiin sa isip mo ang ginawa sa iyo ng mga lalaking iyon..."

Luminga sa labas ang dalaga. Natanaw ang hile-hilerang mga puno ng mangga na pawang namumulaklak na. Hindi niya napuna ang mga iyon noon dahil umuulan. At dinadala ng hangin ang halimuyak ng mga bulaklak sa ilong niya. Somehow, tila balsamo iyon sa sugatan niyang damdamin.

"Paano mangyayari iyon, Vince, gayong nakatatak sa isip ko ang kahayupan ng lalaking iyon!" She said between her teeth. "Sa tuwing natutulog ako'y napapanaginipan ko ang ginawa niya sa akin. I wasn't raped all right... but he... he... t-touched me and he... hurt me and—" gumagaralgal ang tinig niya. Hindi niya mapigil ang mga luhang malayang dumaloy.

Sweetheart Series 4: My Knight In Shining Armour (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon