Lycan I: Ang Imbitasyon

6K 219 18
                                    

Lycan I: Ang Imbitasyon

Isang pack ng mga Lycan ang kasalukuyang nagtatago sa lilim ng mga nagsisihabaang damo. Kapwa sila nasa kanilang unang anyo, ang anyong lobo, at matiim nilang minamatiyagan ang nag-iisang Taros na nanginginain ng mga halaman. Ang Taros ay isang uri ng hayop na nabubuhay sa mundong ito. Kawangis nito ang isang kalabaw subalit mayro'n itong tatlong mga buntot na mayro'ng kakayahang bumali ng isang malaking puno sa isang hagupit lamang. Mayro'n din itong nagtutulisang mga sungay sa nguso na kahalintulad sa isang baboy ramo.

Sumenyas ang pinuno nilang si Lucien, anak ng kanilang alpha, na maghanda na sa gagawin nilang pagsugod. Mabagal at marahang naglakad si Lucien palapit sa kanilang biktima, na siya namang ginaya ng kaniyang mga ka-pack hanggang sa-

Kasabay ng pag-ihip ng hangin at pagsenyas ni Lucien ay sabay-sabay silang tumalon pasugod sa kinaroroonan ng kanilang biktima. Sa kanilang pagtalon, at sa utos ni Lucien ay nahati sila sa apat na grupo na mayro'ng tig-dalawang bilang, at mabilis na pinalibutan ang nababalisang hayop.

Dalawa sa mga ito ang unang umatake at sinubukang sunggaban ang magkabilang paa ng Taros, ngunit—agad silang tumilamsik matapos silang hagupitin ng buntot nito.

Mabilis namang sinunggaban ni Lucien ang pagkakataong atakehin ang nababalisang Taros at agad niya itong sinakmal sa batok. Mariin niyang ibinaon sa balat nito ang mga naghahabaan at nagtatalimang niyang mga pangil niya. Pinakawalan lamang niya ito nang masigurado niyang wala na itong buhay. Gamit ang kaniyang dila, ay walang pakundangan niyang nilinis ang mga dugong nakakalat sa kaniyang bibig at mga pangil.

Ito na ang pang limang huli nila, at sa tingin niya ay sapat na ang kanilang nahuli para sa ngayong araw. Sinenyasan na niya ang kaniyang mga kasamahan na bumalik sa kanilang pack house.

Pero sa hindi maunawang dahilan ni Lucien ay kanina pa siya hindi mapakali.

Parang may mali.

Maging si Icien, ang kaniyang lobo, ay panay ang ungol sa kaniyang isipan na susundan pa nito ng mga mahihinang alulong. Isa lang ang naiisip niyang dahilan kung bakit ito nagkakaganoon, ibig sabihin—may hindi magandang nangyayari sa kaniyang kakambal.

Ngunit gustuhin man niyang umalis ay kailangan niya paring gampanan ang resposibilidad niya bilang pinuno ng mga ito, at iyon ay ang siguraduhing ligtas na makakabalik sa kanilang pack ang bawat isang miyembro ng kasama niyang grupo ngayon.

Mabilis siyang pumuwesto sa huling bahagi ng pack at pinauna ang mga ito. Habang pabalik sa kanilang pack house ay lubos na nangingibabaw ang pinagkaiba ng lobo ni Lucien mula sa mga kasamahan nito. Magkahalong kulay itim at abo ang balahibo nito subalit di hamak na mas dominante ang kulay abo kaysa sa kulay itim. Kitang-kita ang katikasan ng mga kalamnan nito sa bawat paggalaw ng mga paa niya. Di hamak din na mas doble ang laki ng katawan nito kumpara sa mga lobong nasa unahan nito na kapwa magkahalong kulay tsokolate at puti ang balahibo.


Ngunit ang pinaka nakakaagaw pansin at nakakatakot sa huwangis nito ay ang matingkad at matapang na kulay asul nitong mga mata.

Pagkarating na pagkarating ng grupo nila Lucien sa kanilang pack house ay dagli-dagling nagtungo si Lucien sa silid ng kaniyang kakambal at ganoon na lang ang kaniyang pagkabahala nang hindi niya ito nakita roon.

'Nasaan ito?'

Mabilis na sinagap ng kaniyang pang-amoy ang kasalukuyang lokasyon ng kaniyang kakambal. Base sa amoy nito na naroon sa silid ay wala pang kalahating oras mula nang makaalis ito. Wala naman siyang ibang nasagap na 'di pamilyar na amoy kaya agad din siyang kumalma.

Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)Where stories live. Discover now