Chapter 27

94.2K 1.6K 171
                                    

TINANGHALI ng gising si Vince kinabukasan. Dumaan pa sa ospital at dinalaw si Adrienne na nagkamalay na. Pagkatapos ay saka pa lang tumuloy ng bangko. Napasulyap sa mesa ni Hector. Bakante ito. Siguro'y sa ospital na muna nagtuloy at nagkasalisi sila.

"Sir, tumawag ho ang Papa ninyo. Hindi n'yo raw sinasagot ang cellphone ninyo," ang sekretarya niya.

Naiwan niya sa kotse ang telepono habang nasa ICU siya at dinadalaw si Adrienne.

"Tawagan mo ang Papa, Toni," utos niya dito.

"Yes, sir."

NASA bungad na ng hagdan si Moana patungong ospital nang makitang lumabas galing kusina si Hector.

"Saan ka pupunta, Moana?"

"Sa ospital," matabang niyang sagot.

"Sabay na tayo, doon din ang tungo ko..."

"I have my own car, hindi natin kailangang magsabay," tuloy-tuloy siya sa paghakbang nang hawakan siya nito sa braso.

"Bitiwan mo ako, ano ba!"

Subalit lalong humigpit ang hawak ni Hector sa braso niya. "Bakit ba napakailap mo? Dahil ba hindi ko itinuloy ang panliligaw sa iyo at sa halip ay ang mommy mo ang pinakasalan ko?"

"Dahil hindi nakita ng Mommy ang tunay mong pagkatao!" Asik niya. "At bitiwan mo ako, dahil kahit ikaw na lang ang kahuli-hulihang lalaki sa lupa ay hindi kita gugustuhin."

Ngumisi ang lalaki pero hindi siya binitiwan. "Actually, Moana, tinulungan mo akong mapakasal sa akin si Adrienne."

Natigilan siya roon. "Ano ang ibig mong sabihin?"

"Remember the scene you created nang mahuli mo kami ng Mommy mo sa opisina niya?" Hindi sumagot ang dalaga bagaman nagbalik sa isip iyon. "I've been pursuing both you and your mother, Moana, at the same time. Matigas pa siya sa iyo in a very subtle way. At ang nangyari sa opisina niya'y ang huling effort ko para pumayag siyang magpakasal kami though I wasn't really sure na mapapapayag ko siya. Biyuda ang Mommy mo at bata pa. So I thought, she needed someone like me, ang pukawin ang—" ibinitin nito ang sinabi at malisyosong tumawa.

"Walanghiya ka!"

"Inabutan mo kami sa ganoong tagpo. Your mother trying to resist my charm half-heartedly at ikaw ay nagtitili sa pandinig ng mga empleyado. Presto! Your mother married me," tumawa ito sandali bago muling pomormal. "Kaysa mapahiya sa mga empleyado ay nagpakasal siya sa akin. Okay na sana, but how would I know na may ganoon ka-tinding asthma ang mother mo na huwag lang hindi ma-excite ng husto'y inaatake?" Nagkibit ito ng mga balikat. "Oh, well, hindi sa lahat ng pagkakataon. At napagtitiisan ko ang mumunting biyaya." Muling tumawa ito.

"I knew you married my mother for her money," tiim-bagang niyang sabi dito. "But you will be very disappointed, Hector. You won't get a cent! Walang minanang pera ang Mommy sa Daddy!"

Natigilan ang lalaki. "Sa batas natin, Moana, kung nakakalimutan mo, hinati ninyo ni Adrienne ang property ni Henry. At sa sandaling mamatay si Adrienne ay hahatiin nating dalawa ang naiwan sa kanya."

Isang nakakainsultong tawa ang pinakawalan ni Moana. "Iyon ay kung tinanggap ng Mommy ang nakalaan para sa kanya, Hector?" Nagsalubong ang mga kilay ni Hector at sinaklit siya.

"Linawin mo ang sinasabi mo."

"Ang mansion lamang na ito ang ginusto ng Mommy na nasa pangalan niya. She declined what is legally hers at ginawan iyon ng kasulatan," itinaas niya ang mukha at nasiyahan sa nakitang pagkabigla sa mukha ni Hector. "Bago namatay ang Papa'y official na iyon. Nasa pangalan ko lahat ang pag-aari ng mga Lang maliban sa ikaapat na bahagi, na ayon sa batas ay malayang maipagkakaloob ng Papa sa kanino mang gusto niyang pagkalooban. And Vince was the recipient of it." Malakas siyang tumawa. Tawang agad napigil nang muli siyang haklitin nito.

Sweetheart Series 4: My Knight In Shining Armour (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon